Pagharap sa Kanser sa Balat
Pagharap sa Kanser sa Balat
ANG 51-taóng-gulang na si Jeremiah ay isang Australiano na ang angkan ay nagmula sa Ireland, may buhok na parang kulay mamula-mulang apoy at balat na kulay-gatas, na tinutukoy ng ilan bilang “sumpa ng mga Celt.” Inilahad niya: “Kagaya ng karamihan sa mga Australiano, ang aming pamilya ay madalas na nasa labas ng bahay, lalo na kung dulo ng mga sanlinggo at bakasyon sa tag-araw. Sa loob ng maraming oras noong bata pa ako, lumalangoy ako sa swimming pool sa likuran ng bahay namin o nagse-surfing o naglalaro ng cricket sa mga dalampasigan sa Gold Coast, sa timog ng Brisbane. Kadalasan, naka-short na pampaligo lamang ako.”
Nagpatuloy si Jeremiah: “Hanggang noong unang mga taon ng pagiging tin-edyer ko, wala pang mabibiling mabisang sunscreen. Nang panahong iyon, malawakang pinasigla ng pag-aanunsiyo ang mga tao na gumamit ng langis ng niyog na pampaitim upang maging kagaya ng mga lifeguard na Australiano na may kulay-bronseng balat. Noon ay halos wala kaming nalalaman tungkol sa pinsalang naidudulot ng araw sa balat. Nang makaranas ako ng paulit-ulit na kirot dahil sa sobrang pagkasunog sa araw, saka lamang ako nag-ingat at umiwas sa mga situwasyon na naghahantad sa akin sa matinding sikat ng araw.” Ngunit nagkaroon na ng pinsala. “Dahil sa lahat ng mga taóng iyon ng pagbibilad ko sa araw, nagkaroon ako ng maraming nunal, na nagsimulang umitim at kumapal, lalo na sa dibdib ko.”
Magmula noon ay tatlong melanoma na at maraming basal cell carcinoma ang inalis kay Jeremiah. Dahil dito ay binago niya ang kaniyang rutin. Sinabi niya: “Araw-araw, bago ako lumabas ng bahay, nagpapahid ako ng skin moisturizer. Pagkatapos, nagpapahid pa uli ako ng sunscreen. Madalas na akong magsombrero ngayon kung tag-araw mula 9:00 n.u. hanggang 4:00 n.h.” Nagpapasuri rin siya sa dermatologo tuwing tatlong buwan.
Ipinaliwanag ni Jeremiah kung ano ang nakatulong sa kaniya na maharap ang kaniyang mahirap na kalagayan: “Pinagkalooban ako ng Diyos na Jehova ng taimtim na pananalig na umasang gagaling ako bagaman iniisip ng iba na maaari na akong mamatay anumang taon. Batay sa inaasahang haba ng buhay ng maraming may melanoma nito lamang nakalipas na 20 taon, itinuring ng ilan na ako ay parang nasentensiyahan na ng kamatayan. Naranasan ko mismo ang kahulugan ng mga salita ni Haring David: ‘Aalalayan [ako] ni Jehova sa kama ng karamdaman; ang buong higaan [ko] ay papalitan mo nga sa panahon ng [aking] pagkakasakit.’ ”—Ang isa pa na nakipagpunyagi sa kanser sa balat ay si Maxine. Noong kabataan niya, ang maputing si Maxine ay ipinadala sa Tropiko bilang misyonera, una sa Dominican Republic at nang maglaon sa Puerto Rico. Sa loob ng 20 taon, bahagi ng kaniyang gawain bilang misyonera ang pagbabahay-bahay sa ministeryo sa ilalim ng sikat ng araw nang halos buong maghapon. Bukod diyan, gustung-gusto niyang magbilad sa araw sa kaniyang libreng panahon. Pagkatapos, natuklasan noong 1971 na mayroon siyang basal cell carcinoma sa mukha. Sumailalim siya sa paggagamot na ginagamitan ng radium at pagkatapos ay inoperahan siya, na sinundan ng pagkuha ng balat sa ibang parte ng katawan upang ipalit sa nasirang parte. Gayunman, patuloy pa ring lumilitaw ang mga selulang may kanser.
Ganito ang paliwanag ni Maxine: “Ang problema ay madalas na hindi nakikita ang mga selulang may kanser, kaya patuloy na dumarami ang mga ito. Napakatagal at napakaigting na panahon ito—mga 30 taon ng pagpapabalik-balik sa mga doktor, klinika, at mga ospital. Hindi kukulangin sa sampung beses akong naoperahan sa mukha, bukod pa sa ilang beses na pagpunta sa isang klinika para ipagamot ang kanser ko sa ibang pamamaraan.” Ngayon, ang pinakahuling paggagamot na ginawa sa 80-taóng-gulang na si Maxine ay ang Mohs surgery, na naging mas matagumpay sa pagsugpo sa mga selulang may kanser.
Dahil sa kaniyang pabalik-balik na kanser sa balat, kinailangan ni Maxine na gumawa ng pagbabago sa kaniyang paraan ng paglilingkod bilang misyonera, anupat isinasagawa ang kaniyang pangmadlang ministeryo sa gabi upang maiwasan ang araw. Ano ang nakatulong kay Maxine na maharap ito? “Ang isang bagay ay ang positibong saloobin. Alam kong patuloy na lilitaw ang mga selulang may kanser at kailangan kong pumunta uli sa doktor. Tanggap ko na ito. Sinisikap kong huwag kaawaan ang aking sarili o dumaing dahil sa mga pagsubok sa akin. Hindi kayang alisin ng mga ito ang kagalakan ko sa aking ministeryo. Naipakikipag-usap ko pa rin sa iba ang tungkol sa Kaharian ni Jehova. At taglay ko ang pag-asa na permanente akong gagaling sa malapit na hinaharap sa bagong sanlibutan. Sa panahong iyon ay babata at gaganda ang aking mukha.”
Oo, ang mga dumaranas ng kanser sa balat at ang mga biktima ng iba pang mga sakit ay makaaasa sa panahong matutupad ang mga salitang nakaulat sa aklat ng Job: “Maging higit na sariwa pa ang kaniyang laman kaysa noong kabataan; mabalik siya sa mga araw ng lakas ng kaniyang kabataan.” (Job 33:25) Hanggang hindi pa dumarating ang panahong iyon, dapat mag-ingat tayong lahat sa panganib na dulot ng labis na pagkabilad sa araw at gumawa ng pantanging pagsisikap na ingatan ang ating balat.
[Mga larawan sa pahina 9]
Maraming kanser sa balat ang inalis kay Jeremiah, kasama na rito ang tatlong “melanoma.” Gayunma’y nananatili siyang positibo at punô ng pag-asa
[Mga larawan sa pahina 10]
“Sa bagong sanlibutan . . . , babata at gaganda ang aking mukha.”—Maxine