Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Hinahadlangan ng Teknolohiya ang Pag-uusap
“Ang mga Britano ay natatakot makipag-usap nang harapan dahil sa kanilang pagiging labis na nakadepende sa modernong teknolohiya,” ang ulat ng The Times ng London. Natuklasan ng isang surbey na isinagawa ng British Gas sa 1,000 adulto na sa bawat araw, ginagamit ng isang tao sa pangkalahatan ang halos apat na oras ng panahong gising siya sa “paggamit ng teknolohiya na dating nilayong magbigay sa mga tao ng higit na panahon para sa kanilang sarili.” Ayon sa ulat, “gumugugol ang mga Britano sa pangkalahatan ng 88 minuto araw-araw sa teleponong de-kawad, at saka 62 minuto sa cellphone, 53 minuto sa pag-i-e-mail at 22 minuto sa pagte-text.” Sinabi ng surbey na napipinsala ang mga kasanayan sa pakikipagtalastasan, tulad ng pakikipag-usap nang harapan. Inamin ng marami sa mga sinurbey na ginagamit nila ang text messaging “bilang paraan ng pag-iwas sa kaayaayang istilo ng pakikipag-usap o para maiwasan mismo ang pakikipag-usap.”
Magastos na Bisyo
Magastos ang paninigarilyo, hindi lamang sa mga naninigarilyo kundi maging sa kanilang mga amo at sa mga hindi naninigarilyo, ayon kay Propesor Kari Reijula ng Finnish Institute of Occupational Health. Ang panahong nasasayang dahil lamang sa pamamahinga para manigarilyo ay “kumukuha ng halos 16.6 milyong euro [$21 milyon] taun-taon sa ekonomiya ng bansa,” ang ulat ng Web site ng Finnish Broadcasting Company. Tinataya na ang “mga manggagawa na nakauubos ng isang pakete ng sigarilyo sa isang araw ay 17 araw na hindi nakapapasok sa trabaho taun-taon.” Hindi pa kasama rito ang gastos sa pagliban sa trabaho dahil sa pagkakasakit. Sinabi pa ni Reijula: “Ipinakikita ng mga pag-aaral na madalas ding maaksidente ang mga empleadong naninigarilyo.” Bukod dito, ayon sa ulat, pinalalaki ng paninigarilyo ang gastos sa paglilinis at sa kuryenteng ginagamit, “yamang kailangan na laging itodo ang sistema para sa bentilasyon.” Lalo nang seryoso ang bagay na “mga 250 di-naninigarilyong taga-Finland ang namamatay taun-taon dahil sa mga sakit na nauugnay sa pagkahantad sa usok na galing sa mga naninigarilyo sa panahon ng trabaho o pagkatapos ng trabaho.”
Madaling Makakuha ng mga Droga
Sa Poland, mas madaling makakuha ng mga drogang panlibangan kaysa sa serbesa, ulat ng magasing Wprost. “Madaling makukuha ang mga ito sa bawat disco; sa mga club, taberna, at mga bahay-tuluyan; at sa mga paaralan para sa kolehiyo, haiskul, [at] junior high school.” Bukod diyan, sa mas malalaking lunsod, ang mga droga ay “maaaring bilhin sa pamamagitan ng telepono at inihahatid ito nang mas mabilis pa kaysa kapag pizza ang inorder mo,” ang sabi ng babasahin. Ang mababang presyo, malawak na sirkulasyon, at ang bagay na “itinuturing na hindi nakapipinsala ang sintetikong mga droga,” ang sabi ng Wprost, ay umakay sa mahigit na kalahati ng lahat ng tin-edyer sa Poland na mag-eksperimento sa mga ito “kahit minsan lamang.” Ayon kay Katarzyna Puławska-Popielarz, pinuno ng isang sentro ng rehabilitasyon para sa mga kabataan, ang matagal na pag-abuso sa isa sa gayong droga, ang shabu, ay nagbunga ng “mga pagpapatiwakal, atake sa puso, pagkabaliw, at labis-labis na pamamayat.”
Muling Pagdaraos ng Misa sa Wikang Latin
Sa Alemanya, “nagiging lalong popular ang mga serbisyo sa simbahan sa wikang Latin,” ang ulat ng magasing pambalita na Focus. Napansin ng mga pari sa “mga lunsod ng Frankfurt, Düsseldorf, at Münster na sa kabila ng umuunting bilang ng mga dumadalo, maaari nilang punuin ang kanilang mga simbahan sa pamamagitan ng mga serbisyo sa wikang Latin,” ang sabi ng magasin. Ang popularidad ng Misa sa wikang Latin ay umakay sa isang simbahan sa Munich na gawing dalawang beses sa isang linggo sa halip na dalawang beses sa isang buwan ang bilang ng mga Misa na ginagamitan ng liturhiyang Latin, bukod pa sa panahon ng pampublikong mga kapistahan.
Isang Siglo na Batbat ng Digmaan
“Ang genocide ang isang dahilan kung bakit naging pinakamadugo sa kasaysayan ang ika-20 siglo,” ang ulat ng Buenos Aires Herald. Binibigyang-katuturan ang genocide bilang ang sistematiko at isinaplanong paglipol sa isang buong grupo na may ibang nasyonalidad, lahi, pulitikal na adhikain, o etnikong pinagmulan. Tinataya na mahigit sa 41 milyong tao ang pinatay noong ika-20 siglo. Ang isang kamakailang halimbawa ay ang Rwanda, kung saan mga 800,000 katao ang pinatay noong 1994, anupat ang karamihan dito ay pinatay ng “mga sibilyan na nahimok ng propaganda hinggil sa poot.” Sinasabi ng mga iskolar na sa isang yugto na 100-araw, 8,000 katao sa katamtaman ang pinapatay araw-araw. Ang ganito kabilis na pagpatay ng mga tao ay “limang beses na mas mabilis kaysa sa nagawa ng mga gas chamber ng mga Nazi noong Digmaang Pandaigdig II,” ang sabi ng Herald.
Kung Paano Naghahanap ng Masisila ang mga Buwaya
Natuklasan ng isang nagpapakadalubhasang estudyante sa University of Maryland ang isang bagay na dati’y hindi alam ng mga eksperto—mga pressure receptor sa nguso ng mga buwaya, na tumutulong sa kanila na maramdaman ang galaw ng sisilain nila sa tubig. Nakahilera sa panga ng mga buwaya at ng iba pang reptilya na kapamilya ng mga buwaya ang maliliit na umbok na parang mga tuldok na sinlaki ng tusok ng karayom. Natuklasan ng biyologong si Daphne Soares na ang mga ito pala ay maliliit na umbok na nakararamdam ng presyon sa tubig anupat tumutulong sa mga reptilyang ito na maramdaman ang kahit bahagyang pagkagambala sa ibabaw ng tubig sa palibot nila. “Ang mga buwaya ay naghahanap ng masisila sa gabi, anupat halos nakalubog na sila sa tubig at naghihintay na mabulabog ng kanilang sisilain ang ibabaw ng tubig. Ang kanilang panga ay eksaktung-eksakto na nakalutang lamang sa tubig,” ang paliwanag ni Soares. “Kapag gutom sila, agad nilang sasalakayin ang anumang bumulabog sa ibabaw ng tubig.” Ang mga dome pressure receptor, gaya ng tawag niya sa mga ito, ay napakasensitibo anupat kaya ng mga ito na maramdaman ang epekto ng isang patak ng tubig.
Buháy na mga Basurahan
Ipinakikita ng internasyonal na pag-aaral hinggil sa epekto ng basura sa buhay-dagat na ang mga fulmar sa pangkalahatan, mga ibong-dagat sa North Sea, ay may 30 piraso ng plastik sa kanilang sikmura. Iyan ay “doble ng dami ng natagpuan sa mga fulmar noong unang mga taon ng dekada ng 1980,” ang ulat ng pahayagang The Guardian ng London. Pinag-aralan ang mga fulmar dahil “kinakain nila ang halos lahat ng bagay at hindi iniluluwa ang mga ito.” Kabilang sa mga plastik na bagay na natagpuan sa sikmura ng patay na mga fulmar ay mga laruan, kasangkapan, lubid, tasang polystyrene, espongha ng kutson, plastik na sisidlan, at lighter para sa sigarilyo. Si Dr. Dan Barlow, pinuno ng mga mananaliksik sa Friends of the Earth Scotland, ay nagsabi: “Nalaman namin mula sa pananaliksik na ito na ang mga hayop sa dagat sa palibot ng baybayin ng Scotland ay nagiging buháy na mga basurahan.” Sinabi pa ng ulat: “Mahigit na 100 sa 300 uri ng ibong-dagat ang kilaláng nakakakain ng plastik nang di-sinasadya.”
Wikang Pasenyas sa Internet
Sa loob ng maraming taon, ginamit na ng mga taong bingi ang mga teletype machine at, kamakailan, maging ang E-mail sa pakikipagtalastasan sa kanilang mga kaibigan. Ngayon, dahil sa pagdami ng mga Webcam, mga kamerang pang-computer para sa Internet, nakagagamit na ng wikang pasenyas sa Internet ang mga bingi. Gayunman, ayon sa National Post ng Canada, “dahil sa makitid na saklaw ng lente ng webcam at dalawa lamang ang dimensiyon ng naipakikita nitong larawan, hindi gaanong nakikita ang ilang bagay, kung paanong hindi nakikita ang pagtaas ng kilay o pagngisi kapag gumagamit ng telepono.” Maaaring maging mas mahirap ang pagsesenyas sa mga Webcam dahil sa mabagal na mga koneksiyon sa Internet at iba pang teknikal na mga problema. Paano napagtatagumpayan ng mga bingi ang gayong mga hadlang? Tinatagalan at inuulit ng mga nagsesenyas ang kanilang mga senyas at natutuhan nilang “ibagay ang kanilang mga galaw o posisyon ng katawan upang hindi maging problema ang tungkol sa dimensiyon ng larawang ipinakikita ng kamera,” ang sabi ng Post. Natuklasan din ng mga nagsesenyas na maaari nilang idiin ang kanilang sinasabi kung ilalapit nila ang kanilang mga kamay sa kamera upang palakihin ang mga ito.