Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-asa Ito ay maikling liham lamang upang ipahayag ang aming taimtim na pasasalamat sa seryeng “Pag-asa—Saan Mo Ito Masusumpungan?” (Abril 22, 2004) Binasa namin ito nang magkakasama bilang isang pamilya, at nang matapos kami, pinipigil namin ang aming luha. Magandang tingnan ang gawang-sining na may bulaklak.
H. H. & L. H., Estados Unidos
Isang linggo nang patay ang aking ina nang matanggap ko ang isyung ito, at lubha akong naaliw ng mga salitang “Ang mga patay ay nasa pinakaligtas na maguguniguning kalagayan, gaya ng isang sanggol na ipinagsasanggalang sa loob ng bahay-bata ng ina.” Nagdadalamhati pa rin ako dahil sa pagkamatay ng aking ina, ngunit maligaya ako na ligtas siya sa alaala ni Jehova.
V. L., Estados Unidos
Halos 50 taon na akong nagbabasa ng Gumising!, at lagi akong namamangha sa kakayahan ninyong iharap sa naiibang paraan ang isang paksang maraming beses na ninyong tinalakay. Ang impormasyong iniharap ninyo hinggil sa pagiging pesimistiko ay talagang dapat isaalang-alang.
T. H., Estados Unidos
Mayroon akong nakamamatay na sakit. Sinisikap kong manatiling positibo, ngunit sa araw na ito, nagising ako na nakadarama ng kawalang-pag-asa. Kaya paulit-ulit kong binabasa ang mga artikulo. Mapapansin sa mga artikulo ang malalim na kaunawaan, at malaking kaaliwan ang natatamo ko mula sa mga ito.
B. J., Britanya
Nakikipaglaban sa kanser ang asawa ko. Nakadarama ako ng matinding kaigtingan sa pangangalaga sa aming mga anak. Nawalan din ako ng trabaho. Ngunit napatibay ako sa bahaging “Mga Dahilan Para Umasa.” Gusto kong ibahagi ang artikulong ito sa pinakamaraming tao hangga’t maaari.
Y. N., Hapon
Kapag may masamang nangyayari sa akin, may tendensiya akong mataranta dahil sa takot. Sagot sa aking panalangin ang mga artikulong ito! Napakaespesipiko ng mga hakbang sa pagdaig sa pesimistikong pangmalas anupat kapag nagkakaroon ako ng pesimistikong mga kaisipan, isa-isa kong naikakapit ang mga hakbang. Iniingatan ko sa tabi ng aking kama ang artikulong ito at araw-araw ko itong binabasa.
S. T., Hapon
Mga Ibong Naglilinis at Nag-aayos ng Kanilang Balahibo Sa lugar na tinitirhan namin, madalas kaming makakita ng mga ibong naglilinis at nag-aayos ng kanilang balahibo. Palibhasa’y nabasa ko na ang artikulong “Nagpapaganda Lamang?” (Abril 22, 2004), nauunawaan ko na ngayon ang maraming pakinabang na naidudulot ng paglilinis at pag-aayos ng mga ibon sa kanilang balahibo. Gusto ko kayong pasalamatan sa inyong nakapagtuturong paghaharap ng impormasyon tungkol sa natatanging mga nilalang ng Diyos.
F. K., Nigeria
Tuwang-tuwa ako sa pagbabasa ng mga artikulo hinggil sa mga halaman, hayop, at mga ibon. Natutuhan ko mula sa artikulong ito na ang kalinisan ay nangangahulugan ng buhay at kamatayan para sa mga ibon. Hindi ko naisip iyan noon.
K. G., Russia
Mga Disco Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko ba Dapat Malasin ang mga Disco?” (Abril 22, 2004) Sang-ayon ako na hindi para sa mga Kristiyano ang mga disco. Ikinalulungkot ko na hindi ko nakilala si Jehova noong nagtutungo pa ako sa gayong mga disco.
L., Indonesia
Ang totoo, nagpupunta ako sa mga lugar na hindi ko dapat puntahan. Gustung-gusto kong sumayaw, at lagi kong ipinangangatuwiran ito. Kinabukasan ay nakokonsensiya naman ako. Hindi dahil sa may ginawa akong masama; kundi dahil sa ginagawa ng mga taong nakapalibot sa akin! Inilantad ng artikulo ang katotohanan tungkol sa mga disco—na marami sa mga ito ang mapanganib at imoral.
D. K., Australia