Ang Paghahangad Para sa Mas Ligtas na Paglalakbay sa Himpapawid

Ang Paghahangad Para sa Mas Ligtas na Paglalakbay sa Himpapawid

Ang Paghahangad Para sa Mas Ligtas na Paglalakbay sa Himpapawid

MGA ilang linggo lamang bago ang 9/11, nadama ni Alex na malapit na niyang mapaglabanan ang kaniyang takot sa pagsakay sa eroplano. Nang lumipad ang pampasaherong eroplano na sinasakyan niya mula sa Atenas patungong Boston, ang 42-anyos na public-affairs manedyer ay nagsimulang makaranas ng bahagyang pag-atake ng nerbiyos​—bumilis ang tibok ng kaniyang puso at nagpawis ang kaniyang mga palad at noo.

Subalit alam niya kung ano ang kailangan niyang gawin. Ang terapist na tumutulong sa kaniya na madaig niya ang kaniyang takot na sumakay sa eroplano ay nagsabi sa kaniya na huminga nang malalim, ilarawan sa isipan ang isang magandang tanawin, at humawak nang mahigpit sa patungan ng braso, pagkatapos ay bumibitiw siya sa mahigpit na pagkakahawak nang apat na beses sa isang minuto. Nang halos malipos siya ng takot dahil sa mga pag-alog at ingay, inisip ni Alex ang kaniyang sarili na para bang siya’y nasa isang tahimik na lawa. “Akala ko’y talagang nadaraig ko na ang aking takot na sumakay sa eroplano,” ang sabi ni Alex.

Milyun-milyong pasahero sa himpapawid ang takót sumakay sa eroplano. Nitong nakalipas na mga taon, marami ang nag-aral sa mga klaseng dinisenyo upang madaig ang takot sa pagsakay sa eroplano para matulungan, kadalasang inudyukan ng kanilang mga kapamilya, mga amo, at ng mga kompanya ng eroplano, na pawang may motibong hikayatin silang sumakay sa eroplano. Para sa karamihan ng mga pasahero, kapaki-pakinabang ang mga klase; ipinagmamalaki ng maraming klinika na nadaig ng 90 porsiyentong lumahok sa klase ang kanilang takot.

Subalit binago ang lahat ng iyan ng 9/11. Agad na huminto si Alex sa klase na kaniyang pinapasukan. At sa pagkasiphayo ng kaniyang amo, kinansela rin niya ang mga planong sumakay sa eroplano upang makipagkita sa isang potensiyal na kilalang kliyente. “Ang takot kong sumakay sa eroplano at ang mga pagsalakay ng terorista,” ang sabi ni Alex, “hindi ko na kaya iyan. Hindi ako inihanda diyan ng terapi.”

Masusing Pagsisiyasat sa Seguridad

Binanggit din ng ninenerbiyos na mga naglalakbay sa himpapawid na itinanong sa mga nang-hijack ang rutin na tanong sa mga pasaherong sumasakay sa eroplano noong 9/11, gaya ng: “Mayroon ka bang hindi kakilala na nakisuyo sa iyo na dalhin ang isang bagay sa biyaheng ito? May anumang bagay ba na dala mo sa biyahe ang nalingat sa iyong paningin mula nang mag-impake ka?” Tiyak na sinagot ito ng mga nang-hijack na katulad ng karamihan: “Wala!” Itinuring ng mga dalubhasa sa seguridad na katibayan ng maluwag na paraang pangkaligtasan sa paglalakbay sa himpapawid nang matagumpay na nakasakay ang mga nang-hijack. “Walang sinuman o anumang bagay noon ang makapagpapabago sa mga paraan ng seguridad,” ang sabi ni Jim McKenna, dating direktor ng Aviation Safety Alliance. “Ang sama-samang pagka-hijack at pagkawasak ng apat na eroplano, kung saan libu-libo ang namatay, ay maaaring sapat na upang baguhin ang paraan ng seguridad.”

Bunga ng nakamamatay na mga pagsabog na ito, ang paliparan at ang seguridad ng eroplano ay sumailalim sa masusing pagsisiyasat. Sa isang pagdinig ng kongreso, ganito ang sinabi ng panlahat na inspektor ng Kagawaran ng Transportasyon sa Estados Unidos, si Kenneth M. Mead: “Sa kabila ng umiiral at bagong mga kahilingan sa seguridad, mayroon pa ring nakatatakot na mga pagkukulang sa seguridad at ilang . . . mahihinang punto na kailangang gawing ligtas.” Anu-ano ang ginagawa upang higpitan ang seguridad?

Pagsusuri sa Potensiyal na mga Banta sa Seguridad

Nang tanungin ang isang mataas na opisyal ng isang malaking kompanya ng eroplano sa Estados Unidos kung takót ba siyang sumakay sa eroplano, walang pag-aatubiling sumagot siya: “Hindi, kumbinsido ako sa pagiging mabisa ng CAPS.” Tinutukoy niya ang isang sistemang tinatawag na Computer Assisted Passenger Screening, na nagtatala sa bawat tiket na naibenta ng kompanya ng eroplano na gumagamit ng sistemang ito. Ipinakikita ng sistema kung ang tiket ay binili mula sa isang tanggapan ng kompanya ng eroplano na nagbibili ng tiket o sa isang ahensiya sa paglalakbay o sa pamamagitan ng Internet. Itinatala nito ang iba pang impormasyon gaya ng kung ang pasahero ay nagbibiyaheng mag-isa o kasama ng mga miyembro ng pamilya o iba pang mga kasama, pati na ang mga detalye na gaya ng anumang kaugnayan sa kilalang krimen o di-kanais-nais na paggawi sa mga kompanya ng eroplano, sa kanilang mga tauhan, o sa kanilang pag-aari.

Sa tuwing magtsi-check in ang isang pasahero sa paliparan, ang impormasyong ito ay tinitiyak at binabago ayon sa pinakahuling impormasyon, pati na ang sagot ng indibiduwal sa mga mapanuring pagtatanong. Ang eksaktong mga detalye ng natipong impormasyon at ang mga paraan ng pagproseso at pagkilatis na ginamit sa indibiduwal ay nananatiling isa sa pinakaiingatang lihim ng industriya. Ginagamit sa buong daigdig ang iba’t ibang sistemang kahawig ng CAPS, ang ilan ay tuwirang nauugnay sa ibang ahensiya ng pamahalaan at sa internasyonal na pagpupulisya, gaya ng Interpol. Sa maraming paliparan sa Europa, naitatala at natatalunton ng mga sistema sa passport control kung kailan at saan sumakay ng eroplano ang pasahero at ang mga paglalakbay niya sa iba’t ibang bansa.

Ang pagkilatis na ito ay ginagawa dahil sa inaakala na mas potensiyal na mga banta sa seguridad ang mga taong may masasamang-isip kaysa sa mga bagay na gaya ng pinaghihinalaang maliliit na maleta at mga bag na itsini-check in. Kaya, para maragdagan pa ang seguridad sa paliparan, kasalukuyang pinag-iisipan o ipinatutupad ang paggamit ng iba’t ibang biyometrikong paraan ng pagkakakilanlan at mga smart card.

Bukod pa sa pagkilatis sa pasahero, lubha ring ikinababahala ng mga kasangkot sa seguridad sa paliparan kung paano hahadlangang makapasok sa eroplano ang mapanganib na mga bagay at substansiya. May mga limitasyon ang pagsusuring ginagawa ng mga makinang X-ray. Nahihirapan ang mga tauhan ng seguridad sa paliparan na manatiling atentibo sa loob ng mahahabang yugto ng panahon dahil sa ang pagbabantay sa malalabong larawan ng bagahe sa X-ray na nakikita nila ay maaaring nakababagot na gawain. Kasabay nito, ang mga instrumentong panukat ng mga magnetic field ay paulit-ulit na nagbibigay ng palsong alarma, kapag tumunog ito dahil sa mga susi sa bahay, barya, at mga hibilya ng sinturon.

Mas Istriktong Batas

Upang mapunan ang gayong mga limitasyon, tumugon ang mga pamahalaan sa pamamagitan ng batas upang gawing mas istrikto ang seguridad sa paliparan. Sa Estados Unidos, ipatutupad sa katapusan ng 2002 ang batas na walang bagahe ang isasakay sa eroplano malibang kasama rin ang may-ari nito, ang lubusang pagsisiyasat sa mga bagay na inilalagay sa lalagyan ng bagahe sa gawing uluhan ng mga pasahero, at ang pagsusuri sa lahat ng mga bagaheng naka-check in kung may mga eksplosibo. Ang mga pinto sa silid ng piloto ay pinatitibay at ginagawang hindi madaling pasukin. Karagdagang pagsasanay sa krisis ang inilalaan para sa mga tauhan ng kompanya ng eroplano. Naglagay na rin ng hukbo ng mga mariskal sa mga eroplanong pangkomersiyal.

Noong mga linggo at buwan pagkatapos ng 9/11, ang mga pasahero ay kinakapkapan at isa-isang iniinspeksiyon ang bagahe sa maraming paliparan sa buong daigdig. Kung minsan, isinasagawa ang isa pang pagsisiyasat sa mga pasahero at sa mga bagay na bitbit nila. Pamilyar na sa ganitong uri ng mga pag-iingat ang maraming naglalakbay na Europeo, na nakakita sa mga ito na malawakang ipinatupad noong dekada ng 1970, nang dumami ang pangha-hijack. Ipinagbabawal na ngayon sa mga pasahero ang pagdadala ng anumang matutulis na kasangkapan sa eroplano. Yaon lamang mga maglalakbay na may tiket ang makadaraan sa seguridad. Nasanay na ang marami sa mahahabang linya ng mga nagtsi-check in at ang pagkanaroroon ng armadong mga tauhan ng militar sa mga terminal ng paliparan.

Binibigyang-Halaga ang Pagmamantini

Gunigunihin ang pamilyar na tanawing ito: Pagkatapos magdaan sa maraming pagsusuri sa paliparan, sa wakas ay nasa lagusan na ang pasahero, na naghihintay sa pag-anunsiyo ng kinatawan ng kompanya ng eroplano para sa pagsakay. “Narinig mo ba?” ang sabi ng pasaherong nakaamerikana na abuhin ang kulay sa tabi niya. “Maaantala raw ang eroplano dahil may problema sa makina.” Nadismaya siya at nagsabi pa: “Sana naman ay hindi nila tayo paalisin nang walang makina ang eroplano!”

Hindi natatalos ng karamihan sa mga pasahero na ang mga ahensiya ng abyasyon ay may mahigpit at napakaingat na mga sistema sa pag-iinspeksiyon. Ang mga pangangailangan para sa pagkumpuni ay pinaghahandaan sa pamamagitan ng maingat na pagsubaybay sa mekanikal na rekord ng eroplano. Sa katunayan, hinihiling ng mga ahensiyang iyon na ang mga eroplano at ang mga makina nito ay sumailalim sa mahigpit at nakaiskedyul na ganap na mga pagkumpuni​—mas madalas kaysa sa karaniwang kotse​—kahit na walang problema ang eroplano.

Isang opisyal sa pagmamantini ng isang malaking kompanya ng eroplano ang makapagpapatunay rito. “Sa aking halos 15 taon sa industriyang ito,” aniya, “wala pa akong nakita, nakausap, o napagmasdang sinumang nagtatrabaho sa pagmamantini ng eroplano na hindi lubhang sineryoso ang tungkol sa kaligtasan. Tutal, ang mga kaibigan at mga pamilya ng mga empleado ay sumasakay rin sa eroplanong pinagtatrabahuhan nila, kaya hindi sila nakikipagsapalaran.”

Mabigat ang personal na pananagutan ng mga teknisyan at mga manggagawa sa pagmamantini ng eroplano. Ganito ang gunita ng isa sa kanila: “Hinding-hindi ko malilimutan ang gabing bumagsak ang DC-10 sa Sioux City, Iowa. Nagtatrabaho ako bilang isang teknisyan ng eroplano noong panahong iyon, at trabaho ko ang inspeksiyunin at serbisyuhan ang loob ng pinakabuntot ng gayunding uri ng eroplano. Sa pagkakataong ito, kaunting-kaunting impormasyon lamang ang nalalaman namin sa kung ano ang talagang nangyari sa eroplanong bumagsak. Natatandaan kong pinag-isipan ko nang husto ang ginawa ko nang gabing iyon, na nagtatanong, ‘Ano ba ang nangyari sa eroplano? Posible kayang may nakalimutan ang isa na maaari kong makita ngayon at sa gayo’y maiwasang maulit ang gayong trahedya? Ginagawa ko ba ang lahat ng bagay nang tama ayon sa nararapat kong gawin?’ Gumugol ako ng mahabang panahon sa pinakabuntot ng isang eroplano noong gabing iyon, nag-iinspeksiyon at nag-iisip.”

Palaging binibigyan ng pagsasanay ang mga teknisyan ng eroplano sa lahat ng bahagi ng kanilang gawain, mula sa rutin na mga atas hanggang sa pinakabagong mga kasanayan sa pag-iinspeksiyon at sa pagkilala at paglutas sa mga problema. Ang mga kurso sa pagsasanay ng mga tauhan ay binabago taun-taon upang masaklaw ang lahat ng maiisip na uri ng situwasyon na maaaring mapaharap sa kanila, mula sa karaniwan hanggang sa pambihirang kalagayan.

Pagkatapos ng isang trahedya sa kompanya ng eroplano, ang natipong impormasyon ay sinusuri at pinapasok sa isang simulator. Ginagamit ng mga test pilot at mga inhinyero ng eroplano ang simulator para makita kung ano pang posibleng mga solusyon ang matutuklasan nila upang mas mabuting maharap ng mga teknisyan ang katulad na mga problema sa hinaharap. Pagkatapos, isang programa sa pagsasanay na may kaugnayan dito ang isinasaayos para sa mga teknisyan upang maibigay ang espesipikong tagubilin. Ang mga pagsusuring gaya nito ay humantong sa pagbabago ng disenyo ng eroplano at mga bahagi nito, sa pag-asang ang gayong mga sakuna ay maaaring pagmulan ng nakapagtuturong impormasyon at sa gayo’y mabawasan ang mga sakuna.

Ganito ang konklusyon ng isang manggagawa sa pagmamantini: “Kaming lahat ay sinabihan na ‘ang kaligtasan ay hindi nagkataon lamang​—pinaplano ito.’”

Muling Pagsakay sa Eroplano

Pagkaraan ng apat na buwan na hindi sumakay sa eroplano, nagpasiya si Alex na panahon na upang harapin ang kaniyang labis na pagkatakot. Ang pagkanaroroon ng mga opisyal ng pulisya at ng mga pambansang bantay sa Internasyonal na Paliparan ng Logan sa Boston ay tila hindi nakabahala sa kaniya. Bale-wala sa kaniya ang mahahabang pila ng check in at ang paghalughog sa kaniyang bagahe.

Para kay Alex ito’y mga tanda na nakapagpapatibay sa kaniya mismong paghahangad para sa mas ligtas na paglalakbay sa himpapawid. Medyo pinagpapawisan pa rin siya nang malamig at kinakabahan. Gayunman, habang inilalagay ni Alex ang kaniyang nahihilang maliit na maleta sa lalagyan ng mga bagahe sa uluhan niya, aniya: “Mas mabuti na ang pakiramdam ko ngayon.”

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

Mga Katotohanan Hinggil sa Pagsakay sa Eroplano

Ayon sa mga kalkulasyon, nararanasan ng kasindami ng 1 sa 5 pasahero sa himpapawid ang takot na sumakay sa eroplano. Gayunman, hindi naman lahat ng mga taong ito ay nakadarama na hindi ligtas ang pagsakay sa eroplano. Kadalasan, ang kanilang pagkabalisa ay nagmumula sa iba pang labis na pagkatakot, gaya ng pagkatakot sa matataas na lugar o sa matataong lugar.

[Chart sa pahina 8]

ANO ANG TSANSA NG NAKAMAMATAY NA AKSIDENTE?

Ang tsansa sa isang Ang tsansa sa buong

taon ay 1 sa: buhay ay 1 sa:

Kotse 6,212 81

Pagpatay ng tao 15,104 197

Makinarya 265,000 3,500

Pagbagsak ng eroplano 390,000 5,100

Pagkalunod sa bathtub 802,000 10,500

Nakalalasong hayop, halaman 4.2 milyon 55,900

Kidlat 4.3 milyon 56,000

[Credit Line]

Pinagmulan: National Safety Council

[Larawan sa pahina 6]

Mas maraming seguridad sa paliparan

[Credit Line]

AP Photo/Joel Page

[Larawan sa pahina 7]

Pagkilatis at pagsusuri sa pasahero

[Larawan sa pahina 7]

Pinagbuting pagmamantini

[Larawan sa pahina 8]

Ang mga piloto ay lubhang sinanay na mga propesyonal