Paghahanap ng mga Lunas

Paghahanap ng mga Lunas

Paghahanap ng mga Lunas

PASIMULA noong 1972, mahigit na sandaang bansa ang lumagda ng isang internasyonal na kasunduan na nagbabawal sa pagbuo, paggawa, at pag-iimbak ng biyolohikal na mga sandata. Ang kasunduang ito, na tinatawag na Biological and Toxin Weapons Convention (BTWC), ang kauna-unahang nagbawal sa lahat ng uri ng mga sandata. Ang tanging pagkakamali lamang nito ay hindi ito gumawa ng paraan upang tiyakin na sumusunod nga sa mga alituntunin ang mga bansa.

Mahirap tiyakin na ang mga bansa ay hindi gumagawa ng biyolohikal na mga sandata, yamang ang pamamaraan at kaalaman na ginagamit para sa mapayapang mga layunin ay maaari ring gamitin sa paggawa ng biyolohikal na mga sandata. Pinadadali ng “dobleng gamit” na katangiang ito ng biyoteknolohiya para maitago ang paggawa ng mga sandata sa mga plantang bumubuo ng mga kemikal at sa mga laboratoryo na waring nagtataguyod ng makatuwirang mga gawain para sa tao.

Upang malutas ang mga problema hinggil sa pagsisiyasat, ang mga delegado mula sa iba’t ibang bansa ay nakipagnegosasyon hinggil sa isang kasunduang alituntunin noong 1995. Sa loob ng mahigit na anim na taon, masusi nilang pinag-isipan kung anong espesipikong mga hakbang ang magagawa upang matiyak na sumusunod ang mga bansa sa BTWC. Noong Disyembre 7, 2001, naging magulo lamang ang tatlong-linggong komperensiya hinggil sa kasunduan noong 1972 na dinaluhan ng 144 na partido. Ang naging problema ay hindi sumang-ayon ang Estados Unidos sa pangunahing mga panukala kung paano titiyakin ang pagsunod sa BTWC. Iginiit ng Estados Unidos na malalantad sila sa pag-eespiya kapag pinahintulutan ang mga tagalabas na suriin ang kanilang mga pasilidad sa militar at industriya.

Kung Ano ang Naghihintay sa Hinaharap

Napakalaki ng magagawa ng biyoteknolohiya para sa ikabubuti o ikasasama ng mga bagay-bagay. Ang iba pang pangunahing mga larangan sa teknolohiya​—metallurgy, mga pampasabog, internal combustion, abyasyon, elektronika​—ay hindi lamang pinakinabangan para sa mapayapang mga layunin kundi ginamit din sa masasamang paraan. Magiging totoo rin ba ito sa biyoteknolohiya? Maraming naniniwala na oo ang sagot sa katanungang ito.

Ganito ang sabi ng isang ulat noong 1999 ng U.S. Commission on National Security: “Magkakaroon ng kapangyarihan at impluwensiya . . . ang mga indibiduwal gayundin ang mga grupo, at marami ang madaling makagagawa ng nagbabantang mga paraan ng paglipol. . . . Magkakaroon ng mas maraming aktibistang grupo at indibiduwal na binuo para sa isang pantanging layunin, na malimit na inuudyukan ng sigasig sa relihiyon, waring di-makatuwirang mga paniniwala sa kulto, o silakbo ng galit. Magagamit na ngayon ng mga terorista ang mga teknolohiya na dati-rati ay malalaking bansa lamang ang nagtataglay at nakagagamit at maaari na nilang salakayin ang mga sentro na may malalaking populasyon.”

Bagaman hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap, alam naman natin kung ano ang nasasaisip ng Diyos para sa sangkatauhan. Ipinangangako ng Bibliya na darating ang panahon na ang mga tao sa lupa ay ‘tatahan nang tiwasay, na walang sinumang magpapanginig sa kanila.’ (Ezekiel 34:28) Para makaalam nang higit pa tungkol sa nakaaaliw na pangako, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa angkop na direksiyon na nasa pahina 5 ng magasing ito.

[Larawan sa pahina 10]

Gumagawa ng mga paraan ang mga mananaliksik upang masugpo ang “anthrax”

[Credit Line]

Larawan sa kagandahang-loob ng Sandia National Laboratories

[Larawan sa pahina 10]

Komperensiya sa Biyolohikal na Sandata, Nobyembre 19, 2001, Switzerland

[Credit Line]

AP Photo/Donald Stampfli

[Mga larawan sa pahina 11]

Ipinangangako ng Bibliya na darating ang panahon na ang lahat ay ‘tatahan nang tiwasay’