“Mapanglaw na Kinabukasan”
“Mapanglaw na Kinabukasan”
GUNIGUNIHIN ang tagpong ito. Palihim na isinabog ng mga terorista ang mga virus ng bulutong sa tatlong shopping mall sa Estados Unidos. Nahawahan ng virus ang walang kamalay-malay na mga namimili. Hindi nagtagal—mahigit na isang linggo lamang ang nakalilipas—napansin ng mga doktor ang sakit sa 20 katao. Nang sumunod na mga araw, kumalat ang virus sa iba pang tao. Nagkagulo na. Nagngangalit ang mga protesta. Hindi magkamayaw sa pag-aasikaso sa mga may-sakit ang mga nangangalaga sa kalusugan. Sarado ang mga hangganan ng bansa. Mabuway ang ekonomiya. Makalipas ang unang 21 araw mula nang isabog ito, ang sakit ay kumalat na sa 25 estado at 10 iba pang bansa. Sa panahong iyon, 16,000 katao na ang nahawahan at 1,000 na ang namatay. Tinataya ng mga doktor na sa susunod na tatlong linggo pa, darami nang 300,000 ang mga taong mahahawahan. Sangkatlo sa mga ito ang mamamatay.
Hindi ito isang tagpo sa isang pelikulang science fiction. Ito ay isang pagsasanay na nasa computer na parang buháy na buháy, anupat inihuhula ang malamang na magaganap kapag nangyari ang gayong biglang paglitaw ng sakit. Ang pagsasanay, na pinangunahan ng isang grupo ng kilalang institusyon, ay naganap noong Hunyo 2001.
Para sa marami, nagkaroon ng bago at nakapanghihilakbot na kahulugan ang mapanglaw na kinabukasan pagkatapos ng karahasang nangyari noong Setyembre 11, 2001. Biglang ipinakita ng mga pagsalakay sa World Trade Center sa New York City at sa Pentagon sa Washington, D.C., na may mga taong walang awa at inudyukan ng poot na determinadong kumitil ng buhay ng maraming tao. Isa pa, pinatunayan ng mga pagsalakay na ang Estados Unidos at lahat ng iba pang bansa ay napakadaling salakayin. Nabubuhay tayo sa isang daigdig kung saan, sa isang iglap, maaaring patayin ng determinadong mga terorista ang libu-libong tao.
Karaka-raka kasunod ng pagsalakay noong Setyembre 11, ang mga pulitiko sa Estados Unidos at mga empleado sa pagbabalita ay naging puntirya naman ng mga sulat na may anthrax, isang nakamamatay na baktirya. Takot na takot ang mga tao. Para palubhain pa ang gayong pagkatakot, inihula ng media pati na ng mga eksperto na maaaring sumalakay ang mga terorista sa pamamagitan ng mga mikrobyo o baktirya na mas nakamamatay kaysa sa anthrax—halimbawa, ang plague (nakamamatay at nakahahawang sakit na dulot ng baktirya) o bulutong. Marahil ay nagpaparami na ang ilang “bandidong bansa” ng gayong sangkap sa lihim na mga laboratoryo. Isaalang-alang ang isinulat na mga halimbawa kamakailan:
“Kinikilala ng World Medical Association ang tumitinding banta na maaaring gamitin ang biyolohikal na mga sandata upang maghasik ng mapangwasak na mga epidemya na maaaring kumalat sa buong mundo. Nanganganib ang lahat ng bansa. Ang pagsasabog ng mga organismo ng bulutong, plague, at anthrax ay maaaring mapatunayang mapangwasak dahil sa ibinubungang mga sakit at kamatayan na pinalala pa ng pagkasindak na dulot ng gayong paglitaw ng mga sakit.”—American Medical Association.
“Hindi tulad ng mga bomba at nerve gas, ang biyolohikal na mga sandata ay pailalím kung sumalakay: ang panahon ng pagkalantad sa impeksiyon hanggang sa paglitaw ng unang mga sintomas ng sakit ang nagpapangyaring maging mabagal at di-nahahalata ang trahedya. Sa una, iilang tao lamang ang naoospital. Maaaring makalito sa mga doktor ang mga sintomas nito o makatulad nito ang mas karaniwang mga sakit. Sa panahong nabatid na ng mga manggagawang nangangalaga sa kalusugan kung ano ang nangyayari, maaaring nahawahan na ang buong lunsod.”—Magasing Scientific American.
“Kung isinabog ang virus ng bulutong sa ngayon, magiging walang kalaban-laban ang karamihan ng mga tao sa daigdig, at kung 30 porsiyento sa mga tao ang mamamatay dahil sa virus, halos dalawang bilyon katao ang maaaring mamatay.”—Magasing Foreign Affairs.
‘Nanganganib ang lahat ng bansa. Nahawahan ang lahat ng lunsod. Dalawang bilyon katao ang maaaring mamatay.’ Nakatatakot na mga salita ito. Subalit, ano nga ba ang posibilidad na mangyayari ang isang kapaha-pahamak na biyolohikal na pagsalakay? Pinag-iisipan ito ng mga eksperto. Makatutulong sa iyo ang sumusunod na mga artikulo upang maunawaan mo ang ilang nasasangkot na usapin.
[Larawan sa pahina 4]
Tumugon ang mga tauhan ng militar sa isang tinularang biyolohikal na pagsalakay
[Credit Line]
DoD photo by Cpl. Branden P. O’Brien, U.S. Marine Corps