Ang mga Tagapalo ng Damit sa Bamako

Ang mga Tagapalo ng Damit sa Bamako

Ang mga Tagapalo ng Damit sa Bamako

SA Bamako, ang kabisera ng bansang Mali sa Kanlurang Aprika, maririnig ang di-nagbabagong maindayog na tunog sa maghapon. Gayunman, hindi ito dahil sa mga musikero. Bagkus, ang umaalingawngaw na tulad-tambol na tunog ay nagmumula sa maliliit na kubo ng mga tagapalo ng damit. Subalit bakit kailangan pang paluin ang mga damit?

Ang mga tagapalo ng damit ang kahuli-hulihan sa isang natatanging proseso sa paggawa ng tela. Nagsisimula ito sa isang piraso ng puting tela o isang kasuutan. Kadalasang tinitina ito ng iba’t ibang kulay at disenyo. Pagkatapos ito ay inaalmirulan o inilulubog sa dagta ng iba’t ibang puno ng gum. Pagkatapos itong ibilad sa araw, ang tela ay tumitigas na parang tabla. Sa panahong ito, handa na ito para sa huling hakbang​—ang mga tagapalo ng damit.

Ang pangunahing trabaho ng mga tagapalo ng damit ay pukpukin ang matigas na ngayong tela hanggang sa mawala ang kulubot nito. Sa loob ng kanilang maliliit na kubo, karaniwang makikita mo ang dalawang kabataang lalaki na nakaupong magkaharap; nasa pagitan nila ang isang kahoy na pinutol mula sa puno ng shea. Bahagyang pinapahiran ng mga lalaki ng pagkit ang tela at inuunat ito sa kahoy. Pagkatapos, gamit ang malalaking malyete na gawa rin sa puno ng shea, pinapalo nila ang tela. Halinhinan sila sa paghampas na napakahusay ng pagkakatugma, hinahampas ng isa ang nalampasan ng isa.

Bakit hindi na lamang gumamit ng plantsa? Unang-una, ang init mula sa plantsa ay mas madaling makapagpapakupas sa tela. Isa pa, hindi rin magagawa ng plantsa ang kulay na kasintingkad ng nagagawa ng mga tagapalo ng damit. Ito ay dahilan sa ang bawat hampas ng malyete ay nag-iiwan ng makintab na kinang na nagpapatingkad sa kulay. Pagkatapos ng lubusang pagpalo, ang tela ay maaaring magmukhang napakatingkad anupat iisipin mong ito ay bagong pinta.

Kaya kung ikaw ay naglalakad sa mga lansangan sa lunsod na ito at marinig mo ang tila di-nagbabagong tunog ng mga tambol, pagmasdan mong mabuti ang mga kubo sa palibot mo. Ang tunog ay maaaring hindi talaga galing sa mga tambol; ito ay maaaring galing sa mga tagapalo ng damit sa Bamako.