Isang Relihiyosong Problema sa Kolonyang Brazil
Isang Relihiyosong Problema sa Kolonyang Brazil
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL
NOONG Nobyembre 30, 1996, ang mga kinatawan mula sa Conference on World Mission and Evangelism, na isinaayos ng World Council of Churches, ay nagtipon sa isang daungan sa Salvador, Brazil. Ang lugar ay makasaysayan. Mga dantaon na ang nakalipas sa mismong daungang ito, milyun-milyong Aprikano ang ipinagbili bilang mga alipin. “Sa dagat na ito natipon ang kanilang mga luha,” ang sabi ng isang klerigo, na tinutukoy ang kaawa-awang paglalakbay ng mga bihag. Sa pantanging araw na ito ng pag-alaala, matinding dalamhati ang ipinahayag sa tinatawag ng isang tagapagsalita na nakahihiyang pakikibahagi ng Kristiyanismo sa pang-aalipin. Paano nasangkot ang relihiyon sa bentahan ng alipin sa kolonyang Brazil?
“Inililigtas ang mga Makasalanan”
Noong 1441—halos 60 taon bago opisyal na natuklasan ang Brazil—binihag at dinala ng nabiganteng Portuges na si Antão Gonçalves ang unang mga tribong Aprikano sakay ng barko patungong Portugal. Iilan sa lipunan noong Edad Medya ang kumuwestiyon sa pagiging tama o mali ng pang-aalipin sa mga bilanggo ng digmaan, lalo na yaong binansagan ng simbahan bilang “mga pagano.” Gayunman, sa sumunod na dalawang dekada, kinailangang mabigyang-katuwiran ang malakas na bentahan ng alipin noong panahong walang digmaan. Iginigiit ng ilan na sa pang-aalipin sa mga Aprikano, kanilang “inililigtas ang mga makasalanan,” yamang sinasagip nila ang mga banyagang ito mula sa kanilang paganong paraan ng pamumuhay.
Ang utos na Romanus Pontifex, na inilabas ni Papa Nicolas V noong Enero 8, 1455, ay nagbigay ng pormal na suporta para sa maunlad nang bentahan ng alipin. Sa gayon, hindi naging isang proteksiyon laban sa pang-aalipin ang simbahan. Sa kabaligtaran, ang ilan sa mga klerigo nito ay “masugid na mga tagapagtaguyod,” ang komento ng istoryador na taga-Brazil na si João Dornas Filho. Kaya nailatag ang pundasyon sa paglaganap ng pang-aalipin sa Brazil nang nanirahan doon ang mga kolonistang Portuges.
“Ang Tanging Mapagpipilian”
Noong 1549, nabagabag ang bagong datíng na mga misyonerong Jesuita na matuklasang ang karamihan ng mga manggagawa sa Brazil ay binubuo ng ilegal na bihag na mga alipin. Sapilitan silang pinagtrabaho ng mga may-ari ng lupa sa kanilang mga bukid at mga tubuhán. “Nabagabag ang budhi ng karamihan sa mga lalaki dahil sa mga aliping taglay nila,” ang sulat ng Jesuitang superyor na si Manuel de Nóbrega noong 1550. Subalit pinanatili pa rin ng mga may-ari ng lupa ang kanilang mga manggagawang alipin, kahit na mangahulugan pa ito na maaari silang hindi pagkalooban ng simbahan ng kapatawaran sa kasalanan.
Subalit di-nagtagal, napaharap sa problema ang mga Jesuita sa Brazil. Nahirapan silang gampanan ang kanilang mga pagkakawang-gawa dahil sa limitadong pananalapi. Ang isang solusyon ay ang sakahin nila ang mga lupang ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaan at gamitin ang mga kita mula sa mga ani upang tustusan ang relihiyosong mga gawain. Ngunit sino ang magsasaka sa mga bukid na ito? “Ang tanging mapagpipilian,” ang sabi ng istoryador na Portuges na si Jorge Couto, “ay ang mga Negrong trabahador na alipin—isang lunas na nagbangon ng usapin sa moral, na ipinasiyang ipagwalang-bahala ng Jesuitang superyor sa Brazil.”
Ginatungan pa ng mga Jesuita ang lumalaking grupo ng mga may-ari ng lupa na walang-tigil sa paghiling ng mga aliping Aprikano. Waring nahihirapan ang mga aliping Indian na makibagay sa patuloy na pagsasaka, at kadalasang sila ay naghihimagsik o nagsisitakas patungo sa mga kagubatan. a Sa kabilang panig, ang mga Aprikano ay nakapagtrabaho na at subók na ang kahusayan sa mga tubuhán sa mga islang kolonya ng Portugal sa Atlantiko. “Hindi sila kailanman tumatakas, ni mayroon man silang matatakbuhan,” ang sabi ng isang manunulat noong panahong iyon.
Sa gayon, taglay ang pagpapala ng klero, patuloy na dumami ang pag-aangkat ng mga aliping Aprikano. Ang Brazil ay lubhang umasa sa bentahan ng alipin sa Atlantiko. Noong 1768, ang bukid na pag-aari ng mga Jesuita sa Santa Cruz ay nagkaroon ng 1,205 alipin. Nakakuha rin ng mga ari-arian at maraming alipin ang orden ng mga paring Benedictine at Carmelite. “Punung-puno ng mga alipin ang mga monasteryo,” ang bulalas ng taga-Brazil na si Joaquim Nabuco na laban sa pang-aalipin noong ika-19 na siglo.
Yamang mahigpit ang kompetisyon sa negosyong pagsasaka, ang mga simbahang nagmamay-ari ng mga alipin ay kadalasang nagpapataw ng malupit na pagpapatrabaho. Sinasabi ng propesor sa kasaysayan na si Stuart Schwartz na maging ang marami sa mga klerong nagprotesta sa pag-abuso sa mga alipin ay may “mababang pagtingin sa mga Aprikano” at “naniniwalang ang disiplina, paglalapat ng parusa, at trabaho ang tanging paraan upang madaig ang pamahiin, katamaran, at kawalan ng paggalang ng mga alipin.”
“Teolohiya ng Pang-aalipin”
Habang sinisikap ng mga klero na pagtugmain ang mga pamantayang Kristiyano sa isang sistema na inudyukan ng walang-tigil na pagsasamantala, nabigyan nila ng moral na suporta ang pang-aalipin—ang tinatawag ng isang teologo na teolohiya ng pang-aalipin. Yamang pagkarami-rami ang namatay sa mga lulan na tao sa kubyerta ng mga barko para sa mga alipin na siksikan at pinamamahayan ng sakit, iginiit ng simbahan na bautismuhan ang mga Aprikano bago sila umalis patungo sa Bagong Daigdig. b Mangyari pa, ang mga kumberte ay bihirang maturuan tungkol sa relihiyon bago mabautismuhan.—Tingnan ang kahon na “Kristiyano Agad?”
Sa paanuman, dahil sa mahahabang oras sa pagtatrabaho at sa napakaikling buhay, nangangahulugan ito na kakaunti ang pagkakataon ng mga alipin upang maisagawa ang kanilang bagong pananampalataya. Subalit, nabawasan naman ng mga doktrina ng simbahan hinggil sa “paghiwalay ng katawan at ng kaluluwa” ang problemang ito. ‘Totoo ngang nanlupaypay ang mga Aprikano dahil sa malupit na pang-aalipin, subalit ang kanilang mga kaluluwa ay malaya,’ ang katuwiran ng mga klero. ‘Kaya, dapat tanggapin ng mga alipin ang
kanilang kahihiyan nang may kagalakan, bilang bahagi ng plano ng Diyos upang ihanda sila para sa glorya.’Samantala, ipinaalaala ng simbahan sa mga may-ari ng alipin ang tungkol sa kanilang moral na tungkulin na pahintulutan ang mga aliping nasa kanilang pangangalaga na magsimba, magdiwang ng relihiyosong mga kapistahan, at mag-asawa. Binatikos ng mga pari ang matinding pagmamaltrato, subalit maingat din nilang idiniin ang mga panganib ng pagiging masyadong mapagparaya. “Hagupitin ninyo sila, iposas, at ikadena ang kanilang mga paa, gawin itong lahat sa tamang panahon at wastong pag-uutos at pagkamakatuwiran, at makikita ninyo kung paano mabilis na napipigil ang pagiging mapaghimagsik ng mga alipin,” ang payo ng isang paring Jesuita.
Kakaunti ang nag-isip na gawing hindi gaanong mahirap ang paraan ng pagkumberte sa mga Aprikano. Sa halip, ang tahasang magsalitang mga tagapagtaguyod ng pang-aalipin, kalakip na si Obispo Azeredo Coutinho na taga-Brazil, ay nagbigay ng impresyon na para sa kabutihan ng mga aliping Aprikano ang ginagawa sa kanila ng mga nagbebenta ng alipin! Sa kaniyang puspusang pagtatanggol sa pang-aalipin na inilathala noong 1796, nagtanong si Coutinho: “Mas mabuti ba at mas angkop kung hahayaan ng Kristiyanismo ang [mga Aprikano] na mamatay sa paganismo at idolatriya kaysa sa ating sagradong relihiyon?” Sa katulad na paraan, pinayuhan ng nangungunang misyonerong Jesuita na si António Vieira ang mga Aprikano: “Magpasalamat kayo nang walang hanggan sa Diyos sa . . . pagdadala sa inyo sa [lupaing] ito, kung saan, minsang maturuan kayo sa pananampalataya, kayo ay mamumuhay bilang mga Kristiyano at maliligtas.”
Ang Kabayaran ng Pang-aalipin
Sa pamamagitan ng pagtataguyod sa pang-aalipin, umaasa ang simbahan na ‘mailigtas ang mga makasalanan.’ Sa kabaligtaran, naghasik lamang ito ng mga binhi ng pagkakabaha-bahagi, sapagkat tutol na tutol ang mga Aprikano na talikdan ang kanilang relihiyosong mga kaugalian at paniniwala. Kaya, maraming taga-Brazil sa ngayon ang nagsasagawa ng syncretism—ang pinagsamang Katolisismo at pantribong relihiyon ng Aprika.
Bagaman waring kapaki-pakinabang na patakaran ang pagtanggap ng simbahan sa mga pangangailangang pang-ekonomiya sa kolonyang Brazil sa loob ng ilang panahon, sa kalaunan ito ay napatunayang kapaha-pahamak. Ang kamatayan at paghihirap na idinulot nito ay nagbangon ng mga tanong hinggil sa etika ng simbahan, at hindi masagot ang mga katanungang ito sa kasiya-siyang paraan. Para sa isang istoryador, ang pagsang-ayon sa pang-aalipin ay katulad ng saloobin niyaong mga tinuligsa ni propeta Isaias sapagkat kanilang sinasabi: “Ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti.”—Isaias 5:20.
Salungat sa Bibliya ang Mapang-abusong Pang-aalipin
Nililiwanag ng Bibliya na hindi sinasang-ayunan ng Diyos na Jehova na ‘supilin ng tao ang tao sa kaniyang ikapipinsala,’ at kasali rito ang mapang-abusong pang-aalipin. (Eclesiastes 8:9) Halimbawa, binabanggit ng Kautusan ng Diyos sa Israel na ang pagkidnap at pagbebenta ng isang tao ay may parusang kamatayan. (Exodo 21:16) Totoo, umiral ang isang sistema ng pagkaalipin sa sinaunang bayan ng Diyos, subalit hindi ito katulad ng mapaniil na anyo ng pang-aalipin na tinatalakay sa artikulong ito. Ang totoo, ang bagay na pinili ng ilang Israelita na manatili sa kanilang mga panginoon gayong maaari na silang lumaya ay isang malinaw na pahiwatig na ang pagkaalipin sa gitna ng bayan ng Diyos ay hindi mapang-abuso. (Deuteronomio 15:12-17) Kaya, magiging labis na pagpilipit sa Kasulatan na sabihing ang pang-aalipin ng Israelita ay nagbibigay-katuwiran sa kalupitang nangyari sa buong kasaysayan. c
Nangangako ang Diyos na Jehova na nasa kaniyang Salita, ang Banal na Bibliya, na malapit nang magwakas ang lahat ng anyo ng pang-aalipin. Anong ligaya nga natin na sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang mga tao ay hindi na mabubuhay sa takot sa ilalim ng mapaniil na panunupil ng isang malupit na panginoon. Sa halip, “uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.”—Mikas 4:4.
[Mga talababa]
a Ayon sa The World Book Encyclopedia, “maraming Indian ang namatay dahil sa mga sakit ng mga Europeo. Maraming iba pa ang lumaban sa mga Portuges at napatay.”
b Kung minsan ang ritwal na ito ay inuulit pagdating ng mga alipin sa Brazil.
c Yamang ang pang-aalipin ay bahagi ng sistema ng ekonomiya ng Imperyong Romano, ang ilang Kristiyano ay may mga alipin. Gayunman, anuman ang ipinahihintulot ng mga batas Romano, ipinahihiwatig ng Kasulatan na hindi inabuso ng mga Kristiyano ang mga nagtatrabaho sa kanila. Bagkus, dapat nilang pakitunguhan ang bawat isa bilang “kapatid.”—Filemon 10-17.
[Blurb sa pahina 15]
Nangangako ang diyos na Jehova na malapit nang maglaho ang lahat ng uri ng pang-aalipin
[Kahon/Mga larawan sa pahina 13]
PARA SA DIYOS O PARA SA PAKINABANG?
Inihayag ni Fernão de Oliveira, isang iskolar na Portuges noong ika-16 na siglo, na ang kasakiman—hindi ang sigasig sa pag-eebanghelyo—ang nag-udyok sa bentahan ng mga alipin. Ang mga produktong dala ng mga barko mula sa Europa ay ipinagpapalit sa mga bihag na nasa mga daungan sa Aprika. Ang mga bihag na ito ay inihahatid naman sa mga lupain sa Hilaga at Timog Amerika at ipinagpapalit sa asukal, na dadalhin naman pabalik sa Europa upang ipagbili. Kumikita nang malaki kapuwa ang mga mangangalakal at mga monarkiyang Portuges sa tatsulok na ruta ng kalakalang ito. Maging ang mga klero ay nakinabang, sapagkat ang mga pari ay sumisingil ng buwis sa bawat tao para sa pagbabautismo sa mga Aprikano bago dalhin ang mga ito sa mga lupain sa Hilaga at Timog Amerika.
[Kahon sa pahina 14]
KRISTIYANO AGAD?
“Noong mga unang taon ng ikalabimpitong siglo, naging kaugalian na para sa mga alipin sa Aprika na bautismuhan sila bago umalis,” ang sulat ng istoryador na si Hugh Thomas sa kaniyang aklat na The Slave Trade. “Bilang isang tuntunin, ang mga alipin ay hindi man lamang naturuan bago ang seremonyang ito, at marami, marahil ang karamihan, sa kanila ay walang kabatiran noon hinggil sa umiiral na isang Kristiyanong Diyos. Kaya ang pagbibinyag ay rutin na lamang.”
Binanggit ni Propesor Thomas na karaniwan nang dinadala sa simbahan ang mga bihag, kung saan isang katekista—karaniwang isang alipin din—ang nakikipag-usap sa mga alipin sa kanilang katutubong wika tungkol sa kanilang pagkakumberte. “Pagkatapos, isang pari ang daraan sa gitna ng nalilitong mga alipin,” ang sabi pa ni Thomas, “na nagbibigay sa bawat isa ng pangalang Kristiyano, na patiunang isinulat sa isang pirasong papel. Bubudburan din niya ng asin ang mga dila ng mga alipin, at susundan iyon ng agua bendita. Sa katapusan, maaaring sabihin niya, sa pamamagitan ng isang interprete: ‘Ituring ninyo na kayo ngayon ay mga anak ni Kristo. Sisimulan ninyo ang paglalakbay sa teritoryong Portuges, kung saan matututuhan ninyo ang mga bagay tungkol sa pananampalatayang Katoliko. Huwag na ninyong isipin ang inyong lupang tinubuan. Huwag kayong kumain ng mga aso, o ng mga daga, o mga kabayo. Matuto kayong makontento.’”
[Larawan sa pahina 13]
Si Papa Nicolas V
[Credit Line]
Culver Larawan
[Larawan sa pahina 15]
Ang paghagupit sa publiko, inilarawan ng mismong nakasaksi na si Johann Rugendas noong ika-19 na siglo
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Mga iginuhit na larawan ng alipin sa pahina 13 at 15: De Malerische Reise in Brasilien de Johann Moritz Rugendas, cortesia da Biblioteca Mário de Andrade, São Paulo, Brasil