Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Kulang sa Tulog sa Paglalakbay sa Kalawakan
Pagkaraang gumugol ng limang buwan sa istasyong pangkalawakan ng Russia na Mir noong 1997, sinabi ng astronaut na si Jerry Linenger na ang pagbabago mula sa liwanag ng araw tungo sa kadiliman habang umiikot ang Mir sa lupa tuwing 90 minuto ay lubhang nakasira sa kaniyang pagtulog. Bakit? Ang mga pagsisikap na magtipid ng enerhiya ay nangangahulugang ang pangunahing pinagmumulan ng liwanag ng Mir ay ang sikat ng araw sa mga bintana. Kaya, ang “araw, gabi, araw, gabi, 15 ulit sa isang araw ay nakasisira sa iyong pagtulog paglipas ng ilang panahon,” ang sabi ni Linenger. Sa pagbanggit sa mga resulta ng di-regular na pagtulog ng dalawa sa kaniyang mga kasamang astronaut, sinabi niya: “Inaantok sila at parang lumulutang ang pakiramdam habang nagdaraan sa harap mo.” Ayon sa magasing New Scientist, ang paghahanap ng mga paraan upang mapanatiling maayos ang araw-araw na takbo ng mga sangkap ng katawan ng mga astronaut ay “magiging mahalaga sa tagumpay ng malalayong misyon sa hinaharap.” Kung hindi, “magiging malaking problema sa malalayong paglalakbay sa kalawakan kung pipigilan ang pag-aantok ng mga astronaut.”
Mga Fruit Fly ang Unang Gumawa Nito
Isang mahirap na hamon sa inhinyeriya ang paggawa ng isang makina na naghahalo ng tamang dami ng gasolina at oksiheno upang patakbuhin ang isang kotse sa iba’t ibang bilis at gayunman ay nananatili pa ring malinis ang ibinubuga nito. Nagawa ito ng mga tagapagdisenyo ng kotse sa pamamagitan ng paggamit ng “isang sistema ng mga balbula na kagyat na nakapagpapabago sa daloy ng gasolina at hangin habang kinakailangang baguhin ang bilis,” ang sabi ng The New York Times. Gayunman, natuklasan kamakailan ng mga mananaliksik na nag-aaral tungkol sa fruit fly (isang uri ng langaw) sa University of Würzburg sa Alemanya na malaon nang ginagamit ng mga fruit fly ang isang katulad na katulad na pamamaraan ng pagkuha ng tamang dami ng oksiheno at paglalabas ng carbon dioxide, nang hindi nawawalan ng maraming singaw. Ginagamit ng fruit fly ang maliliit na butas, na tinatawag na mga spiracle, na nasa dibdib at tiyan nito upang kontrolin ang “wastong pagbuga at pagpasok ng hangin samantalang binabawasan ang pagkawala ng tubig,” ang sabi ng pahayagan. Sinasabi pa nito na ang mga butas ay “maaaring bukás na bukás o lubusang sarado, na may maraming iba’t ibang laki ng mga butas sa pagitan, sa loob lamang ng ilang segundo.”
Hibang sa Pag-ibig
Para sa maraming tao, parang nasa ulap ng kaligayahan kapag umiibig ang isa, ang ulat ng pahayagang El Universal ng Mexico City. Pinararami nito ang mga neurotransmitter na gaya ng dopamine sa utak. Binanggit ng sikologo sa pamilya na si Giuseppe Amara na ang ilang tao, na ayaw maiwala ang pagkahibang na ito, ay kung kani-kanino nahuhumaling anupat hindi nagkakaroon ng nagtatagal na ugnayan. Ang nakapagpapasayang epekto ay maaaring tumagal nang mga ilang buwan hanggang dalawang taon. Pagkatapos, ang mga damdaming ito ay unti-unting nababawasan, at ang tao ay maaaring pumasok sa susunod na yugto, kung saan dumarami ang isang hormon na tinatawag na oxytocin, anupat lumilikha ng pagmamahal at matinding pagkagiliw. Bagaman lubhang kalugud-lugod ang masayang yugto ng romantikong pag-ibig, ang sabi ni Amara, maaari nitong palabuin ang paghatol ng isa, anupat hinahadlangan ang isa na makita ang mga kamalian ng iba. Kaya, ang sabi ng El Universal, iminumungkahi ng mga dalubhasa na ang lalaki’t babae ay huwag munang mag-asawa hangga’t hindi “nila nakikilala nang husto ang bawat isa upang mapanatili ang isang mabuting kaugnayan.”
Mabilis na Dumami ang Paghihiwalay at Diborsiyo sa Espanya
“Hindi natin dapat tanggapin ang ideya na maaari lamang tayong magkaroon ng isang pag-aasawa sa buong buhay natin,” ang sabi ni Inés Alberdi, sosyologo at manunulat ng aklat na La nueva familia española (Ang Bagong Pamilyang Kastila). Gaya ng iniulat sa pahayagang El País, gayundin ang palagay ng maraming mag-asawang Kastila. Ipinakikita ng isang pag-aaral kamakailan ng Ministri ng Hustisya na may isang naghihiwalay o nagdidiborsiyo sa bawat dalawang nagsipag-asawa sa Espanya. Hinuhulaan ng mga dalubhasa na ang gayong paghihiwalay ay patuloy na darami dahil sa nagbabagong mga pangmalas tungkol sa pag-aasawa at pagiging mas independiyente ng kababaihan sa paghahanapbuhay.” “Ang mga mag-asawa ay walang gaanong espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili, [at] ang mga kabataan ay hindi handang magtiis ng anumang bagay,” ang paliwanag ni Luis Zarraluqui, presidente ng Spanish Association of Family Lawyers. “Ang mga paghihiwalay ng mag-asawa ay dumarami [pa nga] sa gitna ng mga mas may edad na, lalo na kapag sila’y umabot na sa edad ng pagreretiro.” Ang tradisyonal na relihiyosong mga paniniwala ay napatunayang di-sapat upang mapahinto ang kausuhang ito. Bagaman itinuturing ng 85 porsiyento ng mga Kastila ang kanilang mga sarili na Katoliko, ang mga paghihiwalay at pagdidiborsiyo ay mabilis na dumami nang 500 porsiyento sa nakalipas na 20 taon.
Mga Panganib sa Pagbubutas ng Katawan
Ang pagbubutas sa iba’t ibang bahagi ng katawan para magsuot ng alahas ay usung-uso, lalo na sa mga kabataan. “Nakalulungkot, bihira nilang pag-isipan ang tungkol sa mga kahihinatnan ng ginagawa nilang ito,” ang sabi ng magasin sa Poland na Świat Kobiety. “Lumilipas ang mapaghimagsik na panahon ng kabataan, at nawawala sa uso ang isang pinalamutiang kilay na punô ng mga piraso ng metal.” At bagaman maaaring alisin ang metal, mananatili ang mga pilat. Isa pa, ang pagbubutas sa balat ng mukha ay makapipinsala sa mga nerbiyo at ugat at magbubunga ng “kawalan ng pakiramdam” gayundin ng “mga impeksiyon at sugat na matagal gumaling.” Dumarami ang baktirya sa “mamasa-masa at mainit na kapaligiran” ng bibig, kaya ang pagbutas doon ay kadalasang humahantong sa mga impeksiyon at pagkabulok pa nga ng ngipin. Maaari ring magkaroon ng mga fat cyst sa anyo ng matitigas na umbok sa mga dakong binutas na maraming selula ng taba, gaya ng pusod at mga tainga. Ang artikulo ay nagbababala na ang “metal na mga palamuti ay kadalasang nagtataglay ng halong nikel. Ang mga taong alerdyik sa metal na iyon ay maaaring magkaroon ng mga sintomas ng alerdyi, gaya ng pamamaga at makating butlig.”
“Mahinang Klase na Cosmetic Surgery”
Sa nakalipas na mahigit na sampung taon, dumami nang 117 porsiyento ang mga paghahabla dahil sa malaking pagkakamali sa cosmetic surgery sa Pransiya, ang komento ng pambalitang magasin na Le Point, na may 1 kaso sa bawat 3 na may kinalaman sa pagpapaopera sa suso. Ayon sa mga espesyalista, hanggang 30 porsiyento ng mga cosmetic operation ang kinakailangang iretoke muli, at ang ilang pasyente ay namatay pa nga dulot ng mga komplikasyon pagkatapos ng operasyon. Kinokondena ang tinatawag niyang “mahinang klase na cosmetic surgery,” ganito ang sinabi ni Dr. Pierre Nahon, isa mismong plastic surgeon: “Lahat kami ay puwedeng mag-opera sa loob ng 20 minuto na karaniwang tumatagal nang dalawang oras. Subalit hindi magkakapareho ang resulta.” Ayon sa Le Point, “ang ilang klinika ay mas nag-iingat sa pagpili ng kanilang mga abogado kaysa sa kanilang mga siruhano.”
Problema sa Pangangalagang Pangkalusugan sa Europa
Marami ang di-nasisiyahan sa mga serbisyong pangkalusugan sa ilang lupain sa Europa. Ipinahihiwatig ng mga estadistika sa European Commission na ipinapalagay ng maraming tao sa Portugal, Gresya, at Italya na di-sapat ang tinatanggap nilang pangangalagang pangkalusugan. Ang totoo, napakaraming trabaho ng mga serbisyong pangkalusugan sa Europa. Habang dumarami ang mga may-edad sa populasyon, parami nang paraming tao ang nagkakaroon ng mga sakit na gaya ng Alzheimer’s. Sa kabilang dako, inaakala naman ng mga opisyal sa kalusugan na mas mapangangalagaan namang mabuti ng mga Europeo ang kanilang kalusugan. Ayon sa pahayagang EUR-OP News, “ang pagdidiyeta, istilo ng buhay na laging nakaupo at labis-labis na pagkain ng saturated fats ay itinampok bilang mapanganib na kausuhan,” at “dumarami ang mga lalaking labis ang timbang at ng mga babaing kulang sa timbang.”
Karahasan Laban sa mga Bikaryo
“Pinagsasalitaan nang masama at sinasalakay ng agresibong mga nakaririwasang miyembro ng parokya ang mga bikaryo nang magalit dahil sa mga pagtatalo tungkol sa mga kasalan at binyag,” ang ulat ng The Sunday Telegraph ng London. Isinisiwalat ng isang pag-aaral na kinasangkutan ng 1,300 miyembro ng klero sa timog-silangan ng Inglatera na sa yugto ng mahigit na dalawang taon, mahigit na 70 porsiyento sa kanila ay pinagwikaan nang masama, mga 12 porsiyento ang sinalakay, at 22 porsiyento ang pinagbantaan ng karahasan. Sinisi ni Dr. Jonathan Gabe, na nanguna sa pananaliksik sa London University’s Royal Holloway College, ang problema sa “mga miyembro ng parokya na mapang-abuso kung hindi nila makuha ang gusto nila.” Binanggit din niya ang “dumaraming tao na mapaggiit ng kanilang mga karapatan at kapakanan at ang pagkawala ng paggalang at pagtitiwala ng publiko sa mga taong nasa posisyon” bilang mga dahilan ng magugulong miyembro ng parokya. Ang ilang diyosesis ay tumutugon sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagsasanay sa mga bagay na gaya ng pagtatanggol sa sarili upang tulungan ang mga klero na makitungo sa marahas na mga miyembro ng parokya.