Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Nagsisinungaling Upang Makapagtrabaho
“Isa sa apat katao ang nagsisinungaling kapag nag-aaplay sa trabaho,” ang ulat ng Financial Times sa London. Sa loob ng 12 buwan, masusing tinanong ng kompanyang panseguridad na Control Risks Group ang 10,435 aplikante sa pinansiyal na paglilingkod at teknolohiya ng computer at “natuklasan ang panghuhuwad sa lahat ng antas ng posisyon sa trabaho,” ang sabi ng pahayagan. “Mga 34 na porsiyento ng mga aplikasyon ay may magkakasalungat na impormasyon tungkol sa naging trabaho noon, samantalang ang 32 porsiyento naman ay labis-labis ang isinulat o pinalsipika ang akademikong mga kuwalipikasyon. Sinikap namang itago ng kabuuang 19 na porsiyento ang di-magandang rekord sa pananalapi o pagkabangkarote at hindi naman sinagutan ng 11 porsiyento ang mga detalye hinggil sa pagkakakilanlan.” Mas malamang na manghuwad sa kanilang kalagayan sa pananalapi yaong mga tumira sa ibang bansa, maliwanag na sila’y nag-iisip na hindi sila mahuhuli, at ang mga lalaki ay “mas malamang na manghuwad kaysa sa mga babae.” Pinatutunayan ni Tim Nicholson ng Recruitment and Employment Confederation ang mga resulta ng pagsusuri at idinagdag pa niya: “Kung paniniwalaan ng mga nangangalap ng mga manggagawa (recruiter) ang nakasulat sa aplikasyon, hindi nila ginagawa nang wasto ang kanilang trabaho.”
Mga Elepanteng Mahilig sa Langis
Naaakit sa langis ang mga elepante sa Digboi sa hilagang-silangan ng India. “Malayang gumagala ang mga elepante sa mga minahan ng langis, anupat kadalasan ay binubuksan ang mahahalagang balbula sa mga tubo na nagdurugtong sa mga balon ng langis tungo sa dalisayan nito,” ang sabi ni Ramen Chakravarty, isang nakatataas na inhinyero sa Oil India Limited. “Waring natutuwa sa tunog ang mga elepante kapag nabuksan ang isang balbula, lalo na yaong balbulang kumokontrol sa singaw upang hindi maging parapina ang krudo.” Hindi lamang waring natutuwa ang mga elepante sa lagaslas ng pumupulandit na langis kundi waring naaakit din sila sa mga balon ng langis dahil sa “putik at tubig na lumalabas na kasama ng krudo,” ang ulat ng pahayagang Indian Express. “Ang tubig ay maalat at gustung-gusto ito ng mga elepante.” Nakatutuwa naman, isang elepante ang di-sinasadyang nakatuklas ng langis doon. Ang hayop ay nagbalik sa kampo matapos nitong dalhin ang mga riles para sa unang daang-bakal ng rehiyon, nang mapansin ng mga Britanong opisyal ang malangis na bagay sa mga binti nito at tinunton ang mga bakas ng elepante hanggang sa isang hukay na may bumabalong na langis. Nagbunga ito ng pagbubukas ng kauna-unahang pinagkukunan ng langis sa Asia noong 1889.
Pagmamaneho at Pagod
“Ang pagod, lalo na kapag sinamahan pa ng alkohol, ay partikular na pinagmumulan ng mga banggaan ng sasakyan na nagbubunga ng kamatayan o malubhang pinsala,” ulat ng British Medical Journal. Nasumpungan ng mga mananaliksik sa Bordeaux, Pransiya, na ang pagkapagod ng drayber ang dahilan ng hanggang 20 porsiyento ng mga aksidente sa haywey. Kahit na sa ilalim ng kaayaayang mga kalagayan sa pagmamaneho, 10 porsiyento ng mga grabeng banggaan na isang sasakyan lamang ang sangkot ay nauugnay sa pagod. Ayon kay Propesor Jim Horne, direktor ng Sleep Research Center sa University of Loughborough, sa Inglatera, ang dakong hapon ang isa sa pinakamapanganib na panahon para sa mga drayber. “Tayo ay dinisenyo na magkaroon ng dalawang panahon ng pagtulog,” aniya, “ang isa ay sa gabi at ang isa naman ay sa hapon, bandang ika-2 n.h. hanggang ika-4 n.h.” Ano ang dapat gawin ng drayber kapag siya ay inaantok? Humintong sandali. “Ang pagbubukas ng bintana o pagpapatugtog ng radyo ay nagbibigay lamang ng pansamantalang ginhawa,” ang sabi ni Horne. “Ang pinakamainam na gawin ay humanap ng isang lugar kung saan ligtas kang makapagpaparada at umidlip nang 15-20 minuto.” Ang problema ay na maraming drayber, bagaman alam nilang inaantok sila, ay patuloy sa pagmamaneho. Ganito ang sabi ng The Sunday Times ng London: “Sa susunod na pagkakataong ikaw ay humikab, parang bumabagsak sa pagod ang mga talukap ng iyong mga mata o hindi ka makapagtuon ng pansin habang nagmamaneho, tandaan na isa itong babalang tanda na nakamamatay kung ipagwawalang-bahala.”
Dumami ang Benta ng mga Baril sa Estados Unidos
“Biglang dumami ang benta ng baril at bala sa bansa mula noong Set. 11 habang parami nang paraming Amerikano ang gumagawa ng itinuturing ng marami bilang pansariling hakbang upang maging mas ligtas: ang pagsasandata sa kanilang mga sarili,” ang sabi ng The New York Times. “Patuloy na dumaragsa ang seryosong mga mamimili sa unang pagkakataon.” Sinamantala naman ng ilang tagagawa ng baril ang krisis na ito sa pamamagitan ng puspusang paggamit ng makabayang mga sawikain at larawan upang makaakit ng bagong mga mamimili. Gayunman, ikinabahala ng maraming opisyal ang pagdami ng nakamamatay na mga sandata. “Lagi naming ikinababahala ang kabuuang bilang ng mga baril na naglipana sa lansangan na madaling mabili anupat pinahihirap nito ang situwasyon para sa pagpapatupad ng batas,” ang sabi ng hepe ng pulisya sa North Miami Beach na si William B. Berger. Ipinakikita ng estadistika na kung minsan ang mga baril na binili ng mga mamamayang masunurin sa batas ay napupunta sa kamay ng mga kriminal. Hinihimok ng mga organisasyong nagtatakda sa pagbili ng mga baril ang mga tao na mag-isip bago bumili.
“Napakalaking” Pinsala ng Sakit sa Isip
“Lumalaki ang pinsalang dulot ng sakit sa isip at sa sistema nerbiyosa sa buong daigdig,” ang sabi ni Dr. Gro Harlem Brundtland, panlahat na patnugot ng World Health Organization (WHO). Isinisiwalat ng isang ulat ng WHO kamakailan na ang mga sakit sa isip ay “kabilang sa nangungunang mga sanhi ng karamdaman at kapansanan sa buong daigdig.” Halos 450 milyon katao sa daigdig ang kasalukuyang nakararanas ng sakit sa isip o sa sistema nerbiyosa, ang sabi ng ulat. Bagaman may paraan ng paggamot sa karamihan ng mga sakit sa sistema nerbiyosa, halos dalawang-katlo ng mga taong nakararanas ng isang kilalang sakit sa isip ang hindi kailanman humihingi ng propesyonal na tulong dahil sa diskriminasyon, kahihiyan, kawalan ng sapat na salapi, o di-sapat na pangangalagang pangkalusugan.
Mga Adultong Namamatay Dahil sa Bulutong-Tubig
“Pinapatay ng bulutong-tubig, isa sa pinakakaraniwang nakahahawang sakit ng mga bata, ang dumaraming mga adulto,” ang sabi ng pahayagang Independent ng London. Ipinakikita ng mga bilang na inilathala sa British Medical Journal na noong mga unang taon ng dekada ng 1970, ang mga adultong namatay dahil sa bulutong-tubig ay 48 porsiyento, samantalang noong 2001, ang bilang ay tumaas tungo sa 81 porsiyento. Ganito ang babala ni Propesor Norman Noah, ng London School of Hygiene and Tropical Medicine: “Pinatutunayan ng pag-aaral na ito na ang bulutong-tubig ang dahilan ng maraming kamatayan sa mga adulto . . . Ang aming bilang na 25 kamatayan sa isang taon [sa Inglatera at Wales] ay malamang na isang mababang tantiya. . . . Dapat mabatid ng mga adulto na kung magkaroon sila ng bulutong-tubig, naiiba ito sa bulutong-tubig ng mga bata. Mas nanganganib sila at kailangan nilang magpatingin nang mas maaga sa isang doktor.” Lalo nang nanganganib ang mga lalaking ang edad ay 15 hanggang 44.
Mas Maraming Mananampalataya sa Slovakia?
Ipinakikita ng sensus sa Slovakia noong 2001 na mga 84 na porsiyento ng mga Slovak ang nagsasabi ngayon na sila’y kaanib sa isang relihiyon. Ayon sa sosyologong si Ján Bunčák, pangunahing nang ito’y isang kapahayagan ng “masidhing pagnanais na sumunod sa itinuturing ng lipunan na wasto.” Bagaman ang relihiyon ay siniil noong panahon ng Komunista, itinuturing na ngayon na “wasto” at “normal” ang pag-anib sa isang relihiyon. Subalit, “napakarami sa kanila ang hindi man lamang naniniwala sa Diyos,” ang sabi ni Bunčák. Sa pagkokomento sa pangkalahatang kalagayan sa Europa, sinabi pa niya: “Ang karamihan ng mga tao ay nag-aangking kabilang sa isang relihiyon. . . . Ito ang sinasabi ng mga tao, subalit kasabay nito, ayaw nilang labis na manghimasok sa kani-kanilang buhay ang relihiyon.”
Apat na Bilyon ang Magugutom sa Taóng 2050
Ang pagdami ng populasyon sa papaunlad na mga bansa ay inaasahang magdaragdag sa populasyon ng daigdig anupat magiging 9.3 bilyon ito sa taóng 2050, ayon sa taunang report ng United Nations Population Fund. Sa bilang na iyan, tinatayang 4.2 bilyon ang maninirahan sa mga bansa kung saan ang pangunahing pangangailangan para sa pagkain at tubig ay hindi masasapatan. Doble ito sa dami ng mga taong kulang na ng sapat na pagkain. “Ipinakikita ng ulat na ang karalitaan at ang mabilis na pagdami ng populasyon ay isang nakamamatay na kombinasyon,” ang paliwanag ni Thoraya Obaid, ehekutibong direktor ng organisasyon. “Ang mahihirap na tao ay tuwirang umaasa sa likas na mga kayamanan na gaya niyaong nakukuha sa lupa, kahoy at tubig, subalit sila ang labis na nagdurusa dahil sa pagsamâ ng kapaligiran. . . . Samantalang ang ilan sa atin ay lubhang nag-aaksaya sa paggamit ng likas na mga kayamanan, ang iba naman ay walang sapat na makuhang likas na yaman upang mabuhay.”
Kung Bakit Mas Maagang Namamatay ang mga Lalaki
“Ang buhay ng isang lalaki ay isang miserableng buhay: mas mabilis magkasakit at mas madaling namamatay ang mga lalaki.” Ito ang malungkot na paglalarawan ng mga tagapag-organisa ng kauna-unahang World Congress on Men’s Health, na idinaos sa Vienna, Austria. Nabigla sila, ang ulat ng pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung, sa katotohanan na sa katamtaman, ang mga lalaki ay namamatay nang limang taóng mas maaga kaysa sa mga babae. Bakit mas maagang namamatay ang mga lalaki? Ang isang dahilan ay malamang na mas malakas silang manigarilyo o uminom. Ang labis na pagkain at kawalan ng ehersisyo ay iba pang pangunahing mapanganib na salik—70 porsiyento ng mga lalaking nasa katanghaliang gulang ang sinasabing sobra sa timbang. Isa pa, marami ang dumaranas ng kaigtingan sa pagsisikap na pagtimbangin ang trabaho at pamilya. At ang mga lalaki ay bihirang magpatingin sa doktor kapag sila ay may sakit o maghanap man lamang ng paraan sa pangangalaga ng kalusugan para makaiwas sa sakit. Bilang pagbubuod, sinabi ni Siegfried Meryn, isa sa mga nagsaayos ng pulong: “Sa medikal na paraan, ang kalalakihan ay nasa mas disbentahang kalagayan.”