May Dahon sa Bahay-Gagamba!

May Dahon sa Bahay-Gagamba!

May Dahon sa Bahay-Gagamba!

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

NAKIKITA mo ba ang dahon na tuyo at nakabilot nang mahigpit? Mapapansin mo na ito’y nakadikit sa bahay ng gagamba. Sa unang tingin ay parang inilipad ito ng hangin tungo sa bahay-gagamba. Subalit may isang natatanging bagay sa dahong iyon.

Ang tinitingnan mo ay ang pambihirang tirahan ng leaf-curling spider​—isang tunay na kagila-gilalas na nilalang. Ito lamang ang kilalang gagamba na gumagawa ng kaniyang tirahan sa pamamagitan ng pagbilot sa isang dahon at paglalagay sa loob nito ng sapin na seda, ang mismong materyal na ginagamit nito sa paggawa ng kaniyang bahay. Subalit ang ginagamit lamang ba ng gagamba ay isang dahon na nagkataong napadpad sa bahay nito? Para bang ganoon nga. Subalit ipinakikita ng mas masusing pagsusuri na may nasasangkot na isang tiyak na disenyo. Maingat na pinipili ng gagamba ang isang dahon, marahil mula sa mga nakalapag sa lupa. Matapos nitong bilutin nang paikid ang dahon, tinatalian ito ng gagamba ng mga hibla ng seda upang hindi na ito bumuka.

Gayunman, hindi lamang dahon ang ginagawang tirahan ng mga gagambang ito. Sa mga bakuran ng mga nayon sa tabi ng lunsod, kadalasan ay ginagamit nila ang mga piraso ng pahayagan, magagaan na karton, o mga itinapong tiket. Kapansin-pansin, maaari pa nga nilang piliin ang walang laman na balat ng susô. May isang pagkakataon na ang balat ng susô ay mas mabigat nang anim na beses sa gagamba na nag-akyat nito tungo sa bahay-gagamba at nanirahan doon!

Ipagpalagay na inaalam natin kung nasa loob ngayon ng dahon ang ating gagamba. Tapikin natin nang bahagya ang dahon. Hayun siya! Nakikita mo ba? Ang maliit at may magandang kulay na gagamba ay lumalabas sa dahon at naglalambiting pababa sa lupa sa kaniyang pising seda. Huwag kang mag-alala! Ligtas tayo. Ang ganitong uri ng gagamba ay hindi naman nakapipinsala sa tao, bagaman maaaring ang iyong daliri ay waring nakurot kapag bigla mo itong hinawakan.

Kapag araw, ang leaf-curling spider ay karaniwan nang gumugugol ng panahon sa pamamahinga sa loob ng dahong tirahan nito. Ngunit sa gabi, kapag mas maraming lumilibot na insekto, makikita mo itong nakayukyok sa bukana ng dahon nito. Mula sa magandang puwestong iyon, maingat niyang binabantayan ang bahay nito sa pamamagitan ng pagpapatong ng isa sa kaniyang mga paa sa isang ‘linya ng telegrapo’​—isang pantanging hibla ng seda na nakakabit sa dahon patungo sa gitna ng bahay-gagamba. Kapag napadikit ang insekto sa bahay-gagamba, agad na dadaluhong ang gagamba, pipigilin ito, at kakainin.

Ang malikhain at munting tagapagtayong ito ay isa lamang sa maraming kaakit-akit na nilalang sa palumpungan ng Australia.