Siyensiya at Relihiyon—Ang Pagkakasalungatan
Siyensiya at Relihiyon—Ang Pagkakasalungatan
“Dapat bang ituring ang relihiyon bilang isang nakahahawang sakit sa isip?”—Biyologo na si Richard Dawkins.
IPINALALAGAY kung minsan na ang relihiyon at siyensiya ay mortal na magkaaway. Para sa ilan, nagmimistula itong mahigpit na magkatunggali anupat waring mananalo lamang ang isa kapag pumanaw na ang kabilang panig.
Sa isang kampo ay ang ilang siyentipiko, gaya ng kimikong si Peter Atkins, na may palagay na “imposibleng” mapagtugma ang relihiyon at siyensiya. Sinasabi ni Atkins na ang maniwalang “ang Diyos ang siyang kasagutan (sa anumang bagay, lalo na sa lahat ng bagay) ay isang kahangalan sa intelektuwal na kakayahan ng isang tao.”
Sinisisi naman ng kabilang kampo ng relihiyosong mga tao ang siyensiya dahil sa pagsira nito sa pananampalataya. Naniniwala ang gayong mga indibiduwal na isang panloloko ang ginagawa ng siyensiya sa ngayon; maaaring tama ang makatotohanang mga bagay na natuklasan nito, subalit sinisira ng maling pagbibigay-kahulugan sa mga bagay na iyon ang mga paniniwala ng mga miyembro ng relihiyon. Halimbawa, sinasabi ng biyologong si William Provine na ang teoriya ni Darwin ay nagpapahiwatig na “walang sukdulang batayan para sa mga etika; at walang sukdulang kahulugan para sa buhay.”
Gayunman, lumitaw ang ilang pagkakasalungatan dahil sa mali o di-mapatunayang mga paninindigan ng magkabilang panig. Sa loob ng mga dantaon, itinuro ng mga lider ng relihiyon ang di-tunay na mga alamat at maling mga doktrina na salungat sa mga tuklas ng makabagong siyensiya at hindi nakasalig sa kinasihang Kasulatan. Halimbawa, hinatulan ng Simbahang Romano Katoliko si Galileo dahil sa tama ang hinuha niya na ang lupa ay umiinog sa araw. Hindi naman kinokontra ng pangmalas ni Galileo ang Bibliya, subalit ito’y salungat sa itinuro ng simbahan noong panahong iyon. Sa kabilang banda, dapat sisihin ang mga siyentipiko nang ituro nila bilang katotohanan ang di-mapatunayang teoriya na ang buhay ay nagmula sa walang-buhay na mga bagay anupat hindi ito nagmula sa Diyos. Itinuring nila nang may panlilibak na di-makasiyensiya ang relihiyosong paniniwala.
Kung gayon, posible kaya na mapagtugma ang siyensiya at relihiyon? Oo naman. Ang totoo, ang mapananaligang siyensiya at ang totoong relihiyon ay magkatuwang sa halip na magkasalungat sa isa’t isa.
[Larawan sa pahina 2, 3]
Itinuro ni Galileo ang makasiyensiyang katotohanan, na siyang dahilan kung kaya hinatulan siya ng simbahan