Pabango sa Paglipas ng Panahon

Pabango sa Paglipas ng Panahon

Pabango sa Paglipas ng Panahon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

Ang pabango ay may sinaunang kasaysayan. Sinasabing ang sinaunang proseso ng paggawa ng pabango ay nagsimula sa pagsunog ng malagkit na dagta at resina para maging insenso sa relihiyosong mga seremonya. Bunga nito, ang salitang “perfume” sa Ingles ay nagmula sa salitang Latin na per fumum, na nangangahulugang “sa pamamagitan ng usok.” Ang isang maagang rekord hinggil sa pabango ay nagmumula sa Ehipto. Nang buksan ang libingan ni Paraon Tutankhamen, mahigit na 3,000 banga ng pabango ang natagpuan na ang ilan sa mga ito ay mabango pa rin pagkalipas ng mahigit na 30 siglo!

Isang libo limandaang taon bago ang Karaniwang Panahon, kabilang “ang pinakapiling mga pabango” sa pormula na ibinigay ng Diyos para sa banal na langis na pamahid na ginamit ng mga saserdoteng Israelita. (Exodo 30:23-33) Ang mababangong ungguento ay ginamit ng mga Hebreo na pampaganda at panggamot, gayundin para sa pag-eembalsamo ng patay​—na walang-alinlangang nagsisilbing mga pamatay-mikrobyo at pamatay-amoy (deodorant). Halimbawa, nagdala ang mga babae ng mga espesya at mabangong langis sa libingan upang gamitin sa katawan ni Jesus. (Lucas 23:56; 24:1) Sa tahanan ng mga Israelita, ang pagpapahid ng mabangong langis sa mga paa ng isang panauhin ay itinuturing na isang gawa ng pagkamapagpatuloy.​—Lucas 7:37-46.

Noong unang siglo, napaulat na ang Roma ay gumamit ng mga 2,800 tonelada ng olibano at 550 tonelada ng mira bawat taon. Ang gayong mahalimuyak na mga sangkap ay dinala sa batang si Jesus bilang mga kaloob. (Mateo 2:1, 11) Noong 54 C.E., sinasabing gumugol ang Romanong Emperador na si Nero ng katumbas ng $100,000 upang magsilbing pabango sa isang pagtitipon. Ang mga tubong nakatago sa kaniyang mga silid-kainan ay nag-isprey sa mga panauhin ng singaw ng tubig na may pabango. Mula noong ikapitong siglo C.E. patuloy, gumamit ang mga Tsino ng mga pabango, lakip na ang maliliit na lalagyan na may pabango. Noong Edad Medya, ang mga pabango ay ginamit sa kulturang Islam, lalo na ang mga halimuyak ng rosas.

Ang industriya ng pabango ay lubhang naitatag sa Pransiya noong ika-17 siglo anupat ang palasyo ni Louis XV ay tinawag na palasyong may pabango. Ang mga pabango ay inilalagay hindi lamang sa balat kundi gayundin sa kasuutan, mga guwantes, pamaypay, at muwebles.

Ang cologne, na naimbento noong ika-18 siglo, ay ginamit sa pampaligong-tubig, inihalo sa alak, at kinain kasama ng limpak ng asukal bilang pangmumog, at ginamit sa medisina na panglabatiba at panggamot ng mga bukol. Noong ika-19 na siglo, nakagawa ng sintetikong mga pabango. Kaya, ang unang mga pabango na hindi angkop na gamitin sa paggagamot ay sinimulang ipagbili. Sa ngayon ang proseso ng paggawa ng pabango ay isang multibilyong-dolyar na negosyo. a

[Talababa]

a Ang isyu hinggil sa pagiging sensitibo sa pabango ay tinalakay sa isyu ng Agosto 8, 2000.

[Larawan sa pahina 31]

Ehipto, banga ng pabango mula sa libingan ni Tutankhamen, ika-14 na siglo B.C.E.

[Credit Line]

Werner Forman/Egyptian Museum, Cairo, Egypt/Art Resource, NY

[Larawan sa pahina 31]

Gresya, ika-5 siglo B.C.E.

[Credit Line]

Musée du Louvre, Paris

[Larawan sa pahina 31]

Pransiya, ika-18 siglo C.E.

[Credit Line]

Avec lʹaimable autorisation du Musée de la Parfumerie Fragonard, Paris

[Larawan sa pahina 31]

Makabagong botelya ng pabango