Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mabuting Kalusugan Hindi masusukat ang kaaliwan at pampatibay-loob na tinanggap ko mula sa serye ng “Mabuting Kalusugan Para sa Lahat—Posible ba Ito?” (Hunyo 8, 2001) Dumanas ako ng sakit sa isip, at binalak kong magpakamatay noon. Araw-araw ay naiisip ko, ‘Paano ako makararaos?’ Ang magasing ito’y nagpaalaala sa akin ng pangako ni Jehova sa Apocalipsis 21:4 na ‘papahirin niya ang bawat luha sa ating mga mata.’
C. T., Hapón
Salamat sa inyong mahuhusay na artikulo. Bilang isang manggagamot ng naturopathy, inaasam-asam ko ang araw na mawawala na ang sakit. Pagkatapos ay maaari na akong magpahinga bilang manggagamot at maging isang magsasaka—pangalawa sa paborito kong trabaho!
B. C., Estados Unidos
Tula Nais kong sabihin na tuwang-tuwa akong basahin ang inyong artikulong “Pagpipinta sa Pamamagitan ng mga Salita.” (Hunyo 8, 2001) Mula nang ako’y magretiro, nagsimula akong sumulat ng mga tula, na siyang nagbibigay sa akin ng malaking kaluguran at kasiyahan.
J. B., Britanya
Mula pa nang pagkabata ay mayroon na akong hilig sa nasusulat na salita, at ganiyan ko natuklasan ang sining ng tula. Salamat sa inyong pagbanggit na “bihirang makagawa ng magandang tula ang isang mababaw na kaisipan.” Maraming tao ang naniniwala na ang pagsusulat ng tula ay isang palatandaan ng kahinaan. Ang anyong ito ng ekspresyong pampanitikan ay isa sa pinakamagandang kapahayagan, at ikinagagalak kong malaman na gayon din ang iniisip ng ating Maylikha.
M. T., Chile
Mga Katedral Ako’y nasiyahan sa artikulong “Mga Katedral—Mga Bantayog Para sa Diyos o Para sa mga Tao?” (Hunyo 8, 2001) Ngunit hindi ba totoo na ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatayo ng waring malalaking Kingdom Hall at Assembly Hall?
R. B., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Aming pinuna ang pagtatayo ng mga katedral hindi lamang dahil sa ang mga ito’y malalaki kundi dahil sa ang motibo sa pagtatayo ng mga ito ay malimit na gaya ng itinawag ng isang istoryador na ang “mapagmataas na pagmamapuring saloobin” ng mga relihiyosong lider. Gayundin, ang pamumuhunan sa malalaking gusaling ito ay nakapagdudulot ng matinding kahirapan sa mga miyembro ng kanilang parokya. Sa kabaligtaran naman, ang mga Kingdom Hall at Assembly Hall ay mga katamtamang kayarian na hindi itinatayo upang magbigay-puri sa kaninumang tao. Sa halip, ang mga ito’y nagsisilbing mga dako ng pagsamba. Ang mga bulwagang ito ay ginastusan sa pamamagitan ng boluntaryong mga abuloy at hindi ipinipilit sa kaninuman ang isang di-makatuwirang pabigat sa pinansiyal.
Mga Mariposa Ako po’y 14 na taóng gulang, at namangha po ako nang mabasa ko ang artikulong “Ang Magandang Mariposa.” (Hunyo 8, 2001) Lagi ko pong inaakala na nakatatakot ang hitsura ng mga mariposa, ngunit yamang nabasa ko na ang artikulong ito, pag-iisipan ko munang mabuti bago ko sila hahampasin!
D. S., Estados Unidos
Habang binabasa ko ang artikulo, isang mariposa ang dumapo malapit sa aking paa. Hindi pa ako nakakita ng isang mariposa na napakaganda! Tunay na kahanga-hanga ang kalikasan, at kung ating maingat na pagmamasdan iyon, mapalalalim nito ang ating pag-ibig sa Diyos.
G. P., Italya
Palibhasa’y hindi pinahahalagahan ang kagandahan at pagkakasari-sari ng mga mariposa na ginawa ni Jehova, naisip ko sila bilang hindi kawili-wiling mga insekto. Di-nagtagal pagkatapos kong basahin ang artikulo, isang magandang mariposa ang lumapit sa akin habang nagdidilig ako ng aking mga halaman. Pinasalamatan ko si Jehova sa kaniyang paglalang at sa artikulo na nagpangyari sa akin na maging lalong mapagmasid.
C. S., Estados Unidos
Red Tide Bilang isang edukador, ako’y nagtuturo ng isang paksa na tumatalakay sa tamang pangangasiwa at pangangalaga ng ating mga yaman sa dalampasigan. Muntik na akong mawalan ng pag-asa sa paghahanap ng isang artikulo na malinaw na magpapaliwanag hinggil sa red tide. Pagkatapos ay natulungan ako ng artikulong “Kapag Pumula ang Tubig” (Hunyo 8, 2001) na malutas ang problema. Maraming salamat sa inyong paglalathala nito.
J.O.P., Pilipinas