Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Bilangguan Maraming salamat sa inyong mga artikulo hinggil sa paksang “Mababago Pa Kaya ang mga Bilanggo?” (Mayo 8, 2001) Labing-apat na taon akong nabilanggo. Habang nakabilanggo, nakausap ko ang mga Saksi ni Jehova at nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Sa aking paglaya, ipinagpatuloy ko ang pag-aaral, at ako’y nabautismuhan di-nagtagal pagkatapos nito. Mababago ang mga bilanggo kung susundin nila ang mga simulaing itinuro sa Bibliya. Maaari rin silang maging mapagpasalamat—tulad ko—sa masisipag na mga Saksi na naglaan ng kanilang panahon upang tulungan yaong mga nabilanggo.
R. S., Estados Unidos
Kasalukuyan akong nasa isang bilangguan kung saan pinahihintulutan ang mga Saksi ni Jehova na makapagsaayos ng isang kamangha-manghang programa ng pagtuturo. Nabautismuhan ang isang bilanggo, at marami pang iba ang nag-aaral ng Bibliya. Tunay na kalugud-lugod na maglingkod kay Jehova saanman tayo naroroon!
J.A.M., Estados Unidos
Dito sa Hapon, nadarama ko kung minsan na mahirap makipag-usap sa mga tao hinggil sa Bibliya. Ngunit napalakas ako ng mga kapatid na nagtiwala kay Jehova at nagdaos ng pag-aaral ng Bibliya sa mga bilanggo. Nagpapasalamat ako na ipinabatid ninyo sa amin kung gaano kasikap gumawa ang mga kapatid na ito. Ito na ang mga huling araw, kaya dapat patibayin ng bawat isa sa atin ang ating ugnayan kay Jehova nang lalong higit pa.
K. D., Hapon
Yamang nakabilanggo sa nakalipas na walong taon, nakita ko mismo na hindi naisasakatuparan ng mga bilangguan ang layunin nito. Ang matagumpay ay ang pagtuturo sa Bibliya na inyong ginagawa. Bilang isang bilanggo, talagang nagpapasalamat ako sa mga Saksi ni Jehova, na nagpapakita ng pag-ibig sa amin na nakagawa ng pagkakamali ngunit nagsisikap na ituwid ito at maging mas mabubuting tao.
R. J., Estados Unidos
Nang kunin ko ang isyung ito, inisip ko kung sino ang maaaring maging interesado rito. Nang mismong gabing iyon ay nakatanggap ako ng tawag sa telepono. Dinaluhong ang aking ina, at ninakaw ang kaniyang kotse. Habang pinag-uusapan namin ng mga katrabaho ko ang krimen, mga kriminal, at mga bilangguan, naalala kong nasa aking locker ang magasin. Napakahuhusay na artikulo! Nang sumunod na araw ay binigyan ko ng kopya ang aking mga katrabaho at ang aking ina. Tunay na natutupad ng mga artikulong ito ang layunin ng Gumising!—habang “masusi nitong sinusuri ang mga bagay-bagay at tinutukoy ang tunay na kahulugan ng kasalukuyang mga pangyayari.”
R. S., Estados Unidos
Una kong narinig ang hinggil sa mga Saksi ni Jehova mula sa aking kasama sa bilangguan. Tunay na ako’y nagpapasalamat na mabasa na ang mga Saksi ni Jehova ay may lakas ng loob na pumasok sa mga bakod at pader na ito upang tulungan ang mga taong tulad ko na masumpungan si Jehova bago pa maging huli ang lahat. Dapat na papurihan ang mga Saksi sa pag-ibig na kanilang ipinakikita.
M. N., Estados Unidos
Kapaki-pakinabang ang mga artikulong ito sa aming mga nagtatrabaho sa mga bilangguan dahil ipinakikita ng mga ito na makatutulong ang Bibliya sa mga bilanggo na magbago sa loob, sa kanilang isip at puso. Tinutulungan din ng mga ito ang mga bilanggo na maunawaan ang ating papel sa pagtulong sa kanila na malaman ang kalooban ni Jehova. Nililinaw ng mga halimbawa sa pahina 10 kung bakit hindi tayo dapat masangkot sa mga legal na problema ng mga bilanggo kundi sa halip ay turuan sila hinggil sa Bibliya at sikaping abutin ang kanilang puso.
A. I., Romania
Ekspedisyon Ako po’y 13 taóng gulang, at talagang nasiyahan sa pagbabasa sa artikulong “Sa Isang Ekspedisyon sa Ghana.” (Mayo 8, 2001) Gustung-gusto kong magbasa hinggil sa mga hayop. Pakisuyo pong ipagpatuloy ang paglilimbag sa mga magasing ito!
J. W., Estados Unidos