Tao Laban sa Kalikasan
Tao Laban sa Kalikasan
“Sa ngayon, ang mga tao ang dapat na tumanggap ng pananagutan sa tumataas na bilang ng mga uring nalilipol.”—JANE GOODALL, CONSERVATIONIST.
ANG buhay sa lupa ay dinamiko at magkakaugnay. Tayong mga tao ay likas na bahagi nito. Umaasa tayo sa buháy na daigdig para sa ating pagkain at gamot, sa oksiheno na ating nilalanghap, at sa mga elementong bumubuo sa ating katawan. Sa takbo ng isang karaniwang araw, ginagamit ng populasyon ng tao sa lupa ang mahigit sa 40,000 iba pang buháy na uri. Ang lahat ng uri ng buhay sa lupa ay sama-samang bumubuo ng isang masalimuot, kamangha-mangha, at komplikadong kawing ng buhay.
Gayunman, maraming ekspertong nag-aaral ng masalimuot na kawing na ito ang nakadarama na ito’y sinisira! Marahil ay narinig mo na ang hinggil sa nanganganib na malipol na mga rhino, tigre, panda, at balyena. Sinasabi ng ilang siyentipiko na 50 porsiyento ng lahat ng uri ng halaman at hayop ay maaaring mawala sa lupa sa loob ng 75 taon. Natatakot ang mga mananaliksik na maaaring maglaho ang ilang uri nang 10,000 ulit na mas mabilis kaysa sa tinatawag ng mga siyentipiko na bilis ng likas na pagkalipol. Tinataya ng isang eksperto na ang mga uri ay namamatay sa katamtamang bilis na isa sa bawat 10 hanggang 20 minuto.
Naniniwala ang mga siyentipiko na noong una, kadalasan nang nalilipol ang mga uri dahil sa likas na mga kadahilanan. Ngunit sinasabi nila na ang pangunahing sanhi ng kasalukuyang krisis ay naiiba. Maliwanag, ang mga pagkalipol sa ngayon ay dahil sa gawain ng tao. Tinukoy ng isang siyentipiko ang mga tao bilang “tagalipol ng mga uri.”
Ang mga gawain ba ng tao ang talagang dahilan ng kapansin-pansing pagkawala ng biyolohikal na pagkakasari-sari? Kung gayon, paano? Maaari ba tayong mabuhay nang wala ang makulay na pagkakaiba-iba ng buhay sa lupa? Mayroon bang anumang ginagawa upang mapigilan ang nadarama ng marami na isang krisis sa pagkalipol ng buháy na daigdig?
[Picture Credit Lines sa pahina 3]
WHO
NOAA