Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Edukasyon Sumulat ako upang magpasalamat sa seryeng “Edukasyon na Umaakay Tungo sa Mas Magandang Buhay.” (Disyembre 22, 2000) Talagang ipinakita nito kung paano sinisikap ni Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, na maabot ang lahat ng may matuwid na puso. Naantig ang aking damdamin nang mabasa ko kung paano ibinalita ng lokal na istasyon sa telebisyon at mga pahayagan ang paglalabas ng Gumising! sa wikang Samoan. Ipinakita nito ang katuparan ng mga salita ni Jesus sa Gawa 1:8: “Kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”

J. D., Estados Unidos

Mga Amang Umalis Ako’y 15 taong gulang at ibig ko kayong pasalamatan mula sa kaibuturan ng aking puso dahil sa mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” na “Bakit Kami Iniwan ni Itay?” (Nobyembre 22, 2000) at “Paano Ko Ngayon Makakayanan ang Pag-iwan sa Amin ni Itay?” (Disyembre 22, 2000) Nadama ko ang iba’t ibang emosyon na mula sa galit hanggang sa pagdalamhati at sa pagkasiphayo. Ipinakita ng mga artikulo na hindi ako nag-iisa sa kalagayang ito at normal lamang ang aking nadarama. Pakisuyong patuloy kayong sumulat ng gayong magagandang artikulo.

S. L., Alemanya

Ako po’y 10 taong gulang, at nadama ko na para bang buong buhay kong hinihintay ang mga artikulong ito! Labis akong nagdusa nang iwan kami ni Itay. Dumating ang mga artikulong ito sa tamang panahon.

M. D., Alemanya

Talambuhay Salamat sa artikulong “Pinaglaanan ng Isang Pag-asa na Nagpapalakas sa Akin.” (Disyembre 22, 2000) Nagkimkim ako ng galit sa aking ama dahil mula sa aking pagkabata, nakita ko ang pang-aabuso niya sa aking ina. Sa isip ko, alam kong mali ang mapoot, subalit napakahirap na supilin ang damdamin. Subalit nabasa ko kung paano sinikap na pagtagumpayan ni Tatjana Vileyska ang pagkapoot sa lalaki na pumatay sa kaniyang ina. Gusto ko siyang tularan.

A. K., Hapon

Napaiyak ako sa pagbabasa ng masaklap na karanasan ni Tatjana dahil sa pagkamatay ng kaniyang mga magulang. Ang gayong mga personal na karanasan ay patuloy na nagpapaalaala sa akin na maraming tao sa buong mundo ang nagtitiis ng katakut-takot na hirap nang matagumpay at nakasusumpong ng kagalakan sa kabila ng kanilang personal na pakikipagpunyagi.

J. R., Estados Unidos

Katatapos ko pa lang basahin ang kapana-panabik na kuwento ni Tatjana Vileyska. Mahirap kong malimutan ang kaniyang salaysay. Ang magdusa na gaya ng kaniyang naranasan bago pa man niya natutuhan ang katotohanan mula sa Bibliya at sa kabila nito’y nagagawa pa rin niyang ngumiti ay talagang isang espirituwal na himala.

S. S., Estados Unidos

Pagliligtas sa Pag-aasawa Salamat mula sa kaibuturan ng aking puso dahil sa serye ng Gumising! sa Enero 8, 2001, “Maaari Pa ba Naming Iligtas ang Aming Pag-aasawa?” Noong nakaraang taon kaming mag-asawa ay nagkaproblema sa aming pagsasama. Pareho kaming pinalaki sa tahanan kung saan laging may pagbabangayan. Kaya nakapagsasalita kami ng talagang nakasasakit sa isa’t isa, at hindi makontrol ang situwasyon. Subalit sinimulan naming ikapit ang mga simulain ng Bibliya, at kami ngayo’y napakaligaya.

R. O., Estados Unidos

Bilang isang matanda sa kongregasyon, natuklasan ko na ang isa sa mapanghamong mga kalagayan na nakaharap ko ay ang pagtulong sa mga taong nakadarama na sila’y nakulong sa isang pag-aasawang walang pag-ibig. Tiyak naman na mayroon tayong napakaraming payo sa Kasulatan na nasa mga publikasyon sa loob ng mga taon. Gayunman, sa pagkakita sa pabalat ng magasin, nauunawaan ko na iyon mismo ang talagang kailangan natin upang makapagbigay ng higit at tuwirang tulong para sa katulad nila. Talagang hindi ako binigo ng mga artikulo!

L. R., Estados Unidos