Ang Mahalagang Papel na Ginagampanan ng mga Ama

Ang Mahalagang Papel na Ginagampanan ng mga Ama

Ang Mahalagang Papel na Ginagampanan ng mga Ama

“PARAMI nang paraming kabataang ama ang nagnanais na gumanap ng aktibong papel sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Pinili ng 82% ng kalalakihan na nasa edad 21 hanggang 39 na magkaroon ng iskedyul sa trabaho na magpapahintulot ng mas maraming oras sa kanilang mga pamilya,” ang sabi ng pahayagang Toronto Star ng Canada hinggil sa pinakahuling pagsusuri ng Harvard University. Ayon sa pagsusuri, kung saan kinapanayam ang 1,008 lalaki at babae sa Estados Unidos na nasa edad na 21 hanggang 65 pataas, 71 porsiyento ng mga kabataang lalaki ang nagsabi na kanilang “ipagpapalit ang ilan sa kanilang sahod upang magkaroon ng mas maraming panahon sa kani-kanilang pamilya.”

Bakit gusto ng maraming ama na makasama nang higit ang kanilang mga anak? Sinabi ni David Blankenhorn, isa sa mga tagapagtatag ng National Fatherhood Initiative, na nagtataguyod ng pagiging responsable, may-pananagutan ng pagiging ama, na sa isang surbey sa 1,600 kalalakihan sa Estados Unidos noong 1994, 50 porsiyento ang nagsabi na hindi natugunan ng kanilang mga ama ang kanilang emosyonal na pangangailangan noong panahon ng kanilang pagkabata. Ayaw ng maraming ama sa ngayon na makitang maulit pa ang kalakarang ito.

May mabuting impluwensiya sa kanilang mga anak ang mga amang puspusan ang pagganap sa kanilang papel. Bilang pagbanggit sa isang pananaliksik na inilathala ng Department of Health and Human Services sa Estados Unidos, sinabi ng The Toronto Star na kapag kasama ng mga ama na kumakain ang kanilang mga anak, nagliliwaliw na kasama nila, at tumutulong sa kanilang mga takdang-aralin, “mas kakaunti ang mga problema sa pag-uugali, mas mabuting makitungo sa ibang tao at mas mahusay sa paaralan kaysa ibang bata at mga nagdadalaga at nagbibinata.”

Itinatampok ng mga bagay na nabanggit ang kaayusan sa pagpapalaki ng mga anak na siyang praktikal sa ngayon gaya noong ito’y unang naisulat mahigit na tatlong libong taon na ang nakararaan. Ang Tagapagtatag ng pamilya ay espesipikong nag-utos sa mga ama na puspusang makibahagi sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. (Efeso 3:14, 15; 6:4) Pinayuhan ang mga ama na itimo ang pag-ibig sa Diyos sa puso ng kanilang mga anak at ipakipag-usap sa kanila ang mga tuntunin at mga utos ng Diyos. Sinabi ng Diyos sa kanila na gawin ito ‘kapag nakaupo sila sa kanilang bahay at kapag naglalakad sila sa daan at kapag nakahiga sila at kapag bumabangon sila.’​—Deuteronomio 6:7.

Ang pagiging magulang ay pinagsasaluhang pananagutan. Ang Bibliya ay nagpapayo sa mga anak: “Makinig ka . . . sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina.” (Kawikaan 1:8) Napakahalaga ng ginagampanang papel ng ama. Kasali rito ang pagsuporta at paggalang sa ina at pakikibahagi sa mga tungkulin ng pagpapalaki sa anak. Nangangailangan din ito ng paggugol ng panahon sa pagbabasa at pakikipag-usap sa mga anak. Pinupunan nito ang mahalagang emosyonal na pangangailangan ng mga bata.

Walang alinlangan, ang Bibliya ang pinakamapananaligang pinagmumulan ng payo at mahuhusay na simulain para sa isang pamilyang mahusay makibagay. Ang isang ama na masigasig na naglalaan ng espirituwal, emosyonal, at materyal na mga pangangailangan ng kaniyang pamilya ay tumutupad sa kaniyang bigay-Diyos na pananagutan.