Ang Karingalan sa Ilalim ng Lupa ng Carlsbad Caverns

Ang Karingalan sa Ilalim ng Lupa ng Carlsbad Caverns

Ang Karingalan sa Ilalim ng Lupa ng Carlsbad Caverns

Pusikit na kadiliman at ganap na katahimikan. Iyan ang naranasan namin sa kaloob-looban ng mga yungib ng Carlsbad Caverns National Park sa New Mexico, E.U.A. Nang pumasok kami sa mga kuweba, aming pinag-isipan: ‘Paano kaya nabuo ang mga kuwebang ito? Gaano kalawak ang mga ito? Anong mga bagay na kakaiba ang nakatago sa loob nito? Ligtas kayang galugarin ang mga ito?’

BAGO kami lumibot sa mga kuweba, ang aming maliit na grupo ay nasiyahan sa pagkakamping at pag-akyat sa Guadalupe Mountains National Park sa timog-kanlurang Texas. Sa aming pag-akyat sa Guadalupe Peak, ang pinakamataas na lugar sa Texas na may taas na 2,666 na metro, napansin namin na napapalamutian ng ilang bakas na labí ang malalaking bato sa daanan. Ayon sa mga heologo, ang mga labí na ito ay naglalaan ng pahiwatig tungkol sa pinagmulan ng Carlsbad Caverns. Sa anong paraan?

Mahabang panahon na ang nakalilipas, waring nabuhay rito ang mga lumot, mga espongha, at mga mollusk. Ang buong rehiyon ay isang mainit-init na dagat sa gawing loob ng lupain. Ang korales, ang pangunahing suporta ng makabagong mga bahura (reef), ay waring bibihira na. Kabilang sa higit na kakaibang buhay-dagat ay ang naglaho nang mga trilobite at mga ammonoid. Marami sa mga ammonoid ang nakatira sa loob ng mga kabibi na malalaki, nakalikaw, at may maraming seksiyon na katulad niyaong sa nautilus na makikita sa ngayon. Lubha kaming natuwa na makita ang isa sa mga kabibing ito na nakabaon sa malaking bato sa daanan!

Lumilitaw na ang mga bahurang batong-apog ay nabuo habang ang mga labí ng buhay-dagat at ang iba pang mga samut-samot ay nagkapatung-patong at nagkadikit-dikit. Dahil bumaba ang sahig ng dagat, kumapal ang kabuuan ng bahura nang mahigit na 500 metro. Nang maglaon ay umurong ang dagat, at ang mga bahura ay nabaon nang malalim sa latak. Nang dakong huli, tumaas ang lupa, naagnas ang latak, at lumitaw ang mga bahura na parang mga bundok. Ngunit ano ang kinalaman ng mga pagbabagong ito sa pagkabuo ng Carlsbad Caverns?

Gas, Tubig, Hangin, at Asido

Habang dumaraan ang tubig-ulan sa hangin at lupa, ito’y bahagyang nagiging maasido dahil nahahaluan ito ng carbonic acid. Ang mahinang asidong ito ay maliwanag na siyang dahilan ng pagkabuo ng karamihan sa mga kuwebang batong-apog sa daigdig. Subalit ayon sa heologo na si Carol Hill, isang mas matapang na asido ang umuka sa mga kuweba ng Guadalupe Mountains.

Sinasabi ni Hill na ang gas na mayaman sa asupre ay namuo sa mga deposito ng langis sa mga bato sa ilalim ng mga bahurang batong-apog. Nang magsimulang umangat ang malalaking bato, nanuot ang gas sa mga bahura at humalo sa hangin at sa tubig na sariwa at may oksiheno na nasa ilalim ng lupa upang bumuo ng sulfuric acid. Tinunaw ng matapang na asidong ito ang malalaking bahagi ng batong-apog.

Habang tumataas ang mga bundok at bumababa naman ang tubig, unti-unting lumalim ang pagkauka ng mga kuweba. Sa Carlsbad Caverns, ang malalawak na puwang at lumaking mga bitak ay nagkadugtung-dugtong, anupat nabuo ang isang malaking laberinto. Mga 37 kilometro ng mga daanan dito ang nagawan na ng mapa. Ngunit hindi lamang ito ang mga silid sa ilalim ng lupa na nasa mga bundok na ito. Daan-daan pa ang umiiral. Ang kilalang pinakamalaking yungib ay ang Lechuguilla Cave, na may mahigit sa 160 kilometro ng dokumentadong mga daanan!

Mga Palamuti ng Kuweba

Sa aming unang pagpasok sa Carlsbad Caverns, sumakay kami sa isang elebeytor at pababa nang 225 metro, kung saan nakarating kami malapit sa Malaking Silid. Ang malaking guwang na ito ay sumasaklaw sa 6 na ektarya. Sa ilang lugar, ang pinakakisame nito ay umaabot sa 30 metro ang taas mula sa sahig. Ngunit ang nakatawag sa aming pansin ay ang sari-saring likas na palamuti ng kuweba sa lahat ng dako, na tinatanglawan ng mga nakatagong ilaw.

Ang mga palamuting ito ay tumutubo saanman sumisingaw ang tubig na pumapasok sa mga kuweba, anupat humahalo sa kisame ang apog na nasa tubig. Sa mga dako kung saan patuloy na tumutulo ang tubig mula sa iyon at iyon ding mga lugar sa kisame ng kuweba, ang makikitid na tubong hungkag ay tumubo roon nang pababa at umaabot nang mga dalawang metro. Ang mga soda straw na ito, na siyang tawag sa mga ito, ay maaaring magbara sa kalaunan at maging tulad-yelong mga stalactite. Nakabitin din sa ilang nakahilig na mga kisame ang paalun-along “mga kurtina” na nagpapaganda sa tulad-teatrong hitsura ng ilang silid sa kuweba.

Sa mga dako kung saan tumutulo ang tubig sa sahig, maaaring mamuo roon ang mga haligi at tumubo nang pataas. Ang mga stalagmite na ito ay maaaring umabot sa kisame sa kalaunan, anupat marahil ay humugpong sa isang stalactite upang bumuo ng isang haligi. Ang ilan sa mga stalagmite na nasa Bulwagan ng mga Higante ay tumubo sa taas na mahigit sa 18 metro! Kapag ang pumapatak na tubig ay tumulo sa maliliit na hukay, ang maliliit na mga piraso ng bato ay maaaring magkaroon ng pantay na balot ng makinis na apog, at ang resulta nito’y makikinang na mga perlas ng kuweba. Higit pang kakaibang mga palamuti ang namumuo sa ilang pagkakataon. Kabilang dito ang maseselan na mga kumpol ng kristal na kasintutulis ng karayom at gayundin ang nakapilipit at tulad-bulating mga tubo na tinatawag na mga helictite, na tumutubo sa iba’t ibang direksiyon.

Habang tinitingnan namin ang maraming naglalakihang stalactite, iniisip namin kung may panganib na bumagsak ang mga ito. Tiniyak sa amin ng aming guide na ang mga palamuting ito ng kuweba ay bihirang bumagsak. Umasa kami na sana’y totoo nga ito sa panahon ng aming pagdalaw!

Ang Kapaligiran sa Kuweba

Pagkatapos na masiyahang kumain sa isang mataas na dako, bumaba kami sa mga kuweba sa pamamagitan ng isang likas na pasukan ng mga ito​—isang napakaluwang na hukay. Napapalamutian ng mga larawan sa bato na iginuhit ng sinaunang mga Amerikanong Indian ang mga dingding ng lagusan.

Sa aming pagpasok, naamoy namin ang guwano (dumi) ng paniki. Napag-alaman namin na halos isang siglo na ang nakararaan, minimina noon ang guwano para gamiting pataba. Nang maglaon, isang sistema ng timba-at-kable na ginamit sa pagkuha ng guwano ang nagsilbing unang elebeytor na naghahatid sa mga turista papasok at palabas ng mga kuweba. Matatagpuan ang guwano sa isang pasukan sa gilid na tinatawag na Kuweba ng Paniki​—ang pantag-araw na tahanan ng isang milyong paniki. Kapag takipsilim, lumalabas ang libu-libong paniki mula sa pasukan ng kuweba.

Ipinaliwanag sa amin ng mga park ranger na lubhang maselan ang mga kuweba. Madaling masira at marumhan ang mga kuweba ng bumibisitang mga tao. Halimbawa, ang paghipo lamang sa mga palamuti ng kuweba ay maaaring mag-iwan ng langis sa ibabaw ng mga ito, anupat mapipigil ang patuloy na pagtubo ng mga ito at magdudulot ng pagkasira ng kulay. Dahil dito, nanatili kami sa itinalagang mga daanan at iniwasan ang paghawak sa mga namuong bato sa mga kuweba.

Nang papaalis na kami sa nakatago at kamangha-manghang tanawing ito, binalak naming bumalik upang makita ang mas marami pang bahagi ng mga kuweba. Gusto naming makita ang paglipad ng mga paniki​—mas matagal nang nasisiyahan ang mga ito sa mga kuweba kaysa sa mga taong bumibisita. Subalit ang mga taong nanggaling na sa mga kuwebang iyon ang siyang nakadarama ng namamalaging paghanga.​—Isinulat.

[Larawan sa pahina 26]

Itaas: Mga tulad-aranyang stalactite

[Larawan sa pahina 26]

Ibaba: Ginagalugad ang Malaking Silid

[Credit Line]

© Russ Finley/Finley-Holiday Films

[Picture Credit Line sa pahina 25]

© Russ Finley/Finley-Holiday Films

[Picture Credit Line sa pahina 26]

© Russ Finley/Finley-Holiday Films