Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Pinakamatalik na Kaibigan ng Tao?
Ang maliliit na bata na iniwang di-nababantayan kasama ng isang aso ay nanganganib na makagat, ayon sa isang ulat sa pahayagan sa Mexico City na El Universal. “Ang mga pagsalakay ay halos laging pinasisimulan ng bata, at ipinagtatanggol lamang ng aso ang sarili nito,” ang sabi ng ulat. Isang ospital sa Mexico ang gumamot ng 426 na bata dahil sa mga kagat ng aso sa nakaraang limang taon. Sa mga batang ito, 12 porsiyento ang permanenteng napinsala o nasira ang hitsura. Hinihimok ng ulat ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak ng pangunahing mga tuntunin hinggil sa lahat ng aso: Igalang ang mga laruan, bahay, at pinagkakainan ng mga ito; huwag lumapit sa isang aso kapag ito ay kumakain o natutulog; huwag hilahin ang buntot nito o tangkaing sakyan ito.
Ang Problema ng Hapon Hinggil sa Pagpapatiwakal
Marahil dahil sa kawalan ng pagsulong ng ekonomiya, “waring nawalan na ng layunin ang Hapon” at “hindi na tiyak ang direksiyon nito,” ang sabi ng maraming Hapones. Ang resulta ay isang “dekada ng napakaraming pagpapatiwakal,” ang ulat ng The New York Times. “Sa isang lipunan na ang karamihan ay pinakikilos ng hiya, ang di-karaniwang matataas na antas ng kawalan ng trabaho ay naging sanhi upang ang maraming kalalakihan ay masiphayo at magpagala-gala sa araw na nagkukunwang may mga trabahong kapaki-pakinabang sa pamamagitan ng pananatiling wala sa bahay sa buong maghapon.” Dahil sa balisa at nahihiya, binabalak ng ilan na magpatiwakal. “May kawalan ng pag-asa,” ang sabi ni Dr. Yukio Saito. “Walang pangarap ang mga tao para sa kinabukasan, at ang lahat ay waring bumabagsak. . . . Ang pagpapatiwakal ay tila naging isang epidemya.” Ang mga pagpapatiwakal sa riles ng tren ay lumilitaw na nagiging lalong popular. Sa pagtatangkang pigilin ang mga ito, pinintahan ng isang kompanya ng tren ang mga krosing nito ng matingkad na kulay luntian upang mabago ang kalagayan ng isip ng mga nagbabalak magpatiwakal, at naglagay sila ng mga salamin sa magkabilang ibayo ng riles sa mga dakong hintayan upang patigilin sandali at papag-isipin ang tatalon. Pinungusan din ng kompanya ang mga halaman upang hindi isipin ng sinuman na walang nakakakita sa kaniya. Gayunman, sinasabi ng mga eksperto na malibang umunlad ang kalagayan ng ekonomiya, mas malamang na mawawalan ng saysay ang mga pagsisikap na ito.
Pagtatalo at Pag-aasawa
Natuklasan ng isang bagong pagsusuri ni Andrew Christensen ng University of California sa Los Angeles na “ang mga mag-asawang hindi gaanong mapamuna at mas mapagparaya sa pagkakaiba ng isa’t isa ang may pinakamatatagumpay na pag-aasawa,” ang sabi ng magasing Time. Ang pagtatalo, sa kabilang banda, ay kadalasang nagbubunga lamang ng higit pang pagtatalo.
Pagkakaroon ng Sapat na Tulog
“Tayo ay isang nanganganib na lipunan dahil sa kakulangan ng tulog,” ang sabi ng sikologong si Stanley Coren ng University of British Columbia. Ang napakakaunting tulog ang isa sa sanhi ng nuklear na aksidente sa Three Mile Island at sa pagkakatapon ng langis mula sa Exxon Valdez. Ang pag-aantok ang siyang sanhi ng mahigit na 100,000 aksidente sa kotse taun-taon sa Hilagang Amerika, ang ulat ng magasin sa Canada na Maclean’s. Nagbababala ang espesyalista sa pagtulog na si Dr. William Dement ng Stanford University: “Talagang hindi naiintindihan ng mga tao kung gaano kahabang tulog ang kailangan nila.” Para sa mas mahimbing na pagtulog, iminumungkahi ng mga mananaliksik: Kumain ng hapunan nang hindi kukulangin sa tatlong oras bago matulog. Gawing regular ang oras ng pagtulog at paggising bawat araw. Huwag maglagay ng TV o computer sa silid-tulugan. Iwasan ang caffeine, inuming de-alkohol, at tabako. Magsuot ng medyas upang manatiling mainit ang iyong mga paa sa pagtulog. Maligo nang mainit-init na tubig bago matulog. Mag-ehersisyo araw-araw—ngunit hindi sa mga sandali bago matulog. Kahuli-hulihan, sinasabi ng Maclean’s: “Kung hindi ka makatulog, bumangon ka at gumawa ng kahit ano. Mahiga lamang kapag nadarama mong pagod ka na, at pagkatapos ay bumangon sa iyong regular na oras ng paggising.”
Pagpapanatiling Malinis ang Kusina
“Ang [karaniwang] bleach ang iyong pinakamahusay na depensa” laban sa mga mikrobyong nagdudulot ng sakit na nagkukubli sa isang abalang kusina, ang sabi ng pahayagan sa Canada na Vancouver Sun. Iminumungkahi ng ulat ang sumusunod: Araw-araw ay magtimpla ng tatlumpung mililitrong bleach at apat na litrong mainit-init, hindi mainit, na tubig. Pinangyayari ng mainit na tubig na sumingaw ang bleach. Ipamunas sa kusina ang timplang ito, na ginagamit ang malinis na basahan. Hayaang matuyo nang kusa ang kusina. Nakapapatay ng mas maraming mikrobyo kung hahayaan ang bleach hanggang sa matuyo ito. Hugasan ang mga pinggan sa tubig na mainit at may sabon, at pagkatapos ay isterilahin ang mga ito sa pamamagitan ng
pagbababad sa mga ito sa tinimplang bleach sa loob ng ilang minuto. Walang kemikal na latak ang matitira sa mga pinggan kapag natuyo na ang mga ito. Araw-araw, hugasan at i-bleach ang mga esponghang pangkusina, mga basahang pampinggan, at mga iskoba. At upang mabawasan ang panganib na marumihan ng iyong mga kamay ang pagkain, hugasang maigi ang mga ito, lalo na ang ilalim ng mga kuko.Mga Wikang Nanganganib na Maglaho
Ang Mexico ang siyang may pinakamaraming populasyon na nagsasalita ng katutubong mga wika sa mga lupain sa Amerika. Bukod dito, kasunod ng India at Tsina, ang Mexico ang siyang ikatlo sa daigdig na may pinakamaraming katutubong wika na sinasalita pa rin. Marami sa mga wikang ito ang naglalaho na, ulat ng pahayagang Ingles na The News sa Mexico. Ipinaliliwanag ni Rafael Tovar y de Teresa, direktor ng Council for Culture and the Arts, na sa wala pang 100 katutubong wika na sinasalita sa Mexico noong pagtatapos ng ika-19 na siglo, 62 na lamang ang nananatili. At 16 sa mga wikang ito ay sinasalita ng wala pang 1,000 indibiduwal. Ang isang ikinababahala ay na kapag naglaho ang mga wika, mawawala ang mga katutubong katawagan na pagkakakilanlan ng mga halaman, na ang resulta ay pagkawala ng kaalaman sa tradisyunal na mga gamit nito sa paggamot ng mga karamdaman.
Huwag Uminom at Lumangoy
Sa isang kamakailang taon lamang, karamihan sa mga pagkalunod sa Alemanya ay kinasasangkutan ng “labis na pag-inom ng inuming de-alkohol,” ang sabi ni Dr. Klaus Wilkens, presidente ng German Lifesaving Association. Ayon sa pangkalusugang newsletter na Apotheken Umschau, 477 aksidente sa pagkalunod ang naganap sa mga ilog, mga sapa, at mga lawa ng Alemanya noong 1998. Ang kombinasyon ng pag-inom ng inuming de-alkohol at paglangoy ay mapanganib dahil maaaring pahinain ng alkohol ang koordinasyon at ang mga pagkilos ng mga kalamnan ng katawan at maaaring magpangyari na lumabis ang iyong pagtantiya sa iyong mga kakayahan. Kaya, nagbababala ang mga lifeguard: ‘Huwag uminom at lumangoy!’
Binayaran Upang Pumatay ng mga Insekto
Pinasimulan ng kagawarang pangkagubatan ng Uttar Pradesh State sa India ang isang kampanya sa pagpatay ng insekto dahil sa pagsisikap na mahadlangan ang may-pakpak na mga insektong isang pulgada ang haba, na tinatawag na hoplo, mula sa pagsira sa isang kagubatan ng humigit-kumulang 650,000 punong sal, ang ulat ng The Times of India. Dahil sa dumami kamakailan ang bilang ng mga insekto, ang mismong pag-iral ng ganitong uri ng puno ay nanganganib. Binubutas ng mga insekto ang balat at mga sanga, na nagiging sanhi ng panunuyo at pagkamatay ng mga puno. Ginagamit ng kagawarang pangkagubatan ang pamamaraang “trap tree” upang hulihin ang mga insekto. Ikinakalat ang mga piraso ng balat na mula sa murang punong sal sa lugar na doo’y natagpuan ang mga insekto. Ang likidong lumalabas mula sa mga pirasong ito ay umaakit at nakapagpapalango sa mga insekto, anupat nagiging mas madaling mahuli ang mga ito. Ang mga batang tagaroon ay inupahan upang gawin iyon, at binabayaran sila ng 75 paisa (mga dalawang cent) bawat insekto.
Kapanglawang Dulot ng Pagreretiro
Ang maagang pagreretiro ay maaaring magdulot ng ilang bentaha, ngunit maaari rin itong magdulot ng matinding pasakit sa damdamin. Iniuulat ng Diário de Pernambuco ng Brazil na inirereklamo ng mga dating empleado ng pamahalaan ang mga problema na dito’y saklaw ang ‘kawalang-kasiyahan, pagkamayayamutin, kawalan ng katiwasayan, at pagkadama ng kawalan ng pagkakakilanlan hanggang sa panlulumo at sa pagkadama na gumuguho ang kanilang daigdig.’ Ayon sa geriatrician na si Guido Schachnik, “pangkaraniwan sa mga lalaki na maagang nagreretiro na bumaling sa pag-inom at sa mga babae naman ay ang pagdepende sa gamot.” Yaong mga nag-iisip na huminto sa kanilang pagtatrabaho ay dapat “umiwas sa utang, muling gamitin ang mga kakayahan sa ibang gawain, at humiling ng payo upang huwag mabaon sa napakalaking pagkakautang,” ang sabi ng sikologong si Graça Santos.
Ang AIDS at ang Agrikultura sa Zambia
Ang pagkamabunga ng agrikultura sa Zambia ay nahahadlangan ng mabilis na pagkalat ng AIDS doon. Sinabi ng pahayagang Zambia Daily Mail na ang isa sa pinakamahalagang yaman ng agrikultura ay ang pagpapagal ng mga magsasaka at ng kanilang mga katulong. Subalit karamihan sa mga manggagawang ito ay nauubos dahil sa AIDS. “Kapag namamatay ang mga magsasaka, nababawasan ang pagtatrabaho sa mga bukirin at nagbubunga ito ng biglang pagbaba ng antas ng produksiyon. Naaapektuhan nito ang seguridad sa pagkain ng sambahayan, anupat humahantong ito sa paglala ng antas ng karukhaan,” ang ulat ng Daily Mail. Ayon kay Daniel Mbepa, administrador ng distrito ng Mansa sa Zambia, ang solusyon ay na makipagtalik lamang ang mga magsasaka sa kani-kaniyang mga asawa. Sinabi niya: “Sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mabuting moral, maaaring masugpo ang problema sa AIDS.”