MARSO 29, 2021
RUSSIA
Sister Irina Lokhvitskaya, Matatag Kahit Sinampahan ng Kasong Kriminal
UPDATE | Apela, Ibinasura ng Korte sa Russia
Noong Nobyembre 16, 2021, ibinasura ng Court of the Jewish Autonomous Region ang apela ni Sister Irina Lokhvitskaya. Matutuloy ang sentensiya sa kaniya. Hindi siya kailangang makulong sa ngayon.
Noong Hulyo 19, 2021, hinatulang nagkasala ng Birobidzhan District Court of the Jewish Autonomous Region si Sister Lokhvitskaya at pinatawan ng dalawa-at-kalahating-taóng suspended prison sentence.
Profile
Irina Lokhvitskaya
Ipinanganak: 1962 (Izvestkovyi, Jewish Autonomous Region)
Maikling Impormasyon: Namatay ang tatay niya noong anim na taóng gulang siya. Noong bata siya, aktibo siya sa pagsasayaw at sa teatro. Mahilig siyang mag-knit, mag-basketball, at mag-volleyball
Malapít sa puso niya ang pag-asang pagkabuhay-muli. Nabautismuhan siya bilang isang Saksi ni Jehova noong 1993. Pitong buwan matapos ang bautismo niya, namatay ang asawa niya, at naiwan sa pangangalaga niya ang kaniyang pitong-taóng-gulang na anak, si Artur
Kaso
Noong Pebrero 6, 2020, isa si Sister Irina Lokhvitskaya sa anim na sister na kinasuhan ng mga awtoridad sa Birobidzhan, Russia dahil sa “ekstremistang” gawain. May kabuoang 19 na kasong isinampa laban sa 22 Saksi sa rehiyong iyon, kasama na ang anak ni Irina na si Artur, at ang asawa nitong si Anna.
Hindi pinayagan ng korte na dumalo sa paglilitis ang publiko, pati na ang media at mga kamag-anak. Ipinagkait ang kahilingan ni Irina na payagan ang mga ito sa paglilitis at ibalik ang kaso sa prosecutor.
Pinanghinaan ng loob si Irina at naapektuhan ang kaniyang kalusugan dahil sa imbestigasyon at paglilitis. Pero nakatulong sa kaniya ang pagiging malapít kay Jehova. Sinabi niya: “Tinulungan ako ni Jehova na magkaroon ng espirituwal na rutin. Hindi lang basta pagbabasa ng Bibliya, kundi pagre-research para talagang maintindihan ko ang binabasa ko.” Kapag nag-aalala siya at hindi siya nakakapagbasa ng Bibliya, humihingi siya ng tulong kay Jehova. Sabi niya: “Nananalangin ako, pagkatapos, sinisikap kong ibalik ang rutin ko. Tinuruan ako ni Jehova na huwag lang isipin ang sarili ko kundi ang iba.”
Nagpokus si Irina sa mga higit na nangangailangan ng tulong at pampatibay. Kasama rito ang mga taong interesado at ang kaniyang Kristiyanong mga kapatid. Sinabi niya: “Kapag iniisip mo ang iba, wala kang panahong maawa sa sarili mo o labis-labis na mag-alala.”
Pinatibay rin ng kongregasyon si Irina, lalo na ng mga elder. Sabi niya: “Kahit na pinag-uusig din sila, pinapatibay nila ako, at lagi silang nakakahanap ng tamang salita na nagpapalakas sa akin. Lagi silang nandiyan kapag kailangan ko sila, na labis kong ipinagpapasalamat.”
Nagtitiwala tayo na habang patuloy na tinitiis ni Irina ang pag-uusig, ilalaan ni Jehova ang lahat ng kailangan niya. Sabi niya: “Kapag nakakabasa ako noon ng tungkol sa pag-uusig, lagi kong iniisip kung ano ang gagawin ko kapag ako na ang nasa gayong sitwasyon. Magtitiwala kaya ako kay Jehova? Ngayon alam ko na ang sagot. Siyempre, sa tulong niya, magtitiwala ako sa kaniya. Gaya ng lahat ng tapat na lingkod ni Jehova, maninindigan akong tapat at aalalayan ako ni Jehova ng kaniyang kanang kamay.”—Isaias 41:10.