MAYO 1, 2025
RUSSIA
Pinalaya si Brother Nikolay Voishchev mula sa bilangguan. Maliit na larawan: Sinalubong si Nikolay ng mga kaibigan niya
Pinalaya Mula sa Bilangguan sa Russia si Brother Nikolay Voishchev
Noong Abril 28, 2025, pinalaya mula sa bilangguan sa Russia sa lunsod ng Almetyevsk si Brother Nikolay Voishchev. Nasentensiyahan siyang mabilanggo nang tatlong taon noong Setyembre 14, 2023. Dahil nabilanggo na siya nang mahigit 10 buwan bago lumabas ang desisyon ng korte, nakumpleto na niya ang sentensiya sa kaniya.
Bago maaresto si Nikolay, may nakitang tumor sa kaniya. Madalas ding sumakit ang ulo niya dahil sa isang dating head injury. Lumala pa ang sakit niya dahil sa di-magandang kalagayan sa bilangguan at dahil hindi siya nakakapagpagamot. Ngayong pinalaya na siya, makakatanggap na si Nikolay ng paggamot na kailangan niya.
Biyudo na si Nikolay, at sa ibang bansa nakatira ang anak niyang lalaki. Pero hindi nadama ni Nikolay na nag-iisa siya sa mahirap na panahong iyon. Sa huling pahayag niya sa korte, ipinaliwanag niya kung ano ang nakatulong sa kaniya: “Nagpapasalamat ako sa aking Diyos, si Jehova, na tumulong sa akin para matiis ko ang mahirap na kalagayang ito.” Sinabi pa niya: “Sa mga kaibigan ko na dumadalo sa mga pagdinig ko, tinupad ninyo ang nasa Kawikaan 17:17: ‘Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.’ Nakakapagpatibay makita ang inyong mga ngiti at marinig ang inyong tinig. Ipinapaalala nito sa akin na hindi ako nag-iisa. Maraming, maraming salamat sa inyo.”
Masaya tayong pinalaya na si Nikolay, at nagpapasalamat tayo sa pag-ibig at suportang tinanggap niya. Makatulong sana sa atin ang halimbawa ni Nikolay para ‘maihayag natin ang salita ng Diyos nang walang takot.’—Filipos 1:14.