MAYO 12, 2025
PORTUGAL
Sa nakalipas na 100 taon, natulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao sa Portugal na matuto tungkol sa Bibliya
Ika-100 Taon ng Pagtuturo ng Bibliya ng mga Saksi ni Jehova sa Portugal
Patalastas sa diyaryo noong Mayo 1925 na nag-aanyaya sa mga tao na dumalo sa salig-Bibliyang pahayag ni Brother Rutherford sa Lisbon
Noong pasimula ng 1925, dumating si Brother George Young sa Portugal at ipinangaral ang mensahe ng Bibliya. Ito ang unang pagkakataon na narinig sa bansang iyon ang mabuting balita. Pagkatapos, noong Mayo 13, ipinahayag ni Brother J. F. Rutherford ang salig-Bibliyang paksa na “How to Live on the Earth Forever.” Ipinatalastas ito sa mga diyaryo, kaya mga 2,000 ang nagtipon sa awditoryum ng Luís de Camões High School sa Lisbon para makinig sa pahayag. Mga 2,000 rin ang hindi na nakapasok sa awditoryum dahil punô na ito. Pagkatapos ng pahayag, marami ang gusto pang matuto tungkol sa Bibliya at nagsimulang maglingkod kay Jehova. Nang taon ding iyon, inilathala ang unang edisyon ng The Watch Tower sa wikang Portuguese (Portugal) at nagkaroon ng tanggapang pansangay sa Lisbon. Pero, maraming pagsubok na hinarap ang mga kapatid pagkatapos nito.
Noong 1926, isang diktadura ang namahala sa Portugal. Hinadlangan nito ang pagsisikap ng sangay na legal na kilalanin sa bansa ang gawain nating pangangaral at pagtuturo. Pero lakas-loob na nagpatuloy sa pangangaral ang mga kapatid natin. Lumala ang kalagayan noong Marso 1961. Dahil sa pag-aaklas sa Angola, na kolonya ng Portugal noon, pinag-usig ang mga kabataang brother sa Portugal dahil sa pananatiling neutral. Marami sa kanila ang inaresto at pinagmalupitan dahil tumanggi silang magsundalo. Sinabi ni Brother David Mota, na ibinilanggo dahil sa pagtangging magsundalo: “Kahit na pinagmalupitan ako dahil sa paniniwala ko, naging makabuluhan at masaya pa rin ang buhay ko dahil bahagi ako ng organisasyon ni Jehova.”
Sa wakas, noong 1974, kinilala na ng gobyerno ng Portugal ang mga Saksi ni Jehova, kaya mas malaya na nilang naibabahagi sa iba ang mensahe ng Bibliya. Pagkatapos, noong Hunyo 22, 2009, kinilala ng gobyerno ang mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyosong grupo na matagal nang nakatatag at binigyan sila ng pinakamataas na antas ng pagkilala na puwedeng tanggapin ng isang relihiyon sa Portugal. Ganito ang sinabi ng 75-anyos na si Brother Carlos Reixa: “Tuwang-tuwa akong makita ang laki ng pagsulong ng gawain sa Portugal. Noong 1961, nasa 1,000 lang ang mamamahayag sa bansa. Ngayon, mahigit 57,000 na!”
Dalawa sa mahigit 57,000 kapatid na nangangaral ng mabuting balita sa Portugal ngayon
Kitang-kita natin ang pag-ibig at suporta ni Jehova sa mga kapatid natin sa Portugal sa nakalipas na 100 taon. Patunay lang ito na walang makakahadlang kay Jehova na ‘paluwangin ang kaniyang tolda.’—Isaias 54:2.