Josue 2:1-24

2  At si Josue na anak ni Nun ay palihim na nagsugo ng dalawang lalaki mula sa Sitim+ bilang mga espiya. Sinabi niya sa kanila: “Umalis kayo at manmanan ninyo ang lupain, lalo na ang Jerico.” Kaya umalis sila at nakarating sa bahay ng isang babaeng bayaran na ang pangalan ay Rahab,+ at nanatili sila roon.  May nagsabi sa hari ng Jerico: “May mga lalaking Israelita na dumating ngayong gabi para manmanan ang lupain.”  Kaya ipinasabi ng hari ng Jerico kay Rahab: “Ilabas mo ang mga lalaking dumating at tumutuloy sa bahay mo, dahil nandito sila para manmanan ang buong lupain.”  Pero itinago ng babae ang dalawang lalaki. At sinabi niya: “Oo, pumunta rito ang mga lalaki, pero hindi ko alam kung saan sila galing.  At nang madilim na, bago magsara ang pintuang-daan ng lunsod, umalis ang mga lalaki. Hindi ko alam kung saan sila nagpunta, pero kung hahabulin ninyo sila ngayon, maaabutan pa ninyo sila.”  (Pero pinaakyat niya sila sa bubong at itinago sa mga tangkay ng lino na nakasalansan doon.)  Kaya hinabol sila ng mga lalaki papunta sa Jordan sa may mga tawiran nito,+ at agad na isinara ang pintuang-daan ng lunsod pagkalabas ng mga humahabol.  Bago makatulog ang mga lalaki, pinuntahan sila ni Rahab sa bubong.  Sinabi niya sa kanila: “Alam kong ibibigay sa inyo ni Jehova ang lupain.+ Takot na takot kami sa inyo.+ Ang lahat ng nakatira sa lupain ay pinanghihinaan ng loob dahil sa inyo.+ 10  Narinig namin kung paano tinuyo ni Jehova ang tubig ng Dagat na Pula sa harap ninyo nang lumabas kayo mula sa Ehipto,+ at kung ano ang ginawa ninyo sa dalawang hari ng mga Amorita na sina Sihon+ at Og,+ na pinuksa ninyo sa kabilang ibayo* ng Jordan. 11  Nang mabalitaan namin iyon, natakot kami,* at walang isa man ang may lakas ng loob* na lumaban sa inyo, dahil si Jehova na inyong Diyos ay Diyos sa langit at sa lupa.+ 12  Ngayon, pakisuyo, sumumpa kayo sa akin sa harap ni Jehova na dahil nagpakita ako sa inyo ng tapat na pag-ibig, magpapakita rin kayo ng tapat na pag-ibig sa sambahayan ng aking ama, at bigyan ninyo ako ng garantiya.* 13  Iligtas ninyo ang aking ama at ina, ang aking mga kapatid na lalaki at babae, at ang lahat ng nasa sambahayan nila. Iligtas ninyo kami* sa kamatayan.”+ 14  Sinabi sa kaniya ng mga lalaki: “Ibibigay namin ang buhay* namin para sa iyo! Kung ililihim mo ang misyon namin, magpapakita kami sa iyo ng tapat na pag-ibig at katapatan kapag ibinigay na sa amin ni Jehova ang lupain.” 15  Pagkatapos, pinababa niya sila sa bintana gamit ang isang lubid, dahil ang bahay niya ay nasa gilid ng pader ng lunsod. Sa katunayan, ang tinitirhan niya ay nasa bandang itaas ng pader.+ 16  At sinabi niya sa kanila: “Pumunta kayo sa kabundukan at magtago roon nang tatlong araw para hindi kayo makita ng mga humahabol sa inyo. Pagbalik nila rito, saka kayo umalis.” 17  Sinabi sa kaniya ng mga lalaki: “Tutuparin namin ang panatang ipinasumpa mo sa amin+ at mananatiling malinis ang konsensiya namin. 18  Basta’t pagdating namin sa lupain ay itatali mo sa bintana ang pulang lubid na ipinagamit mo sa amin para makababa kami. Dapat mong tipunin sa loob ng bahay mo ang iyong ama, ina, mga kapatid, at ang buong sambahayan ng iyong ama.+ 19  Kung may sinumang lumabas ng bahay mo at mapatay, siya ang may kasalanan sa pagkamatay niya at hindi kami mananagot doon. Pero kung may masamang mangyari* sa sinumang nasa loob ng bahay mo, kami ang mananagot. 20  Pero kapag sinabi mo sa iba ang misyon namin,+ mababale-wala ang panatang ipinasumpa mo sa amin.” 21  Sinabi naman niya: “Pumapayag ako sa sinabi ninyo.” Saka niya sila pinaalis. Pagkatapos, itinali niya sa bintana ang pulang lubid. 22  Pumunta ang mga espiya sa kabundukan at nanatili roon nang tatlong araw hanggang sa makabalik sa lunsod ang mga humahabol sa kanila. Hinanap sila ng mga ito sa lahat ng daan pero hindi sila nakita. 23  At ang dalawang lalaki ay bumaba mula sa kabundukan at tumawid sa ilog at pumunta kay Josue na anak ni Nun. Iniulat nila sa kaniya ang lahat ng nangyari sa kanila. 24  Pagkatapos, sinabi nila kay Josue: “Ibinigay na ni Jehova sa atin ang buong lupain.+ Sa katunayan, pinanghihinaan ng loob ang lahat ng nakatira sa lupain dahil sa atin.”+

Talababa

Sa silangan.
Lit., “natunaw ang puso namin.”
Lit., “may espiritu.”
O “mapananaligang tanda.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “kung may manakit.”

Study Notes

Media