Ang Problema sa Relihiyon
Ang Problema sa Relihiyon
KUNG ang relihiyon ang pangunahing dahilan ng mga alitan, ipinahihiwatig nito na walang gaanong digmaan kung walang relihiyon. Makatuwiran ba iyan? Kung walang relihiyon, mawawala na kaya ang digmaan? Anuman ang sagot mo, isang bagay ang di-maitatanggi: Hindi napagkaisa ng relihiyon ang sangkatauhan. Pansinin ang ilan sa mga dahilan.
Pagkakabaha-bahagi Dahil sa Relihiyon
Ang mga tao ay nababaha-bahagi ng relihiyon. At ang mga pangunahing relihiyon ay walang-tigil sa pag-aalitan. Magkakaroon pa kaya ng kapayapaan sa pagitan ng mga Budista, Kristiyano, Hindu, Judio, at Muslim?
Nakalulungkot rin ang pagkakawatak-watak sa loob mismo ng bawat pangunahing relihiyon. Halimbawa, ayon sa isang pagtaya, ang Sangkakristiyanuhan ay may mahigit sa 30,000 denominasyon. Nababahagi rin ang Islam ng magkakaibang paniniwala. Ayon sa isang ahensiya sa pagbabalita sa Gitnang Silangan, inamin kamakailan ng Muslim na iskolar na si Mohsen Hojjat na ang “di-pagkakaisa ng mga Muslim ang ugat ng mga problema sa mga bansang Muslim.” Nababaha-bahagi rin sa maraming nagkakasalungatang sekta ang ibang maimpluwensiyang relihiyon gaya ng Budismo, Hinduismo, at Judaismo.
Panghihimasok ng Relihiyon sa Pulitika
Makikita ang impluwensiya ng relihiyon sa halos lahat ng aspekto ng buhay ng tao. Napansin ng magasing The Economist na “mas naririnig ngayon ang panig ng relihiyon sa lahat ng larangan, pati na sa komersiyo. Makikita na rin ang impluwensiya ng relihiyon sa ekonomiya.” Nauwi ito sa pagkakawatak-watak ng mga tao, sa halip na pagkakaisa. Pero mas malala pa ang epekto ng matagal nang panghihimasok ng relihiyon sa pulitika.
Sa isang ulat kamakailan na binanggit sa naunang artikulo, isang grupo ng istoryador ang nagsabi na “ang relihiyon ay malamang na maging dahilan ng digmaan kapag ito ay nakipag-alyado sa gobyerno.” Ipinahihiwatig nito ang isa pang di-matututulang katotohanan: Hanggang sa ngayon, ang relihiyon ay laging sangkot sa pulitika at militar.
Mapanganib na Tambalan
Sa maraming bansa, ang pangunahing mga relihiyon ay naging simbolo ng pagiging makabayan at makalahi. Dahil dito, halos hindi na makita ang pagkakaiba ng alitan sa pagitan ng mga bansa, lahi, tribo, at mga relihiyon. Kapag nagkasabay-sabay ang mga ito, kaya nitong ibagsak ang daigdig.
Ang kakatwa sa lahat ng ito ay na karamihan sa mga relihiyon ay nag-aangking kumakatawan sa Diyos ng Bibliya, ang Maylalang. Makatuwiran bang sabihin na ang isang makapangyarihan-sa-lahat, marunong-sa-lahat, at maibiging Maylalang ay may kinalaman sa pagkakabaha-bahagi at pagkakasala sa dugo ng mga relihiyon?
[Larawan sa pahina 6]
Libu-libong Saksi ni Jehova ang nakulong dahil sa pagiging neutral