Ang Pangmalas ng Bibliya
Magkasalungat ba ang Pananampalataya at Katuwiran?
“ANG pananampalataya ay salungat sa katuwiran,” ang isinulat ng Britanong pilosopo na si A. C. Grayling. Makikita sa sinabi niya ang nadama ng napakaraming manunulat at pilosopo sa nagdaang mga siglo na nagsabing magkasalungat ang pananampalataya at katuwiran.
Talaga namang may ilang relihiyosong paniniwala na malayung-malayo sa katuwiran. Pero pag-isipan ito: Maraming pinanghahawakang paniniwala tungkol sa siyensiya ang napatunayang mali. Pero ibig bang sabihin nito na mali o hindi makatuwiran ang lahat ng paniniwala tungkol sa siyensiya? Ganiyan din naman pagdating sa mga relihiyosong paniniwala. Sa katunayan, ang pananampalatayang binabanggit sa Bibliya ay lubusang nakasalig sa kaalaman at matinong pangangatuwiran. Habang sinusuri mo ang mga katibayan, makikita mo na hindi magkasalungat ang tunay na pananampalataya at katuwiran.
Pananampalatayang Lubusang Nakasalig sa Katuwiran
Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na para maging “kaayaaya sa Diyos” ang iyong pagsamba, kailangang ito’y “isang sagradong paglilingkod taglay ang [iyong] kakayahan sa pangangatuwiran.” Sa ibang salita, dapat na ang pagsamba natin sa Diyos ay “pagsamba ng taong may isip.” (Roma 12:1; Biblia ng Sambayanang Pilipino) Kaya ang pananampalatayang inilalarawan sa Bibliya ay hindi pagbubulag-bulagan sa katotohanan at katuwiran. Sa halip, ito’y pananampalatayang pinag-isipan nang husto—na ang resulta ay tiwala sa Diyos at sa kaniyang Salita, na lubusang nakasalig sa katuwiran.
Siyempre pa, para makapangatuwiran ka nang tama, kailangan mo ng wastong impormasyon. Kahit ang pinakamahuhusay na computer program na dinisenyo batay sa lohika ay magkakamali kung hindi tama ang impormasyong ipapasok dito. Sa katulad na paraan, ang kalidad ng pananampalataya mo ay nakadepende nang malaki sa iyong napakinggan o kung mapagkakatiwalaan ang impormasyong ipinapasok mo sa iyong isip. Kaya naman, sinabi ng Bibliya na ang “pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig.”—Roma 10:17.
Ang isang napakahalagang kahilingan para magkaroon ng pananampalataya ay ang “tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Tanging “ang katotohanan,” sabi ng Bibliya, ang “magpapalaya sa inyo,” mula sa maling paniniwala, sa siyensiya man o relihiyon. (Juan 8:32) Nagbababala ang Bibliya na huwag basta maniwala “sa bawat salita.” (Kawikaan 14:15) Sa halip, sinasabi nito na “tiyakin [mo] ang lahat ng bagay,” o ang mga naririnig mo, bago ka maniwala. (1 Tesalonica 5:21) Bakit dapat kang magsaliksik at tiyakin ang iyong paniniwala? Dahil ang pananampalatayang salig sa kasinungalingan ay mali. Sa pagkakaroon ng wastong pananampalataya, magandang tularan ang ilang taga-sinaunang lunsod ng Berea na mararangal ang pag-iisip. Bagaman talagang gustong paniwalaan ng mga taong ito ang itinuro sa kanila ng mga misyonerong Kristiyano, “maingat [nilang] sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.”—Gawa 17:11.
Kung Paano Ka Magkakaroon ng Pananampalataya sa Bibliya
Paano kung nag-aalinlangan ka sa kredibilidad ng Bibliya? Paano ka makapagtitiwala na ito’y pinagmumulan ng tumpak na kaalaman? Paano ka ba magkakaroon ng tiwala sa ibang tao? Hindi ba kinikilala mo muna sila—inoobserbahan mo *
kung paano sila gumagawi at kung ano ang resulta ng kanilang mga ginagawa? Ganiyan din ang gawin mo pagdating sa Bibliya.Sinasabi ng Bibliya na ang tunay na pananampalataya ay “ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Maliwanag, ang isang tao na may tunay na pananampalataya ay hindi basta-basta naniniwala, kundi ibinabatay niya ang kaniyang paniniwala sa maingat na pagsusuri sa lahat ng makukuhang impormasyon. Kung mangangatuwiran ka batay sa mga impormasyong ito, makukumbinsi ka na totoo kahit ang mga bagay na hindi nakikita.
Pero paano kung ang natututuhan mo ay salungat sa matagal mo nang pinaniniwalaan? Dapat mo bang balewalain na lang iyon? Siyempre hindi. May mga pagkakataong dapat mong isaalang-alang ang isang matibay na ebidensiya kahit tila salungat ito sa iyong paniniwala. Ayon sa Bibliya, nangangako ang Diyos na bibigyan niya ng kaalaman, kaunawaan, at kakayahang mag-isip ang mga taimtim na naghahanap ng katotohanan.—Kawikaan 2:1-12.
Ang pananampalatayang batay sa mga turo ng Bibliya ay kasuwato ng katuwiran. Kumusta naman ang pananampalataya mo? “Minana” lang ng maraming tao ang kanilang relihiyon at hindi pa nila nasuri kung makatuwiran nga ito. Pero hindi naman masamang suriin ang iyong paniniwala para ‘mapatunayan mo sa iyong sarili’ kung kasuwato ng Salita ng Diyos ang iyong pag-iisip. (Roma 12:2) Hinihimok tayo ng Bibliya na “subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.” (1 Juan 4:1) Kung gagawin mo iyan, kahit may kumuwestiyon sa paniniwala mo, ‘maipagtatanggol mo ito sa harap ng bawat isa na humihingi sa iyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa iyo.’—1 Pedro 3:15.
[Talababa]
^ par. 10 Kung gusto mong makakuha ng mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa Bibliya, maaari kang sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Ipinagbabawal ba ng Bibliya ang paggamit ng kakayahan sa pangangatuwiran?—Roma 12:1, 2.
● Anong uri ng kaalaman ang kailangan mo para magkaroon ng tunay na pananampalataya?—1 Timoteo 2:4.
● Ano ang matututuhan natin sa kahulugang ibinigay ng Bibliya tungkol sa pananampalataya?—Hebreo 11:1.
[Blurb sa pahina 29]
Ginagantimpalaan ng Diyos ang masikap na naghahanap ng katotohanan