Kilalanin ang Mausyosong Coati
Kilalanin ang Mausyosong Coati
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL
NAGLALAKAD-LAKAD ka sa kakahuyan nang mapansin mong may isang grupo ng mga coati na papalapit sa iyo. Kinabahan ka dahil baka manakit sila. Huwag kang matakot! Bagaman kilaláng nangangagat ang mga coati, gusto lamang tingnan ng maliliit at mausyosong mga hayop na ito ang laman ng iyong bag. Laging naghahanap ng makakain ang mga coati. Sa katunayan, kinakain nila ang halos anumang makikita nila, kabilang na ang mga uod, butiki, gagamba, daga, prutas, at maging mga itlog ng ibon.
Ang coati ay kapamilya ng raccoon, pero mas mahaba ang katawan at buntot nito at mayroon itong mahaba at malambot na nguso. Ang katawan ng tropikal na mamalyang ito sa Amerika ay may habang 66 na sentimetro, at halos ganoon din kahaba ang buntot nito. Karaniwan nang makikita ang mga coati sa timog-kanlurang Estados Unidos hanggang sa hilagang Argentina.
Ang mga babaing coati ay gumagala nang grupu-grupo na binubuo ng hanggang 20, samantalang ang mga lalaking coati naman ay mapag-isa. Taun-taon sa panahon ng pagpaparami, sumasama sa isang grupo ng mga babaing coati ang isang lalaking coati. Pagkalipas ng pito hanggang walong linggo, humihiwalay sa grupo ang mga buntis na coati para gumawa ng mga pugad sa puno. Tatlo hanggang apat ang nagiging anak ng bawat isa sa mga ito. Mga anim na linggo pagkapanganak, ang bagong mga ina—kasama ang kanilang mga anak—ay muling sumasama sa grupo. Ang mga bagong-silang na coati ay parang maliliit at mabalahibong bola na pagiwang-giwang.
Habang gumagala sa kakahuyan ang mga coati, patuloy nilang inaamoy ang hangin at kinakalkal ang lupa. Hindi natutuwa ang mga magsasaka kapag nakikita sila, yamang kayang-kaya nilang sirain ang mga taniman ng mais at kulungan ng manok. Kapag hinuhuli, marunong tumakas ang mga coati. Ang mapamaraan at maliliit na nilalang na ito ay tumatakas patungo sa kanilang mga taguan—ang mga puno. May isa pa silang paraan ng pagtakas. Kapag nakarinig sila ng putok ng baril o ng palakpak, agad silang bumubulagta at nagkukunwang patay! Pero kapag malapit na ang mangangaso para hulihin sila, wala na ang mga coati!
Sa susunod na bumisita ka sa Brazil, baka may makita kang isang grupo ng mga coati. Kung sakaling makasalubong mo sila, huwag kang matakot. Malamang na hindi ka nila sasaktan. Pero tiyak na ayos lang sa kanila kung hahagisan mo sila ng pagkain!