Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Nagdisenyo ba Nito?

Ang Iyong Panlasa

Ang Iyong Panlasa

◼ Pagkasubo mo ng iyong paboritong pagkain, agad mo itong nalalasahan. Paano nangyayari ang kamangha-manghang prosesong ito?

Pag-isipan ito: Ang iyong dila​—pati na ang ibang bahagi ng iyong bibig at lalamunan​—ay may mga grupo ng mga selula ng balat na tinatawag na mga taste bud. Marami sa mga ito ay makikita sa loob ng mga papilla na nasa ibabaw ng dila. Bawat taste bud ay may mga selulang panlasa na umaabot nang hanggang isang daan. Ang bawat isa sa mga ito ay nakakakilala ng apat na uri ng lasa​—maasim, maalat, matamis, o mapait. a Ibang kategorya naman ang maanghang. Hindi ito nalalasahan ng mga taste bud. Sa halip, nadarama ito ng mga selulang pandama ng kirot! Magkagayunman, ang mga selulang panlasa ay konektado sa mga nerbiyong pandamdam, na kapag napukaw na ng mga kemikal sa pagkain ay agad na nagpapadala ng signal sa ibabang bahagi ng utak.

Gayunman, nakalalasa tayo hindi lamang sa pamamagitan ng ating bibig. Ang limang milyong selulang pang-amoy na nasa iyong ilong​—na siyang dahilan kung kaya nakaaamoy ka ng mga 10,000 iba’t ibang amoy​—ay napakahalaga sa iyong kakayahang makalasa. Tinatayang mga 75 porsiyento ng sinasabi nating nalalasahan natin ay, sa katunayan, naaamoy lamang natin.

Nakagawa ang mga siyentipiko ng elektrokemikal na ilong na may mga sensor para sa kemikal na gas, at ginagamit ito bilang artipisyal na makinang pang-amoy. Gayunpaman, sinabi ng neurophysiologist na si John Kauer, na sinipi sa Research/Penn State: “Anumang artipisyal na kagamitang kinopya ng tao mula sa kalikasan ay napakasimple lang kung ihahambing sa orihinal, na talagang masalimuot at napakaganda ang pagkakadisenyo.”

Sasang-ayon ang lahat na dahil sa panlasa ay nagiging kasiya-siya ang pagkain. Pero palaisipan pa rin sa mga mananaliksik kung bakit mas gusto ng mga tao ang isang uri ng lasa kaysa sa iba. “Bagaman maaaring alam na ng mga siyentipiko ang marami sa pangunahing detalye tungkol sa ating katawan,” ang sabi ng Science Daily, “hindi pa rin nila lubusang maunawaan ang tungkol sa ating panlasa at pang-amoy.”

Ano sa palagay mo? Nagkataon lamang ba na mayroon kang panlasa, o may nagdisenyo nito?

[Talababa]

a Nitong nakalipas na mga taon, idinagdag ng mga siyentipiko sa listahan ang umami. Tumutukoy ito sa naiibang mga asin ng glutamic acid. Ang isa sa mga ito ay ang pampalasang monosodium glutamate.

[Dayagram/​Larawan sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Kros-seksiyon ng dila

[Dayagram]

Mga papilla

[Credit Line]

© Dr. John D. Cunningham/Visuals Unlimited