Ang Taong ‘Nagpakilos sa Lupa’
Ang Taong ‘Nagpakilos sa Lupa’
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Poland
“May ilang ‘walang magawa kundi dumaldal’ ang nangangahas na humatol, bagaman walang kaalam-alam sa matematika, at kung sa pamamagitan ng lantarang pagpilipit sa diwa ng ilang bahagi ng Banal na Kasulatan upang itugma sa kanilang ideya, naglalakas-loob silang pintasan at libakin ang aking akda; hindi ako gaanong nababahala sa kanila anupat kukutyain ko pa nga bilang kapangahasan ang kanilang mga paghatol.”
ISINULAT ni Nicolaus Copernicus kay Pope Paul III ang mga salitang sinipi sa itaas. Inilakip ni Copernicus ang mga ito sa paunang salita ng kaniyang mahalagang akda na pinamagatang On the Revolutions of the Heavenly Spheres, na inilathala noong 1543. Hinggil sa mga pananaw na inihayag sa akdang ito, ganito ang sinabi ni Christoph Clavius, isang paring Jesuita noong ika-16 na siglo: “Ang teoriyang binuo ni Copernicus ay naglalaman ng maraming kakatwa o maling mga palagay.” Ganito ang hinagpis ng teologong Aleman na si Martin Luther: “Guguluhin ng hangal na ito ang buong siyensiya ng astronomiya.”
Sino si Nicolaus Copernicus? Bakit masyadong kontrobersiyal ang kaniyang mga pananaw? At paano siya nakaapekto sa modernong takbo ng pag-iisip?
Isang Kabataang Uhaw sa Kaalaman
Nang ipanganak siya noong Pebrero 19, 1473, sa Toruń, Poland, ang pangalang ibinigay sa kaniya ay Mikołaj Kopernik. Ginamit lamang ni Mikołaj ang kaniyang pangalang Latin na Nicolaus Copernicus noong bandang huli, nang magsimula siyang magsulat ng akademikong mga aklat. Ang kaniyang ama, isang mangangalakal na nagnenegosyo sa Toruń, ay may apat na anak; si Nicolaus ang bunso. Noong 11 taóng gulang si Nicolaus, namatay ang kaniyang ama. Isang tiyuhin na nagngangalang Lucas Waczenrode ang kumupkop kay Nicolaus at sa kaniyang mga kapatid. Tinulungan niya si Nicolaus na makakuha ng magandang edukasyon, at hinimok siyang magpari.
Nagsimulang mag-aral si Nicolaus sa kaniyang sariling bayan subalit nang dakong huli ay ipinagpatuloy niya ito sa kalapít na bayan ng Chełmno, kung saan siya natuto ng Latin at nag-aral ng mga akda ng sinaunang mga manunulat. Sa edad na 18, lumipat siya sa Kraków, ang kabisera noon ng Poland. Doon, nag-enrol siya sa unibersidad at nagsumikap itaguyod ang kaniyang masidhing interes sa astronomiya. Nang magtapos siya ng pag-aaral sa Kraków, hiniling ng tiyuhin ni Nicolaus—na obispo na noon ng Warmia—na lumipat siya sa Frombork, isang lunsod sa Dagat ng Baltic. Hangad ni Waczenrode na maging kanon ng katedral ang kaniyang pamangkin.
Gayunman, nais ng 23-taóng-gulang na si Nicolaus na sapatan ang kaniyang pagkauhaw sa kaalaman at kinumbinsi niya ang kaniyang tiyuhin na hayaan siyang mag-aral ng batas kanon, medisina, at matematika sa mga unibersidad sa Bologna at Padua, Italya. Nakasama
roon ni Nicolaus ang astronomong si Domenico Maria Novara at ang pilosopong si Pietro Pomponazzi. Sinabi ng istoryador na si Stanisław Brzostkiewicz na pinalaya ng mga turo ni Pomponazzi “ang kaisipan ng batang astronomo mula sa kapit ng ideolohiya noong Edad Medya.”Ginugol ni Copernicus ang kaniyang libreng panahon sa pag-aaral sa mga akda ng sinaunang mga astronomo at ibinuhos ang kaniyang isip sa mga ito anupat nang masumpungan niyang kulang ang mga akdang Latin, nag-aral siya ng wikang Griego upang masuri ang orihinal na mga teksto. Nang magtatapos na siya sa pag-aaral, nagkamit si Nicolaus ng doktorado sa batas kanon, naging matematiko, at doktor. Bihasa rin siya sa wikang Griego, anupat siya ang kauna-unahang tuwirang nagsalin ng isang dokumento mula sa wikang Griego tungo sa wikang Polako.
Pagbuo ng Makabagong Teoriya
Pagbalik ni Copernicus sa Poland, inatasan siya ng kaniyang tiyuhing obispo na maging personal niyang kalihim, tagapayo, at doktor—isang prominenteng posisyon. Nang sumunod na mga dekada, humawak si Nicolaus ng iba’t ibang posisyong administratibo, kapuwa relihiyoso at sibil. Marami man siyang trabaho, ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral hinggil sa mga bituin at planeta, anupat nagtipon ng mga ebidensiya upang sumuhay sa makabagong teoriya—na ang lupa ay hindi nakapirme sa sentro ng uniberso kundi, ang totoo, umiikot ito sa palibot ng araw.
Salungat ang teoriyang ito sa mga turo ng pinagpipitaganang pilosopo na si Aristotle at naiiba sa mga konklusyon ng Griegong matematiko na si Ptolemy. Bukod diyan, pinabulaanan ng teoriya ni Copernicus ang tila di-matututulang “katotohanan” na sumisikat ang araw sa silangan at tumatawid sa kalangitan upang lumubog sa kanluran, samantalang nakapirme ang lupa sa posisyon nito.
Hindi si Copernicus ang kauna-unahang nagsabi na umiikot ang lupa sa palibot ng araw. Iniharap ng Griegong astronomo na si Aristarco ng Samos ang teoriyang ito noong ikatlong siglo B.C.E. Itinuro ng mga tagasunod ni Pythagoras na ang lupa pati na ang araw ay umiikot sa palibot ng apoy na nasa gitna ng uniberso. Gayunman, isinulat ni Ptolemy na kung kikilos ang lupa, “ang mga hayop at iba pang mabibigat na bagay ay maiiwang nakalutang sa hangin, at ang Lupa ay napakabilis na mahuhulog mula sa kalangitan.” Idinagdag pa niya: “Nagmumukha silang kakatwa kahit sa pag-iisip pa lamang ng gayong mga bagay.”
Sinuhayan ni Ptolemy ang ideya ni Aristotle na ang lupa ay nakapirme sa sentro ng uniberso at napalilibutan ng serye ng malilinaw na globo na nasa loob ng mga globo, kung saan nakakabit ang araw, mga planeta, at bituin. Ipinalagay niya na ang paggalaw ng malilinaw na globong ito ang nagpapagalaw sa mga planeta at bituin. Ipinaliwanag ng matematikal na pormula ni Ptolemy, na tumpak sa paanuman, ang paggalaw ng mga planeta sa kalangitan sa gabi.
Gayunman, ang mga kakulangan sa teoriya ni Ptolemy ang nag-udyok kay Copernicus na magsaliksik ng alternatibong paliwanag sa pambihirang galaw ng mga planeta. Upang patunayan ang kaniyang teoriya, muling binuo ni Copernicus ang mga instrumentong ginamit ng sinaunang mga astronomo. Bagaman simple batay sa makabagong pamantayan, tumulong ang mga kagamitang ito upang makalkula niya ang distansiya ng mga planeta at ng araw. Gumugol siya ng maraming taon upang alamin ang eksaktong mga petsa kung kailan ginawa ng mas naunang mga astronomo ang kanilang mahahalagang astronomikal na obserbasyon. Taglay ang impormasyong ito, pinasimulang
isulat ni Copernicus ang kontrobersiyal na dokumento na nagsasabing ang lupa at ang sangkatauhang nasa ibabaw nito ay wala sa sentro ng uniberso.Kontrobersiya Hinggil sa Manuskrito
Ginugol ni Copernicus ang nalalabing taon ng kaniyang buhay sa pagwawasto at pagdaragdag ng katibayan sa mga argumento at matematikal na mga pormulang nagpapatunay sa kaniyang teoriya. Mahigit 95 porsiyento ng kaniyang huling dokumento ay naglalaman ng teknikal na mga detalyeng sumusuporta sa kaniyang mga konklusyon. Ang orihinal na dokumentong ito na sulat-kamay ay umiiral pa rin at iniingatan sa Jagiellonian University sa Kraków, Poland. Walang pamagat ang dokumento. Kaya naman ganito ang isinulat ng astronomong si Fred Hoyle: “Hindi natin talaga alam kung ano ang gustong itawag ni Copernicus sa kaniyang aklat.”
Bago pa man ilathala ang akda, nakapukaw na ng interes ang nilalaman nito. Nailathala na ni Copernicus ang maikling sumaryo ng kaniyang mga ideya sa akdang tinawag na Commentariolus. Dahil dito, nakarating sa Alemanya at Roma ang mga ulat hinggil sa kaniyang pananaliksik. Noon pa mang 1533, nabalitaan na ni Pope Clement VII ang teoriya ni Copernicus. At noong 1536, sumulat si Kardinal Schönberg kay Copernicus, anupat pinasisigla siyang ilathala nang detalyado ang kaniyang mga ideya. Si Georg Joachim Rhäticus, propesor sa Wittenberg University sa Alemanya, ay naintriga nang husto sa akda ni Copernicus anupat dinalaw niya ang astronomo at di-inaasahang gumugol ng dalawang taon kasama niya. Noong 1542, nag-uwi si Rhäticus ng isang kopya ng manuskrito pabalik sa Alemanya at ibinigay ito sa tagapaglimbag na nagngangalang Petreius at sa isang klerigo at proofreader na nagngangalang Andreas Osiander.
Ang akda ay pinamagatan ni Osiander na De revolutionibus orbium coelestium (On the Revolutions of the Heavenly Spheres). Sa pagsisingit ng pariralang “of the heavenly spheres” (“ng mga globo sa langit”), pinalitaw ni Osiander na ang akda ay naimpluwensiyahan ng mga ideya ni Aristotle. Sumulat din si Osiander ng isang di-nilagdaang paunang salita, na nagsasabing ang mga teoriya sa aklat ay hindi mga doktrina ng pananampalataya at maaaring hindi totoo. Nakatanggap lamang si Copernicus ng kopya ng inilimbag na aklat, na may di-awtorisadong mga pagbabago at pakikipagkompromiso, mga ilang oras na lamang bago siya mamatay noong 1543.
On the Revolutions—Isang Makabagong Akda
Sa pasimula, hindi binatikos ang aklat dahil sa mga pagbabagong ginawa ni Osiander. Nang maglaon, ganito ang isinulat ng Italyanong astronomo at pisikong si
Galileo: “Nang ilimbag ang aklat, tinanggap ito ng banal na Simbahan at binasa at pinag-aralan ng lahat nang hindi man lamang nakaiisip ng kahit kaunting pagtutol sa mga doktrina nito. Subalit ngayong ipinakikita ng maliwanag na karanasan at mahahalagang katibayan na may matibay na saligan ang mga ito, lumilitaw ang mga taong nagwawalang-dangal sa awtor nang hindi man lamang binabasa ang kaniyang aklat.”Ang mga Luterano ang kauna-unahang nagsabing “isang kahangalan” ang aklat na ito. Bagaman sa umpisa ay hindi nagbigay ng pormal na opinyon ang Simbahang Katoliko, ipinasiya nito na ang aklat ay salungat sa opisyal nitong doktrina at noong 1616 ay isinama ang akda ni Copernicus sa talaan ng ipinagbabawal na mga aklat. Hindi ito inalis sa talaang ito hanggang 1828. Sa kaniyang introduksiyon sa saling Ingles ng aklat, ganito ang paliwanag ni Charles Glenn Wallis: “Dahil sa mga di-pagkakasundo ng mga Katoliko at Protestante, natakot ang dalawang sekta sa anumang iskandalo na waring magpapababa sa paggalang sa Simbahan ng Bibliya, kung kaya naging masyado silang literal sa kanilang pagpapakahulugan sa Kasulatan at nahilig silang manuligsa sa anumang pag-aangkin na masasabing sumasalungat sa anumang literal na interpretasyon ng anumang talata sa Bibliya.” a Hinggil sa sinasabing pagkakasalungatan ng teoriya ni Copernicus at ng turo ng Bibliya, ganito ang isinulat ni Galileo: “Hindi ipinagwalang-bahala [ni Copernicus] ang Bibliya, subalit alam na alam niya na kung mapatutunayan ang kaniyang doktrina, hindi ito sasalungat sa Kasulatan kung uunawain lamang ito nang wasto.”
Sa ngayon, kinikilala ng marami si Copernicus bilang ama ng makabagong astronomiya. Totoo, ang paglalarawan niya sa uniberso ay binago pa nang kaunti at iwinasto ng mas huling mga siyentipiko, gaya nina Galileo, Kepler, at Newton. Gayunman, ganito ang sinabi ng astropisikong si Owen Gingerich: “Ipinakita sa atin ni Copernicus sa pamamagitan ng kaniyang akda kung paano maaaring maging napakarupok ng matatagal nang pinanghahawakang mga ideya sa siyensiya.” Sa pamamagitan ng pananaliksik, pagmamasid, at matematika, itiniwarik ni Copernicus ang tatag nang maling mga palagay sa siyensiya at relihiyon. Sa isip ng mga tao, “pinahinto [rin niya] ang araw at pinakilos ang lupa.”
[Talababa]
a Halimbawa, ang pangyayaring nakaulat sa Josue 10:13, na nagsasabing tumigil ang araw, ay ginamit upang igiit na ang araw, hindi ang lupa, ang karaniwan nang gumagalaw.
[Kahon/Larawan sa pahina 17]
On the Revolutions of the Heavenly Spheres
Hinati ni Copernicus ang kaniyang akda sa anim na bahagi. Nakatala sa ibaba ang ilan sa pangunahing mga ideya na lumitaw sa kaniyang aklat.
● Ang ating planeta ay isa sa maraming “manlalakbay” na ang kilos ay kinokontrol ng ‘araw na nakaupo sa kaniyang maharlikang trono.’
● Ang mga planeta ay umiikot sa palibot ng araw sa iisang direksiyon. Kasali ang lupa sa mga ito, na umiinog sa sarili nitong axis nang isang beses sa isang araw at umiikot sa palibot ng araw nang minsan sa isang taon.
● Ayon sa distansiya mula sa araw, ang Mercury ang pinakamalapit, na sinusundan ng Venus, ng Lupa at ng buwan nito, ng Mars, Jupiter, at ng Saturn sa pinakahuli.
[Credit Line]
Title page of Copernicus’ work: Zbiory i archiwum fot. Muzeum Okręgowego w Toruniu
[Larawan sa pahina 14]
Instrumento sa pagmamasid na ginamit ni Copernicus
[Credit Line]
Zbiory i archiwum fot. Muzeum Okręgowego w Toruniu
[Mga larawan sa pahina 15]
Mga gamit sa silid-aralan ni Copernicus na nasa obserbatoryo niya sa Frombork, Poland
[Credit Line]
Zdjecie: Muzeum M. Kopernika we Fromborku; J. Semków
[Larawan sa pahina 16]
Sistema na nakasentro ang lupa
[Credit Line]
© 1998 Visual Language
[Larawan sa pahina 16]
Sistema na nakasentro ang araw
[Credit Line]
© 1998 Visual Language
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang sistema solar ayon sa pagkaunawa natin dito sa ngayon