Isang Natatanging Kanlungan ng Buhay-Iláng sa Mediteraneo
Isang Natatanging Kanlungan ng Buhay-Iláng sa Mediteraneo
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA
SA LOOB ng libu-libong taon, pinutol ng mga bansang nasa kahabaan ng Mediteraneo ang mga puno sa kanilang mga kagubatan, pinahintulutan ang mga hayop na labis na manginain ng damo sa mga lupaing pastulan, at pinatay ang ilan sa maiilap na hayop hanggang halos malipol ang mga ito. Kakaunting lugar lamang ngayon ang nanatiling di-nababago sa rehiyon. Subalit, sa isang bahagi ng Espanya, isang pinagsama-samang kalagayan ang nagpangyari sa isang maliit na lugar na manatiling halos di-nagbago. Ang pangalan nito ay Monfragüe, na ang ibig sabihin ay “Masinsing Kabundukan.”
Gayunpaman, ang pagiging liblib ng bahaging ito ng Espanya ay hindi sapat sa ganang sarili upang protektahan ang tirahang ito ng mga halaman at hayop. Mabuti na lamang, ginamit ng mga magbubukid na nakatira sa rehiyon sa palibot ng Monfragüe ang paraan ng paghahayupan na napakahalaga upang maingatan ang mahalagang nalabi ng malalaking lupa ng likas na kagubatan na dating tumatakip sa mga burol sa Mediteraneo. Ang iningatang kakahuyan ay kilala bilang ang dehesa, o “makahoy na pastulan.”
Isang Ekolohikal na Paraan ng Pagsasaka
Mga dantaon na ang nakalipas, natuklasan ng mga magsasaka sa Extremadura (ang rehiyon sa Espanya kung saan naroroon ang Monfragüe) na ang kagubatan ng mga punong encina (oak) na tumatakip sa lupain ay nakapaglalaan ng napakahalagang lilim at pagkain para sa kanilang mga kawan. a Kaya sa halip na putulin ang lahat ng mga punungkahoy upang maglaan ng lupain para doon manginain ng damo ang mga hayop, pinanatili nila ang sapat na bilang ng mga encina upang maging isang kakahuyan na may mga puwang sa pagitan ng mga punungkahoy. Pinungusan din nila ang mga punungkahoy upang magsanga ang mga ito. Iniingatan ng lilim ng kahanga-hangang mga puno ng encina ang madamong pastulan sa ilalim nito, at ang saganang ani ng mga nuwes ng encina ay naglalaan ng masustansiyang pagkain para sa mga baka at baboy. Yamang iniingatan ng dehesa na ito ang isang mahalagang bahagi ng orihinal na lilim na inilalaan ng mga punungkahoy, maraming katutubong uri ng ibon at hayop ang nabubuhay roon.
Dalawang ilog, ang Tagus at Tiétar, ang bumabagtas sa dehesa, anupat inuukit ang makikipot na lambak sa pagitan ng matataas at matatarik na bangin at sa wakas ay nagsasanib sa ibaba ng taluktok ng Monfragüe. Nang dakong huli, noong 1979, ang baku-bakong dako na nasa hangganan ng dalawang ilog na ito at may-kahusayang nag-iingat sa orihinal na kagubatan sa Mediteraneo nang higit kaysa anuman ay naging isang pinangangasiwaan at protektadong lupain na karaniwang kinaroroonan ng pambihira o nanganganib-malipol na mga halaman at hayop. Ang parke ay itinatag sapagkat ang Monfragüe ay itinuturing na isa sa pinakamahuhusay na napangalagaang kanlungan ng sistema ng ekolohiya sa Mediteraneo sa kasalukuyan.
Mga Ibong Binabanggit sa Bibliya
Bagaman masasabing maliit lamang na lugar ang sakop ng parke, naglalaan ito ng kanlungan para sa
genet, pulang usa, baboy-ramo, at ang bihirang makita na Spanish lynx, isa sa lubhang nanganganib malipol na mga mamal sa Europa. Gayunman, yamang ang karamihan sa mga hayop ay aktibo sa gabi, mas malamang na makita ng isang dumadalaw sa araw ang kahanga-hangang mga ibong maninila na marami sa lugar na iyon. Karamihan sa mga maninila na ito sa Mediteraneo ay pangkaraniwan din sa mga lupain na binabanggit sa Bibliya.Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, napansin ng naturalistang si H. B. Tristram na halos saanman siya maglakbay sa Palestina, nakikita niya ang mga buwitreng griffon na umaaligíd sa itaas. Ganito rin ang masasabi sa Monfragüe, kung saan 400 pares ang tumitira sa mabatong mga dalisdis na nakatunghay sa mga ilog ng Tagus at Tiétar. Kinahapunan, dose-dosenang buwitre ang umaaligíd sa ibabaw ng kanilang mga pugad, animo’y batik-batik sa kalangitan sa gabi dahil sa kanilang pagkalalakíng hugis. b
Ang mga puting siguana, na gumagawa ng kanilang mga pugad sa matatandang gusali sa maraming bahagi ng Europa, ay namumugad pa rin sa mga puno ng encina sa lugar ng Monfragüe, kung saan nabubuhay ang mga ito. (Awit 104:17) Kasama ng mga siguana sa paggamit sa pumapaitaas na hihip ng mainit na hangin sa pagsalimbay ang imperyal at ginintuang mga agila, na buong pagtitiyagang lumilipad na paitaas at sumasalimbay, ‘tumitingin sa malayo’ sa kanilang patuloy na paghahanap ng masisila.—Job 39:27-29.
Mas maliksi at marami kaysa sa mga agila ang mga lawing pula, na ang bilang ay dumarami sa mga buwan ng tag-araw. At palagi ring umaaligid sa mga ilog ng parke ang mga lawing itim na matatalas ang paningin, na sa tuwina’y naghahanap ng isdang madaragit nila sa tubig.—Job 28:7.
Ang iba pang ibong maninila, gaya ng kuwagong agila at ng barn owl, ay nagsisimulang lumipad pagkagat ng dilim. Ang kuwagong agila ay tumitira sa liblib, mababato at matatarik na dalisdis ng Monfragüe, isang nakakahawig na tirahan sa tiwangwang na mga kaguhuan ng sinaunang Babilonya, ang dakong inihula ni propeta Isaias na paninirahan din ng mga kuwagong agila.—Isaias 13:21.
Pag-iingat at Pagsasauli sa Kanlungan
Ang mga ligaw na bulaklak ay nagdaragdag ng makulay na tanawin sa parke, lalo na sa panahon ng tagsibol. Halos tinatakpan ng maririkit na puting bulaklak ng rock rose, kasama ang mga kumpol ng purple lavender, ang lahat ng mga dalisdis na walang punungkahoy. At kapag papalapit na ang tag-araw, ang nagkalat na mga poppy ay parang nakasaboy na mga iskarlata sa luntiang lupaing pastulan.
Ang pangangalaga sa mahalagang tirahang ito ang pangunahing pinag-uukulan ng pansin ngayon ng mga awtoridad sa parke. Sa layuning iyan, abala silang nagtatanim ng katutubong mga uri ng punungkahoy upang halinhan ang mga puno ng pino at mga eukalipto na dinala roon na hindi nakatutulong sa buhay-iláng ng parke. Nakikipagtulungan din sila sa lokal na mga magsasaka sa pagsasanggalang sa nakapaligid na mga dehesa, anupat pinasisigla ang mga ito na muling magtanim ng mga punong encina kailanma’t kinakailangan. Inaasahang titiyakin ng mga hakbang na ito ang kaligtasan ng natatanging kanlungang ito ng buhay-iláng sa Mediteraneo.
[Mga talababa]
a Ang pangunahing uri ng mga encina sa Espanya ay ang cork oak at ang holm oak. Ang katulad na mga uri ng encina ay tumutubo sa maraming dako sa Palestina noong panahon ng Bibliya.
b Ang sukat ng nakabukang pakpak ng buwitreng griffon ay umaabot nang hanggang 280 sentimetro at isa sa pinakamalalaking ibon sa Eurasia.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Mula kaliwa pakanan: Mga bakang nanginginain ng damo sa kakahuyan, isang genet, at isang pulang usa
[Larawan sa pahina 18]
Buwitreng itim
[Larawan sa pahina 18]
Kuwagong agila
[Larawan sa pahina 18]
Ginintuang agila
[Credit Line]
Fotos: Cortesía de GREFA