Privacy Settings

Para sa pinakamagandang digital experience, gumagamit kami ng mga cookies at katulad na mga teknolohiya. Ang ilang cookies ay kailangan para gumana ang aming website at hindi puwedeng tanggihan. Puwede mong tanggapin o tanggihan ang iba pang cookies na ginagamit para mas mapaganda ang digital experience mo. Hinding-hindi ipagbibili o gagamitin sa marketing ang alinmang bahagi ng data na ito. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang Global Policy sa Paggamit ng Cookies at Katulad na mga Teknolohiya. Puwede mong baguhin ang settings mo anumang oras. Magpunta sa Privacy Settings.

Ang mga Hadlang sa Pagiging Ina

Ang mga Hadlang sa Pagiging Ina

Ang mga Hadlang sa Pagiging Ina

Ang pagiging ina ay isang pambihira at kamangha-manghang karanasan. Nasisiyahan ang mga ina sa mahahalagang sandali anupat hindi nila ito ipagpapalit sa anumang bagay. Subalit, kung minsan ay nadarama nila na parang sila’y nauupos na kandila. Inihahalintulad ni Helen ang kaniyang buhay bilang isang ina sa isang takbuhang may mga hadlang. At waring habang lumalakad ang panahon, mas marami at mas matataas ang hadlang.

Maaaring isakripisyo ng mga ina ang kanilang malayang oras at ang malaking bahagi ng panahon nila sa pakikihalubilo sa iba upang matiyak lamang na napangangalagaang mabuti ang kanilang mga anak. “Lagi akong nakaabang,” ang sabi ni Esther, isang ina na may limang anak. “Ipinagpalit ko ang nakarerelaks na paliligo sa mabilisang pagsi-shower, at mga romantikong pagkain sa labas sa pagkaing iniinit sa microwave. Kung para sa akin hindi ako gaanong makapaglakbay, makapamasyal sa maraming lugar, makagawa ng maraming bagay. Pero nakapaglalaba ako, at naititiklop ko pa iyon!”

Mangyari pa, masasabi rin naman ng karamihan sa mga ina ang kanilang pantanging mga sandali ng kagalakan na nararanasan nila habang sila’y nagpapalaki ng kanilang mga anak. Ang sabi ni Esther: “Ang bagay na paminsan-minsan kang ngitian, ang malambing na ‘Salamat po, Mommy,’ at ang mahigpit na mga yakap​—ito ang mga konsuwelo mo kung bakit ka nakapagpapatuloy.” a

Naghahanapbuhay na Ina

Ang isang malaking hadlang na nagpapahirap sa pagiging ina ay ang bagay na binabalikat ng marami ang tradisyonal na pananagutan sa pamilya samantalang ginagampanan ang mahihigpit na kahilingan sa trabaho upang masuportahan sa pananalapi ang pamilya. Karamihan sa mga inang ito ay nagtatrabaho sa malayo, hindi dahil sa gusto nila iyon, kundi dahil sa kailangang gawin iyon. Batid nila na kung sila’y titigil sa bahay, ang kanilang pamilya, at lalo na ang mga anak nila, ay kakapusin sa maraming bagay. Ang kanilang suweldo​—malimit na mas mababa kaysa sa kalalakihan na katulad nila ang trabaho​—ay napakahalaga.

Halimbawa, sa São Paulo, Brazil, 42 porsiyento ng mga nagtatrabaho ay mga babae. Tinagurian ng isang pahayagan doon ang mga ina na buong panahong nagpapalaki ng mga anak bilang “papaubos na uri.” Sa mga lalawigan sa Aprika, karaniwan nang makakita ng isang ina na may sunong na isang bigkis ng panggatong na kahoy at isang bata na nakatali sa kaniyang likod.

Mahirap na Kalagayan sa Trabaho

Baka hilingin pa sa pinapasukan nila na magtrabaho nang mahahabang oras ang mga ina na siyang nakadaragdag sa mga hadlang. At hindi riyan natatapos ang mga kahilingan. Nang si Maria, na nakatira sa Gresya, ay tanggapin sa trabaho, pinapirma siya ng kaniyang amo sa isang dokumento na siya’y nangangakong hindi siya magdadalang-tao sa loob ng tatlong taon. Kung sakaling siya’y magdalang-tao, pagbabayarin siya. Pinirmahan ni Maria ang dokumento. Subalit pagkalipas ng halos isa’t kalahating taon, siya’y nagdalang-tao. Pagkatapos, ipinakita ng kaniyang amo ang dokumento kay Maria, na naghabla naman sa korte para hamunin ang patakaran ng kompanya niya at ngayo’y naghihintay ng resulta nito.

Sa mga kasong di-gaanong malala, maaaring gipitin ng mga amo ang mga ina na magtrabaho agad-agad pagkapanganak. Karaniwan nang hindi pinagbibigyan na bawasan ang oras na kanilang ipinagtatrabaho pagkatapos nilang makabalik. Samakatuwid walang kaayusan para sa kanilang kalagayan hinggil sa bagay na may mga pananagutan na sila ngayon sa isang munting bata. Hindi sila makapagbakasyon nang mahaba-haba nang hindi nagigipit sa pinansiyal. Baka kailangang pagtiisan din ng mga ina ang di-mabuting mga pasilidad sa pangangalaga sa bata at di-sapat na mga benepisyo mula sa estado.

Sa kabilang dako naman, nagtatrabaho ang ilang ina, hindi dahil sa pinansiyal na mga pangangailangan, kundi para sa personal na kasiyahan. Ipinasiya ni Sandra na bumalik sa trabaho pagkasilang niya sa bawat isa sa kaniyang dalawang anak. Naalaala niya na kapag naiisip niyang nag-iisa na lamang siya sa bahay kasama ng sanggol, “kung minsan ay nakatayo at nakatitig [siya] sa bintana at nag-iisip kung ano na kaya ang nangyayari sa daigdig.” At sinisikap namang takasan ng ilang ina ang kaigtingan sa buhay pampamilya sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Iniulat ng Daily Telegraph ng Britanya: “Sinisikap ng ilang magulang na magtrabaho nang mas maraming oras sa waring payapang kalagayan sa trabaho. Pinalalalâ lamang nito ang kalagayan, anupat lalong nababawasan ang panahong ginugugol nila sa mga anak na higit na nagiging walang-malasakit, agresibo at suwail.”

Ang Pagbalanse sa mga Pananagutan

Hindi madaling gawing balanse ang trabaho at tahanan. Inihihinga ang saloobin ng marami, isang ina mula sa Netherlands ang nagsabi: “Pagód, pagód, pagód. Nagigising pa nga akong pagód. Pag-uwi ko galing sa trabaho, patang-pata na ako sa pagod. Sinasabi na nga ng mga bata, ‘Lagi na lang pagód si Mommy,’ at nakokonsiyensiya naman ako. Ayaw kong lumiban sa trabaho, pero gusto ko ring maging isang ina na nakakasama at nakakausap nila na nagagawang posible ang lahat. Subalit gustuhin ko ma’y hindi naman ako sakdal.”

Isa siya sa milyun-milyong nagtatrabahong mga ina na tumatanggap sa ideya na ang ‘de-kalidad na panahon’ kasama ng mga anak ay bahagyang makapupuno sa madalas na kakulangan ng panahon​—at siya rin mismo ang di-nasisiyahan sa ideyang ito. Sinasabi ng karamihan sa mga ina sa ngayon na ang pagbalanse sa kaigtingan sa trabaho at sa mga pananagutan sa tahanan ay nagpapangyari sa kanila na mahapo, masaid ang lakas, at hindi masuwelduhan nang sapat.

Kapag gumugol nang mas mahahabang oras ang kababaihan na malayo sa kanilang mga anak, hindi nakukuha ng mga bata ang mga bagay na kailangang-kailangan nila​—ang panahon at atensiyon ng kanilang ina. Si Fernanda A. Lima, isang sikologo sa bata mula sa Brazil, ay nagsabi na walang sinuman ang makagaganap sa papel ng isang ina na gaya ng nagagawa ng isang ina mismo. “Ang unang dalawang taon sa buhay ng isang bata ang pinakamahalagang yugto,” ang sabi niya. “Napakaliit pa ng bata para maunawaan kung bakit palaging wala ang ina.” Maaaring mapakalma ng isang kahalili ang paghahanap ng bata sa ina nito subalit hindi ito maaaring pumalit sa papel ng ina. “Nadarama ng sanggol na hindi nito nakukuha ang maibiging pangangalaga ng kaniyang ina,” ang sabi ni Lima.

Si Kathy, isang ina na buong-panahong nagtatrabaho na may maliit na anak na babae, ay nagsabi: ‘Labis akong nakokonsiyensiya, na para bang ang pakiramdam ko’y pinababayaan ko siya [sa nursery]. Napakahirap na malaman na nawawalan ka na ng pagkakataon na makitang lumalaki at sumusulong ang iyong anak, at napakahirap talagang isipin na mas palagay na ang loob niya sa nursery kaysa sa iyo.’ Ganito ang inamin ng isang stewardess sa eroplano sa Mexico: “Pagdaan ng ilang panahon, hindi ka na kilala ng iyong anak, hindi ka na niya iginagalang dahilan lamang sa hindi ikaw ang nagpalaki sa kaniya. Alam nila na ikaw ang kanilang ina, subalit biglang-bigla, mas gusto nilang sumama sa babae na nag-alaga sa kanila.”

Sa kabilang dako naman, sinasabi ng mga ina na nasa bahay lamang at basta nag-aalaga ng kanilang mga anak na kailangan nilang batahin ang paghamak at pang-aalipusta ng isang lipunan na hinubog na ipagmapuri ang trabahong may suweldo. Sa ilang lipunan ang pagiging isang maybahay ay hindi na itinuturing na marangal na kalagayan, kaya ginigipit ang kababaihan na magkaroon ng sarili nilang trabaho, kahit na hindi kailangan ang karagdagang kita.

Mag-isang Nakikipaglaban

Karagdagan pa sa mga hadlang sa pagiging ina ay ang bagay na ito: Pagód na sa buong maghapong pagtatrabaho, umuuwi ang ina sa tahanan, hindi para magpahinga, kundi ipagpatuloy ang regular na mga gawaing-bahay. Nagtatrabaho man sila o hindi, kadalasang makikita pa rin ang mga ina na siyang pangunahing may pananagutan sa pangangalaga sa bahay at sa mga anak.

Samantalang dumarami ang mga ina na nagtatrabaho nang mahahabang oras, hindi naman ito matutumbasan ng mga ama. Sumulat ang The Sunday Times ng London: “Ang Britanya ay isang bansa ng mga ama na laging wala sa tahanan, ayon sa ipinakikita ng bagong pananaliksik, ang mga lalaki ay gumugugol ng halos 15 minuto lamang bawat araw kasama ng kanilang mga anak. . . . Hindi gaanong nasisiyahan ang maraming lalaki na makasama ang kani-kanilang pamilya. . . . Kung ihahambing dito, ang nagtatrabahong ina sa Britanya ay gumugugol ng 90 minuto sa isang araw kapiling ng kaniyang mga anak.”

Inirereklamo ng ilang asawang lalaki na nahihirapan ang kanilang asawa na ipagkatiwala ang mga gawain dahil sa iginigiit ng asawang babae na dapat gawin ang lahat ng bagay ayon sa kung paano niya ito ginagawa. “Kung hindi gayon, mali ang ginagawa mo,” ang sabi ng mga asawang lalaki. Maliwanag, upang makinabang mula sa pakikipagtulungan ng kaniyang asawang lalaki, baka kailangang pagbigyan na lamang ng isang pagod na asawang babae kung paano ginawa ang ilang gawaing-bahay. Sa kabilang dako naman, hindi dapat gamitin ng asawang lalaki ang pangangatuwirang iyan bilang dahilan para walang gawin.

Karagdagang mga Hadlang

Ang mga tradisyong malalim ang pagkakaugat ay maaari ring makaragdag sa mga hadlang. Sa Hapon, inaasahan na palalakihin ng mga ina ang mga anak na maging katulad ng iba na kaedad ng mga anak nila. Kung ang ibang bata ay nag-aaral tumugtog ng piyano o magpinta, dapat na papag-aralin din ng ina ang kaniyang mga anak ng gayon. Ginigipit ng mga paaralan ang mga magulang na isali ang kanilang mga anak sa gayunding mga extracurricular na gawain gaya ng ibang mga bata. Maaaring humantong sa panliligalig ng mga bata, guro, ibang mga magulang, at mga kamag-anak ang pagiging naiiba. Totoo rin ito sa ibang mga lupain.

Maaaring gawin ng pag-aanunsiyo at paghikayat na bumili ng mga produkto na maging mapaghanap ang mga bata. Sa mauunlad na bansa, baka madama ng mga ina na dapat nilang ibigay kung ano ang gusto ng kanilang mga anak dahil nakikita nilang ibinibigay ng ibang ina ang mga bagay na iyon. Kung hindi nila maibigay ito, baka akalain nilang sila’y nagkukulang.

Ang pagtalakay na ito tungkol sa pagiging ina sa modernong panahon ay hindi dapat magpalabo sa dakilang gawa ng milyun-milyong nagpapagal at nagsasakripisyong mga ina na gumagawa ng kanilang pinakamabuti upang gampanan ang isa sa pinakamariringal na layunin​—samakatuwid nga ang pagpapalaki ng susunod na mga henerasyon sa pamilya ng sangkatauhan. Ito’y isang pribilehiyo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga anak ay isang pagpapala at isang kaloob mula sa PANGINOON.” (Awit 127:3, Contemporary English Version) Si Miriam, isang ina na may dalawang anak, ay mahusay na halimbawa ng gayong uri ng mga ina nang kaniyang sabihin: “Sa kabila ng mga hamon, ang pagiging ina ay may di-mapapantayang kagalakan. Nagbibigay ito sa amin na mga ina ng damdamin ng kasiyahan kapag nakikita namin ang aming mga anak na sumusunod sa ginawang pagsasanay at pagdisiplina at kapag sila’y naging responsableng mga miyembro ng lipunan.”

Ano ang makatutulong sa mga ina na higit na masiyahan sa kanilang kaloob? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang ilang praktikal na mga mungkahi.

[Talababa]

a Ang mga artikulong ito’y nagtutuon ng pansin sa mga inang may asawa. Sa susunod, tatalakayin ng Gumising! ang mga hamon ng mga nagsosolo at dalagang ina.

[Kahon sa pahina 6]

“Araw ng mga Ina”

Ang labis na karukhaan, kakulangan sa edukasyon, iresponsableng mga kaparehang lalaki, malimit na pang-aabuso, at epidemya ng AIDS ang sumasalot sa mga ina sa timugang Aprika. Nitong nakaraang Araw ng mga Ina, ganito ang iniulat ng isang pahayagan sa Timog Aprika, ang The Citizen: “Libu-libong kababaihan ang aabusuhin ng kanilang mga kapareha sa buhay at mamamatay pa nga ang ilan sa Araw ng mga Ina.” Inakay ng gayong mga problema ang libu-libong ina na taga-Timog Aprika na iwanan ang kanilang mga sanggol taun-taon. Sa nakalipas na dalawang taon, tumaas nang 25 porsiyento ang mga sanggol na iniwanan. Ang lalo pang kalunus-lunos ay ang dumaraming kababaihan na nagpapatiwakal. Kamakailan, yapus-yapos ng isang babaing nagmula sa isang nagdarahop na lugar ang kaniyang tatlong anak habang siya’y nakaharap sa paparating na tren. Namatay silang lahat. Para masapatan ang mga pangangailangan, bumabaling ang ilang ina sa prostitusyon at pagbebenta ng ipinagbabawal na droga o humihimok sa kanilang mga anak na babae na gayon ang gawin.

Mula sa Hong Kong, iniulat na “pinapatay ng ilang kabataang ina ang kanilang sanggol kapag nanganak sila o itinatapon ang sanggol sa basurahan, dahil sa hindi nila makayanan ang mga panggigipit.” Binanggit ng South China Morning Post na ang ilang may-asawa at nasa kabataang mga babae sa Hong Kong ay “sumasailalim sa gayon katinding kaigtingan [anupat] maaaring unti-unti silang masiraan ng bait hanggang sa umabot sa puntong magpakamatay na sila.”

[Kahon sa pahina 7]

Ang Pagiging Ina sa Iba’t Ibang Lupain

Napakakaunting panahon

❖ Isiniwalat ng isang surbey sa Hong Kong na 60 porsiyento ng mga nagtatrabahong ina ay hindi naglalaan ng itinuturing nilang sapat na panahon sa kanilang mga anak. At 20 porsiyento ng mga bata na hanggang tatlong taóng gulang na may mga magulang na nagtatrabaho ay nakatira sa malayo, karaniwan nang kasama ng mga lolo’t lola, sa loob ng mga araw na may trabaho.

❖ Ginugugol ng mga babae sa Mexico ang halos 13 taon ng kanilang buhay sa pag-aalaga ng kahit isang bata man lamang na wala pang limang taóng gulang.

Mga ina at trabaho

❖ Sa Ireland 60 porsiyento ng mga babae ang nasa bahay lamang upang mag-alaga ng kanilang mga anak. Sa Gresya, Italya, at Espanya, gayundin ang ginagawa ng halos 40 porsiyento ng kababaihan.

Pagtulong sa gawaing-bahay

❖ Sa Hapon 80 porsiyento ng mga maybahay ang nagsasabi na hinahangad nila na sana’y isang miyembro ng pamilya ang makakatulong nila sa mga gawaing-bahay, lalo na kapag sila’y maysakit.

❖ Sa Netherlands gumugugol ang mga lalaki ng halos 2 oras sa bawat araw kasama ng kanilang mga anak at 0.7 oras sa pagtulong sa gawaing-bahay. Gumugugol ang mga babae ng halos 3 oras sa mga bata at 1.7 oras sa pag-aasikaso sa gawaing-bahay.

Maigting na mga ina

❖ Sa Alemanya mahigit sa 70 porsiyento ng mga ina ang nakararanas ng kaigtingan. Halos 51 porsiyento ang dumaraing dahil sa sakit sa gulugod at mga disk sa pagitan ng mga buto sa gulugod. Mahigit na sangkatlo ang palaging pagód at labis na nanlulumo. Halos 30 porsiyento ang nakararanas ng sakit ng ulo o migraine.

Inaabusong mga ina

❖ Sa Hong Kong sinabi ng 4 na porsiyento ng mga babaing sinurbey na sila’y binugbog nang sila’y nagdadalang-tao.

❖ Ipinakita ng isang surbey ng magasing Focus sa Alemanya na halos 1 sa 6 na ina ang umamin na siya’y sinaktan ng kaniyang anak ng halos isang beses.

[Mga larawan sa pahina 7]

Ang pagiging ina ay maaaring maging napakaigting, yamang kailangang gawing balanse ng maraming babae ang trabaho at buhay pampamilya