Isang Sulyap sa Paraiso

Isang Sulyap sa Paraiso

Isang Sulyap sa Paraiso

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

ANG mga elepante, tigre, at gasela ay karaniwan nang hindi pagala-gala sa mga pinabayaang minahan. Ang pagmimina sa ibabaw ng lupa ay may reputasyon na iniiwan nito ang tanawin na may pinsala at tiwangwang, anupat hindi angkop na tirahan ng iba pang mga hayop.

Ngunit sa Cabárceno Nature Park sa lalawigan ng Cantabria sa Espanya, ipinakikita ng isang kakaibang eksperimento na kahit ang mga lugar na tila wala nang pag-asang maiayos ay mapagaganda at mababago pa tungo sa isang lugar na tulad-paraiso.

Sa loob ng mga 3,000 taon, nakilala ang Cabárceno sa mataas na kalidad nito na inambato ng bakal (iron ore). Natuklasan ng mga minerong Celtic na ang ferric oxide, na likas na nasumpungan sa lugar na iyon, ay madaling gawing bakal​—isang napakahalagang metal sa paggawa ng mga kagamitan at sandatang Celtic. Sa loob ng maraming siglo, pinakinabangan din ng mga Romano ang mga deposito ng mineral na ito.

Yamang ang inambato ay nasumpungan malapit sa ibabaw ng lupa, puspusang inalis ng sinaunang mga minero ang mayamang butil-butil na mga deposito sa pamamagitan ng mga piko at pala, anupat nag-iwan ng daan-daang tore ng mga bato na hindi nagtataglay ng anumang inambato. Sa gayon ay di-sinasadyang nakalikha sila nang kapansin-pansing tulad yungib na tanawin, na karaniwan nang resulta ng mga deposito ng batong-apog (limestone) na inukit ng tubig sa halip ng kamay ng tao.

Gayunman, nang sumapit na ang Industrial Revolution, ginamit ang makabagong makinarya upang tibagin ang anumang natira sa bundok upang makuha ang mahalagang inambato na naroroon pa. Sa wakas, nang makuha ng mga buldoser ang lahat ng yamang mineral na maibibigay ng bundok, nagsara na ang minahan noong 1989. Mga ilang kinakalawang na makina sa pasukan ng Cabárceno ang nagpapatotoo sa pamana ng industriya nito.

Mula sa Tulad-Buwan na Tanawin Tungo sa Pinalamutiang Tanawin

Walang alinlangan, mas madaling sumira ng tanawin kaysa sa ibalik ito sa dating kalagayan. Yamang determinado, hinarap ng lokal na mga awtoridad sa Cantabria ang hamon na gumawa ng isang soolohikal na parke mula sa isang tanawin na mas tulad-buwan ang hitsura.

Ang kanilang tagumpay ay pangunahin nang nakasalalay sa likas na kakayahan ng lupa, kapag binigyan ng sapat na kapahingahan, na kusang panumbalikin ang dati nitong kalagayan. Karagdagan pa, puspusang nagsikap ang mga tagapag-ayos ng tanawin na ayusin ang pinsalang nagawa dahil sa pagpapabaya at pagsasamantala sa loob ng mga siglo. Sa loob ng dalawang taon, itinanim ang libu-libong punungkahoy, pinalitan ang ibabaw na lupa, ginawang kaakit-akit na mga lawa ang mga pangit na uka, at naging mga daanan ng tao ang mga lumang riles ng tren. Sa kahuli-hulihan, inilagay ang mga pantanging piniling hayop sa malalaking kulungan upang makumpleto ang pagbabago.

Ang 600,000 bumibisita taun-taon sa Cabárceno Nature Park ay maliwanag na nakadaramang sulit ang pagsisikap. Marami ang bumulalas nang may matinding pagkatuwa: “Ito ay isang paraiso!” Ang salitang “paraiso” ay angkop na angkop, yamang ginamit ito ng mga sinaunang Persiano at Griego upang tumukoy sa isang malaki at natutubigang mainam na parkeng may likas na kagandahan kung saan ang mga hayop ay may kalayaan na manginain.

Sa panahong nasisira ang napakaraming likas na tanawin, nakagiginhawang pumunta sa isang lugar kung saan ang kagandahan ay isinauli at higit na ginayakan. Bukod dito, ang nagawa sa isang maliit na paraan sa Cabárceno ay malinaw na nagpapakita kung ano ang kayang gawin ng kamangha-manghang lupang ito.

Nakaaakyat na ngayon ang mga brown bear sa mga dalisdis na hinukay noon ng mga minerong Romano. Nanginginain ang mga elepante at mga gasela sa luntiang mga pastulan na mistulang nakalatag sa isang lugar na noo’y ginawang tiwangwang ng mga naghuhukay. Ang mga batang tigre ay patakbu-takbo sa palibot ng mga deposito ng granito na di-sinasadyang nililok ng mga piko at palang Celtic. At natamo ang pagbabagong ito sa loob lamang ng ilang taon!

Ipinangangako ng Bibliya na balang araw, kasuwato ng orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan, ang buong lupa ay magiging isang paraiso. (Genesis 1:28; 2:15; Isaias 65:17, 22-​25; Lucas 23:42, 43) Ang mga likas na parke tulad ng Cabárceno ay hindi lamang nagbibigay sa atin ng sulyap sa kung ano ang magiging hitsura ng paraiso sa hinaharap kundi ipinaaalaala rin nito sa atin na ang gayong pangako ay tiyak na matutupad dahil may kakayahan ang ating Maylalang na gawin ito.

[Buong-pahinang larawan sa pahina 23]

[Picture Credit Line sa pahina 22]

Lahat ng larawan: Parque de la Naturaleza de Cabárceno