Tagalog
Aleppo Codex
/assets/ct/fa815d8e9f/images/syn_placeholder_sqr.png
nwtstg Aleppo Codex

Aleppo Codex

Aleppo Codex

Sa loob ng daan-daang taon, iningatan ang manuskritong Hebreo na ito ng mga Judio na nakatira sa Aleppo, Syria. Pero sa ngayon, makikita ito sa Israel Museum sa Jerusalem. Ginawa ang manuskritong ito noong mga 930 C.E. sa Tiberias, sa baybayin ng Lawa ng Galilea.—Tingnan ang Ap. A3.

Itinuturing ang codex na ito na pinakamaaasahang manuskrito ng Hebreong Kasulatan na ginawa ng mga iskolar na Masorete. (Tingnan ang TEKSTONG MASORETIKO.) Ang eskribang si Shlomo ben Buya’a ang kumopya ng manuskrito at inayos naman ito ng kilaláng Judiong iskolar na si Aaron Ben Asher. Sinuri niyang mabuti ang lahat ng manuskrito ng Hebreong Kasulatan na mayroon noong panahon niya para matiyak na tumpak ang nasa manuskrito. Naglagay siya ng mga kudlit at mga marka para matukoy ang mga patinig na dapat gamitin, pati na ng mga komentaryo tungkol sa mga teksto. Pinaniniwalaang sinabi ni Maimonides, isang iginagalang na Judiong iskolar noong ika-12 siglo, na ang codex na ito ang pinakamaaasahang manuskrito ng Hebreong Kasulatan, at tinanggap iyon ng maraming Judio.

Ang Aleppo Codex ay tinatayang may 490 pahinang pergamino na karaniwang may tatlong hanay sa bawat pahina. (Tingnan ang PERGAMINO.) Noong una, nilalaman nito ang buong Hebreong Kasulatan sa wikang Hebreo. Pero nawawala na ang mga sangkatlo sa mga pahina nito. Halimbawa, wala na sa codex ang kalakhang bahagi ng Pentateuch, at nawawala naman sa dulong bahagi nito ang Awit ni Solomon (huling bahagi), Eclesiastes, Panaghoy, Esther, Daniel, Ezra, at Nehemias. Pero makikita pa ang buong kopya ng Hebreong Kasulatan sa Leningrad Codex, isang Masoretikong manuskrito na mula pa noong 1008/1009 C.E.—Tingnan ang LENINGRAD CODEX.