Tagalog
Leningrad Codex
/assets/ct/28ada02fb0/images/syn_placeholder_sqr.png
nwtstg Leningrad Codex

Leningrad Codex

Leningrad Codex

Ang codex na ito (tinatawag na B 19A) ay ang pinakamatandang kumpletong manuskritong Hebreo ng Hebreong Kasulatan (o, Lumang Tipan). Naglalaman ito ng tekstong Masoretiko na kinopya sa Al-Fustāt (Old Cairo), Egypt, noong 1008/1009 C.E. (Tingnan ang TEKSTONG MASORETIKO.) Iniingatan ito sa Russian National Library sa St. Petersburg (dating Leningrad), Russia.

Ang codex na ito ay may 491 pahina ng makapal at kulay puting pergamino. Bawat pahina ay may haba na 30 cm at lapad na 27 cm. Nahahati sa tatlong kolum ang bawat pahina maliban sa patulang mga aklat na Job, Awit, at Kawikaan, na dalawa lang ang kolum.

Ang Leningrad Codex ay ginawa ng eskribang si Samuel ben Jacob. Gumamit siya ng ilang manuskrito na ginawa ng kilaláng Judiong iskolar na si Aaron ben Asher. Sinuri ng iskolar na ito ang lahat ng makukuha niyang manuskrito ng Hebreong Kasulatan noong panahon niya para makabuo siya ng tekstong Hebreo na pinakamalapit sa orihinal hangga’t posible. Ang codex na ito ang pinagbasehan ng mas bagong mga akademikong edisyon ng Biblia Hebraica. Ang Biblia Hebraica naman ang pinagbasehan ng karamihan ng salin ng Bibliya sa ngayon.​—Tingnan ang BIBLIA HEBRAICA.

Kamangha-mangha na halos walang pagkakaiba ang tekstong Hebreo na nilalaman ng Leningrad Codex at ang nilalaman ng maraming bahagi ng mga Dead Sea Scroll, na mas matanda ng mahigit 1,000 taon. (Tingnan ang DEAD SEA SCROLL.) Totoo, may ilang pagkakaiba sa ginamit na pananalita, pero hindi nagbago ang mensahe.​—Tingnan ang Ap. A3.