Ano ang Pinaniniwalaan Mo?
Maraming relihiyosong pundamentalista ang naniniwala na ang lupa at ang lahat ng narito ay nilalang sa loob lang ng anim na araw—na bawat isa’y may 24 na oras—mga ilang libong taon pa lang ang nakalilipas. Kukumbinsihin ka naman ng ilang ateista na walang Diyos, na ang Bibliya ay isang aklat ng mga alamat, at na ang lahat ng buhay ay nagkataon lang na umiral.
Pero hindi naman ateista ni panatiko man sa relihiyon ang karamihan sa mga tao, at malamang na isa ka sa kanila yamang binabasa mo ang brosyur na ito. Maaaring naniniwala ka sa Diyos at iginagalang mo ang Bibliya. Pero marahil ay pinahahalagahan mo rin ang opinyon ng mga dalubhasa at maimpluwensiyang siyentipiko, na hindi naniniwalang may lumalang sa buhay. Kung isa kang magulang, baka iniisip mo kung paano sasagutin ang tanong ng iyong mga anak tungkol sa ebolusyon at paglalang.
Ano ang Layunin ng Brosyur na Ito?
Hindi layunin ng brosyur na ito na tuyain ang pangmalas ng mga relihiyosong pundamentalista o ng mga naniniwalang walang Diyos. Sa halip, umaasa kami na mauudyukan ka nito na suriing muli ang mga batayan ng ilan sa iyong paniniwala. Naglalaman ito ng paliwanag tungkol sa ulat ng Bibliya sa paglalang na malamang na hindi mo pa noon napag-iisipan. At idiniriin nito kung bakit talagang mahalaga ang iyong paniniwala tungkol sa pasimula ng buhay.
Maniniwala ka ba sa mga nagsasabing walang matalinong Maylalang at na ang Bibliya ay hindi maaasahan? O susuriin mo kung ano talaga ang sinasabi ng Bibliya? Sa aling turo ka dapat magtiwala at manampalataya: sa turo ng Bibliya o sa turo ng mga ebolusyonista? (Hebreo 11:1) Bakit hindi mo suriin ang mga katibayan?