Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Buháy na Planeta

Ang Buháy na Planeta

Walang mabubuhay sa lupa kung hindi “nagkataon” na eksakto ang pagkakaayos ng mga bagay-bagay sa kalikasan, na ang ilan sa mga ito ay hindi pa natuklasan ni naunawaan man nang malinaw hanggang sa pagsapit ng ika-20 siglo. Kasama rito ang mga sumusunod:

  • Lokasyon ng lupa sa galaksing Milky Way at sa sistema solar, pati na ang orbit, pagkakahilig, pag-inog, at ang di-pangkaraniwang buwan ng planeta

  • Magnetic field at atmospera na nagsisilbing dobleng pananggalang

  • Likas na mga siklo na nagsusustini at naglilinis sa hangin at tubig ng ating planeta

Habang isinasaalang-alang mo ang mga paksang ito, tanungin ang sarili, ‘Nagkataon lang kaya na eksakto ang pagkakaayos ng lupa o sadya itong dinisenyo?’

Perpektong “Adres” ng Lupa

May mas maganda pa bang mapupuwestuhan ang lupa upang masustinihan ang buhay?

Kapag isinusulat mo ang iyong adres, ano ang inilalagay mo? Malamang na isinusulat mo ang iyong bansa, lunsod, at kalye. Ipagpalagay nating “bansa” ng ating lupa ang galaksing Milky Way, “lunsod” ang sistema solar​—samakatuwid nga, ang araw at ang mga planeta nito​—at “kalye” ang orbit ng lupa sa loob ng sistema solar. Dahil sa pagsulong sa astronomiya at pisika, naging malinaw sa mga siyentipiko ang bentaha ng espesyal na puwestong inookupahan natin sa uniberso.

Halimbawa, ang ating “lunsod,” ang sistema solar, ay nasa bahagi ng Milky Way na tinatawag ng mga siyentipiko na “habitable zone.” Ang sonang ito ay hindi masyadong malayo ni masyadong malapit man sa pinakasentro ng galaksi at may tamang-tamang dami ng kemikal na mga elemento na mahalaga sa buhay. Sa dako na mas malayo sa sentro ng galaksi, napakakaunti ng gayong mga elemento; sa mga lugar naman na mas malapit sa sentro, napakaraming nakamamatay na radyasyon at iba pang panganib. Kaya gaya nga ng paglalarawan ng magasing Scientific American, “nakatira tayo sa pinakamagandang lote.”1

Perpektong “kalye”: Perpekto rin ang “kalye,” o orbit, ng lupa na nasa loob ng ating “lunsod” na sistema solar. Sa orbit na ito, na mga 150 milyong kilometro ang layo mula sa araw, hindi sobrang lamig ni sobrang init man. Kaya naman may nabubuhay rito. Bukod diyan, ang dinaraanan ng lupa ay halos pabilog, kaya hindi gaanong nagbabago ang distansiya natin mula sa araw sa buong taon.

Samantala, ang araw naman ang perpektong “planta ng enerhiya.” Hindi pabagu-bago ang antas ng enerhiya ng araw, tama ang laki nito, at naglalabas ito ng tamang-tamang dami ng enerhiya. Angkop lang na tawagin itong “napakaespesyal na bituin.”2

Perpektong “kapitbahay”: Kung pipili ka ng “kapitbahay” para sa lupa, wala ka nang makikitang mas mabuti pa sa buwan. Ang diyametro nito ay malaki nang kaunti sa sangkapat ng diyametro ng lupa. Kaya kung ang proporsiyon ng laki ng buwan sa iniikutan nitong planeta ang pag-uusapan, napakalaki ng ating buwan kung ihahambing sa iba pang buwan sa ating sistema solar. Nagkataon lang? Mukhang hindi.

Una, ang buwan ang pangunahing sanhi ng pagtaas at pagbaba ng tubig sa dagat, na mahalaga para manatiling balanse ang mga elemento sa kalikasan. Nakakatulong din ang buwan para hindi mabago ang pagkakahilig ng axis ng lupa. Kung hindi ganito ang pagkakadisenyo sa buwan, magpapagiwang-giwang ang lupa, tatagilid, at baka bumaligtad pa nga na gaya ng trumpo! Kapaha-pahamak ang idudulot nitong mga pagbabago sa klima, alon ng dagat, at iba pa.

Perpektong pagkakahilig at pag-inog ng lupa: Dahil nakahilig ang lupa nang mga 23.4 digri, mayroon tayong taunang siklo ng mga kapanahunan, katamtamang temperatura, at malawak na mga sona ng klima. “‘Tamang-tama’ talaga ang pagkakahilig ng axis ng ating planeta,” ang sabi ng aklat na Rare Earth​—Why Complex Life Is Uncommon in the Universe.3

“Tamang-tama” rin ang haba ng araw at gabi dahil sa pag-inog ng lupa. Kung mas mabagal ang inog nito, magiging mas mahaba ang araw at masusunog ang panig ng lupa na nakaharap sa araw samantalang magyeyelo naman ang kabilang panig. Sa kabaligtaran, kung iinog nang mas mabilis ang lupa, magiging mas maikli ang araw, marahil ilang oras na lang ang haba nito, at ang mabilis na inog ng lupa ay magdudulot ng walang-tigil na hagupit ng hangin at ng iba pang kapaha-pahamak na resulta.

Ang Pananggalang ng Lupa

Ang kalawakan ay isang mapanganib na lugar dahil sa nakamamatay na radyasyon at mga meteoroid. Sa kalawakang ito dumaraan ang ating asul na planeta na waring sumusuong sa gitna ng “barilan,” gayunma’y hindi napupuruhan. Bakit? Dahil ang lupa ay protektado ng kamangha-manghang pananggalang​—malakas na magnetic field at atmospera na sadyang dinisenyo para sumustine sa buhay.

Ang di-nakikitang magnetikong pananggalang ng lupa

Ang magnetic field ng lupa: Ang gitnang bahagi ng ating planeta ay isang umiikot na bola ng tunáw na bakal. Dito nagmumula ang malakas na puwersa ng magnetic field ng ating planeta na umaabot hanggang sa kalawakan. Ipinagsasanggalang tayo nito mula sa direktang tama ng radyasyon galing sa kalawakan at sa iba pang mapanganib na mga elemento mula sa araw. Kasama sa mga elementong ito ang solar wind, ang tuluy-tuloy na daloy ng partikula na punô ng enerhiya; solar flare, na sa ilang minuto lang ay nakapaglalabas ng enerhiyang sinlakas ng bilyun-bilyong bombang hidroheno; at mga pagsabog na nagbubuga ng bilyun-bilyong tonelada ng materya mula sa corona, o panlabas na rehiyon ng araw, patungo sa kalawakan. May makikita kang katibayan na magpapaalaala sa iyo sa proteksiyong dulot ng magnetic field ng lupa. Ang mga solar flare at pagsabog sa corona ng araw ay lumilikha ng matitingkad na aurora, makukulay na liwanag na makikita sa itaas na bahagi ng atmospera malapit sa magnetikong mga polo ng lupa.

Aurora borealis

Atmospera ng lupa: Dahil sa mistulang kumot na ito ng mga gas, nakakahinga tayo. Nagsisilbi din itong proteksiyon. Ang panlabas na bahagi ng atmospera, ang stratosphere, ay may isang anyo ng oksiheno na tinatawag na ozone na humaharang sa 99 na porsiyento ng radyasyong ultraviolet (UV). Kaya ang maraming anyo ng buhay, kasali na ang mga tao at mga plankton na pinagmumulan ng malaking porsiyento ng oksiheno, ay ipinagsasanggalang ng ozone layer mula sa mapanganib na radyasyon. Pabagu-bago ang dami ng ozone sa stratosphere depende sa tindi ng radyasyong UV, kaya ang ozone layer ay isang mabisang pananggalang.

Ipinagsasanggalang tayo ng atmospera mula sa mga bulalakaw

Ang atmospera ay nagsasanggalang din sa atin mula sa araw-araw na pagbulusok ng milyun-milyong bato mula sa kalawakan, ang ilan ay pagkaliliit at ang iba naman ay pagkalalaki. Mabuti na lang, ang karamihan sa mga ito ay nasusunog na sa atmospera, at nagiging matingkad na mga kislap ng liwanag na tinatawag na meteor, o bulalakaw. Pero ang init at nakikitang liwanag, mga radyasyon na mahalaga sa buhay, ay hindi hinaharang ng mga pananggalang ng lupa. Ang atmospera ay nakakatulong pa nga para maikalat ang init sa palibot ng globo, at sa gabi, nagsisilbi itong kumot para hindi kaagad makalabas ang init.

Hindi pa rin lubos na maunawaan ang kamangha-manghang disenyo ng atmospera ng lupa at ng magnetic field nito. Ganiyan rin ang masasabi sa mga siklong nagaganap sa lupang ito na kailangan upang masustinihan ang buhay.

Nagkataon lang ba na ang ating lupa ay pinoprotektahan ng dobleng dinamikong pananggalang?

Likas na mga Siklo Para sa Buhay

Kapag pinutol ang suplay ng sariwang hangin at tubig ng isang lunsod at binarahan ang mga imburnal nito, magkakasakit at mamamatay ang mga tao. Pero pag-isipan ito: Ang ating planeta ay hindi naman tulad ng isang restawran na kumukuha ng bagong suplay ng pagkain sa labas at nagtatapon ng basura nito palabas. Ang malinis na hangin at tubig ay hindi naman natin kinukuha mula sa malayong kalawakan at ang mga basura ay hindi natin isinasakay sa rocket para itapon sa kalawakan. Kung gayon, paano nananatiling balanse ang lupa at puwedeng panirahan? Ang sagot: likas na mga siklo, gaya ng siklo ng tubig, karbon, oksiheno, at nitroheno, na ipinaliliwanag at inilalarawan dito sa simpleng paraan.

Ang siklo ng tubig: Ang tubig ay mahalaga sa buhay. Walang isa man sa atin ang mabubuhay sa loob ng ilang araw kung walang tubig. Dahil sa siklo ng tubig, may suplay ng sariwa at malinis na tubig sa buong lupa. Ang siklong ito ay may tatlong yugto. (1) Pinasisingaw ng init ng araw ang tubig papuntang atmospera sa pamamagitan ng ebaporasyon. (2) Nabubuo ang mga ulap dahil sa kondensasyon ng malinis na tubig na ito. (3) Ang mga ulap naman ay nagiging ulan, graniso, nagbubuo-buong yelo, o niyebe, na bumabagsak sa lupa, kaya bumabalik ang tubig sa pinagmulan nito. Gaano karaming tubig ang nareresiklo taun-taon? Ayon sa mga pagtaya, napakarami nito anupat kaya nitong takpan ang buong planeta sa lalim na halos 100 sentimetro.4

Ang siklo ng karbon at siklo ng oksiheno: Gaya ng alam mo, kailangan mong langhapin ang oksiheno at ilabas ang carbon dioxide para mabuhay. Pero sa bilyun-bilyong tao at hayop na gumagawa nito, bakit kaya hindi nauubusan ng oksiheno ang ating atmospera at hindi naman ito napupuno ng carbon dioxide? Ang sagot? Dahil sa siklo ng oksiheno. (1) Sa kamangha-manghang proseso ng potosintesis, ginagamit ng halaman ang carbon dioxide na inilalabas natin pati na ang enerhiya mula sa araw upang makalikha ng carbohydrates at oksiheno. (2) Mabubuo ang siklo kapag nilanghap uli natin ang oksiheno. Ang lahat ng prosesong ito ay nagaganap nang walang naaaksaya at walang nalilikhang dumi at ingay.

Ang siklo ng nitroheno: Ang buhay sa lupa ay nakadepende rin sa produksiyon ng organikong mga molekula tulad ng protina. (A) Kailangan ng nitroheno para makagawa ng gayong molekula. Mabuti na lang at mga 78 porsiyento ng ating atmospera ay nitroheno. Dahil sa kidlat, ang nitroheno ay nagiging mga compound (kombinasyon ng dalawa o higit pang elemento) na mapapakinabangan ng halaman. (B) Ginagamit naman ng mga halaman ang mga compound na ito para gumawa ng organikong mga molekula. Kaya nakakakuha rin ng nitroheno ang mga hayop na kumakain ng halaman. (C) Kapag may namamatay na mga halaman at hayop, binubulok ito ng mga baktirya. Sa prosesong ito, naghihiwa-hiwalay ang compound na nitroheno, at bumabalik sa lupa at atmospera ang nitroheno.

Perpektong Pagreresiklo!

Taun-taon, ang mga tao ay gumagamit ng mga teknolohiyang lumilikha ng tone-toneladang nakalalasong basura na hindi na maireresiklo. Pero nareresiklo ng lupa ang lahat ng basura nito nang hindi nasisira ang kalikasan, gamit ang napakahusay na kemikal na mga proseso.

Sa palagay mo, saan nagmula ang kakayahan ng lupa na magresiklo sa sistematikong paraan? “Kung talagang nagkataon lang ang kakayahan ng Lupa na panatilihing balanse ang ekosistema nito, imposibleng maging ganito kaperpekto ang paraan ng pagtutulungan sa kalikasan,” ang sabi ng manunulat tungkol sa relihiyon at siyensiya na si M. A. Corey.5 Sang-ayon ka ba sa kaniyang konklusyon?