Siyensiya at ang Ulat ng Genesis
Sinasabi ng maraming tao na pinasisinungalingan ng siyensiya ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang. Pero hindi ang siyensiya at ang Bibliya ang talagang nagkakasalungatan, kundi ang siyensiya at ang opinyon ng mga Kristiyanong Pundamentalista. Iginigiit ng ilan sa mga grupong ito na ayon sa Bibliya, ang paglalang ng lahat ng pisikal na bagay ay naganap sa loob ng anim na araw—na bawat isa’y may 24 na oras—10,000 taon na ang nakalilipas.
Gayunman, salungat sa Bibliya ang konklusyong iyan. Kasi kung hindi, magiging kuwestiyunable ang Bibliya dahil sa maraming bagay na natuklasan sa siyensiya nitong nakalipas na 100 taon. Kapag sinuring mabuti ang nakasulat sa Bibliya, wala ritong makikitang salungat sa mga katotohanang napatunayan na ng siyensiya. Dahil dito, hindi sang-ayon ang mga Saksi ni Jehova sa mga Kristiyanong Pundamentalista at sa maraming creationist. Narito ang talagang itinuturo ng Bibliya.
Hindi itinuturo ng Genesis na ang lupa at ang uniberso ay nilalang sa loob lang ng anim na araw—na ang bawat isa’y may 24 na oras—mga ilang libong taon pa lang ang nakalilipas
Kailan ba ang “Pasimula”?
Simple ngunit mapuwersa ang pambungad na pangungusap ng Genesis: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Sang-ayon ang maraming iskolar sa Bibliya na ang binabanggit na pangyayari sa talatang ito ay iba sa mga araw ng paglalang na binabanggit mula sa talata 3 patuloy. Napakahalaga ng kahulugan nito. Ayon sa pambungad na pangungusap ng Bibliya, ang uniberso, pati na ang ating planetang Lupa, ay umiiral na nang napakatagal na panahon bago pa magsimula ang mga araw ng paglalang.
Ayon sa tantiya ng mga heologo, ang lupa ay mga 4 na bilyong taon na, at ayon sa kalkulasyon ng mga astronomo, ang uniberso ay maaaring 15 bilyong taon na. Ang mga natuklasan bang ito—o ang posibleng mga pagbabago nito sa hinaharap—ay salungat sa Genesis 1:1? Hindi. Hindi binabanggit ng Bibliya kung gaano na talaga katagal umiiral “ang langit at ang lupa.” Hindi nagkakasalungatan ang siyensiya at ang Bibliya.
Gaano Katagal ang mga Araw ng Paglalang?
Kumusta naman ang haba ng mga araw ng paglalang? Literal bang 24 na oras ang mga ito? Sinasabi ng ilan na yamang ang araw na kasunod ng anim na araw ng paglalang ay ginamit ni Moises—manunulat ng Genesis—bilang parisan ng lingguhang Sabbath, ang haba ng bawat araw ng paglalang ay literal na 24 na oras. (Exodo 20:11) Sinusuportahan ba ng mga salita sa Genesis ang konklusyong ito?
Genesis 2:4) Bukod dito, sa unang araw ng paglalang, “pinasimulan ng Diyos na tawaging Araw ang liwanag, ngunit ang kadiliman ay tinawag niyang Gabi.” (Genesis 1:5) Dito, isang bahagi lang ng 24 na oras ang tinukoy bilang “araw.” Talagang walang makikitang basehan sa Kasulatan na nagsasabing 24 na oras lang ang bawat araw ng paglalang.
Hindi. Ang totoo, ang salitang Hebreo na isinaling “araw” ay maaaring mangahulugan ng iba’t ibang haba ng panahon, hindi lang ng 24 na oras. Halimbawa, nang ibuod ni Moises ang paglalang ng Diyos, tinukoy niya ang buong anim na araw ng paglalang bilang isang araw. (Kung gayon, gaano kahaba ang mga araw ng paglalang? Walang sinasabi ang Bibliya; pero ipinahihiwatig ng mga salita sa Genesis kabanata 1 at 2 na mahahabang yugto ng panahon ang nasasangkot.
Anim na Yugto ng Paglalang
Isinulat ni Moises ang kaniyang ulat sa wikang Hebreo at ayon sa nakikita ng isang taong nasa ibabaw ng lupa. Dahil sa dalawang bagay na ito, pati na ang katotohanang umiiral na ang uniberso bago pa magsimula ang mga yugto o mga araw ng paglalang, nasagot ang kontrobersiya tungkol sa ulat ng paglalang. Paano?
Ang mga pangyayaring nagsimula sa isang “araw” ay nagpatuloy pa hanggang sa sumunod na araw o “mga araw”
Mula sa maingat na pagsusuri sa ulat ng Genesis, makikita na ang mga pangyayaring nagsimula sa isang “araw” ay nagpatuloy pa hanggang sa sumunod na “araw” o “mga araw.” Halimbawa, bago magsimula ang unang “araw” ng paglalang, hindi pa makatagos sa ibabaw ng lupa ang liwanag mula sa araw na umiiral na noon, malamang na dahil sa makapal na ulap. (Job 38:9) Nahawi ang takip na ito sa unang “araw,” anupat nakatagos ang liwanag sa atmospera. a
Sa ikalawang “araw,” paaliwalas pa rin nang paaliwalas ang atmospera, anupat nagkaroon ng puwang sa pagitan ng makapal na ulap sa itaas at ng karagatan sa ibaba. Pagsapit ng ikaapat na “araw,” umaliwalas na nang husto ang atmospera anupat lumitaw na ang araw at buwan “sa kalawakan ng langit.” (Genesis 1:14-16) Sa ibang salita, mula sa nakikita ng isang taong nasa lupa, naaaninag na ang araw at buwan. Unti-unting naganap ang mga bagay na ito.
Sinasabi rin sa ulat ng Genesis na nagsimulang lumitaw sa ikalimang “araw” ang mga lumilipad na nilalang—pati na ang mga insekto at mga nilalang na may lamad sa pakpak.
Batay sa pananalita ng Bibliya, may posibilidad na ang mahahalagang pangyayari sa bawat araw, o yugto ng paglalang ay unti-unting naganap sa halip na biglaan, marahil ang ilan ay umabot pa nga hanggang sa sumunod na mga araw ng paglalang. b
Ayon sa Kani-kanilang Uri
Yamang unti-unting lumitaw ang mga halaman at hayop, nangangahulugan ba ito na ginamit ng Diyos ang ebolusyon para magkaroon ng sari-saring bagay na may buhay? Hindi. Maliwanag na sinasabi ng ulat na nilalang ng Diyos ang bawat pangunahing “uri” ng halaman at hayop. (Genesis 1:11, 12, 20-25) Nakaprograma ba sa orihinal na mga ‘uring’ ito ng mga halaman at hayop ang kakayahang umangkop sa nagbabagong mga kalagayan sa kapaligiran? Gaano kalaki ang puwedeng maging pagbabago ng isang “uri”? Walang sinasabi ang Bibliya. Gayunman, sinasabi nito na ang mga nilalang na buháy ay ‘bumukal ayon sa kani-kanilang uri.’ (Genesis 1:21) Ipinahihiwatig ng pangungusap na ito na may limitasyon ang pagbabagong maaaring mangyari sa isang “uri.” Pinatutunayan ng rekord ng fosil at ng modernong pananaliksik na halos hindi nabago ang pangunahing mga kategorya ng halaman at hayop sa loob ng mahahabang yugto ng panahon.
Tinitiyak ng modernong pananaliksik na ang lahat ng nabubuhay ay nagpaparami “ayon sa kani-kanilang uri”
Salungat sa pag-aangkin ng ilang relihiyosong pundamentalista, hindi itinuturo ng Genesis na ang uniberso, pati na ang lupa at ang lahat ng nabubuhay na bagay rito, ay nilalang sa maikling yugto ng panahon ‘kamakailan’ lang. Sa halip, ang ulat ng Genesis tungkol sa paglalang ng uniberso at sa pag-iral ng buhay sa lupa ay kaayon ng maraming tuklas sa siyensiya kamakailan.
Dahil sa kanilang pilosopikal na mga paniniwala, maraming siyentipiko ang hindi naniniwala sa sinasabi ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang lahat ng bagay. Gayunman, kapansin-pansin na sa sinaunang aklat ng Bibliya na Genesis, isinulat ni Moises na may pasimula ang uniberso at unti-unting umiral ang buhay sa paglipas ng mga yugto ng panahon. Paano nalaman ni Moises ang gayon katumpak na impormasyon sa siyensiya mga 3,500 taon na ang nakalilipas? May isang makatuwirang paliwanag. Ang Isa na may kapangyarihan at karunungan na lalangin ang langit at lupa ang tiyak na nagbigay kay Moises ng gayon katumpak na kaalaman sa siyensiya. Patunay lang ito na talagang “kinasihan ng Diyos” ang Bibliya. c—2 Timoteo 3:16.
Pero baka maisip mo, mahalaga ba talaga kung naniniwala ka sa ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang? Pag-isipan ang ilang nakakukumbinsing dahilan kung bakit mahalaga ang iyong pinaniniwalaan.
a Nang ilarawan ang nangyari sa unang “araw,” ang ginamit na salitang Hebreo para sa liwanag ay ’ohr, o liwanag sa pangkalahatang diwa; ngunit sa ikaapat na “araw,” ang ginamit na salita ay ma·’ohrʹ, na tumutukoy naman sa pinagmumulan ng liwanag.
b Halimbawa, noong ikaanim na araw ng paglalang, inutusan ng Diyos ang mga tao na ‘magpakarami at punuin ang lupa.’ (Genesis 1:28, 31) Pero naganap lang ito nang sumunod na “araw.”—Genesis 2:2.
c Para sa higit pang impormasyon, panoorin ang maikling video na Paano Tayo Nakakasiguro na Totoo ang Sinasabi ng Bibliya? na available sa jw.org/tl.