CAROL APPLEBY | KUWENTO NG BUHAY
Napalaki Ko ang Limang Anak Ko sa Tulong ni Jehova
Buong buhay ko, nakatira ako sa North Yorkshire, England, malapit sa bayan ng Malton. Maganda ang lugar na ito kasi maburol ito, may mga gubat, madadamong lugar, pakurbang mga daan, mga bahay na gawa sa bato, at magagandang nayon. Napakaganda ng lugar na ito para magpalaki ng limang anak. Pero hindi ito laging madali. Hayaan ninyong ikuwento ko ito sa inyo.
Lumaki ako kasama ng magulang ko, dalawang kapatid na lalaki, at dalawang kapatid na babae sa isang maliit na bukid. Nandoon na ang halos lahat ng kailangan namin para mabuhay, gaya ng mga manok, baboy, at baka. Siyempre, hindi madaling mabuhay sa bukid kaya kailangan naming magsipag, pero masaya kami.
Sa bukid noong 14 ako
Nagsisimba kami sa Methodist. Dahil mahusay kumanta si Tatay, kasama siya sa choir at nagpupunta sa iba’t ibang simbahan sa lugar namin para kumanta. Madalas akong sumama sa kaniya. Gawa sa bato ang malalaking simbahan, kaya malamig sa loob kapag winter. Laging nakatayo si Tatay sa unahan ng simbahan para kumanta. Para sa mga prominenteng tao lang ang mga upuan sa unahan, kaya nakaupo lang ako sa likuran. Pero gustong-gusto ko pa ring marinig ang pagkanta ni Tatay.
Tuwing linggo, dinadalaw kami ni Lola, ang nanay ni Tatay. Kaso noong malapit na akong mag-16, namatay siya. Sobrang lungkot ko noon. Gusto kong malaman kung nasaan siya at kung makikita ko pa siya uli. Kaya ilang beses akong pumunta sa isang espiritista. Malamig at marumi ang bahay niya, at nakakatakot. Gusto ko lang naman malaman kung nasaan si Lola, pero hindi ito masagot ng espiritista.
Pagkalipas ng ilang taon, niyaya ako ng isang kamag-anak ni Tatay na isang Saksi ni Jehova na dumalo sa pulong nila. Pumunta ako kahit ang balita ko, kakaiba ang mga paniniwala nila. Pagkatapos ng pulong, nilapitan ako ng isang mabait na babae at inalok akong mag-aral ng Bibliya. Dito ko unang nakilala si Jehova. Noong una, King James Version ang ginagamit ko kasi sabi ni Nanay, mali ang salin ng Bibliya na ginagamit ng mga Saksi. Pero napatunayan ko na hindi ito totoo.
Gustong-gusto ko ang mga natututuhan ko sa pag-aaral ng Bibliya, lalo na nang malaman ko na parang natutulog lang si Lola at na makikita ko siya uli sa pagkabuhay-muli! a Habang nag-aaral ako ng Bibliya, nakita kong wala pala talaga akong alam tungkol sa Diyos o sa Bibliya. At kahit maraming taon nang nagpupunta si Tatay sa simbahan, halos wala rin pala siyang alam tungkol sa Diyos. Kinakanta namin ang kantang “Guide Me, O Thou Great Jehovah” nang maraming beses. Pero hindi talaga namin alam kung sino ang tinutukoy sa kanta.
Pag-aasawa at Pagsalansang
Nagpakita ng interes sa katotohanan ang boyfriend kong si Ian at nagpa-Bible study. Isinasabuhay na niya ang ilan sa mga natututuhan niya. Huminto pa nga siya sa paninigarilyo. Nagpakasal kami noong Setyembre 1971. Pero di-nagtagal, nasubok ang pananampalataya namin nang biglang mamatay ang biyenan kong babae. Dahil doon, gusto ng mga kapamilya at malalapít na kaibigan namin na sumama kami sa mga gathering na isinaayos nila. Kaso marami sa kanila ang naninigarilyo at malakas uminom. Kaya natutukso si Ian na bumalik sa dati niyang mga bisyo.
Nakakalungkot, nagpatukso si Ian at unti-unti nang nahirapan na isabuhay ang mga natututuhan niya. Hindi na siya regular na nakakapag-Bible study at nakakadalo sa mga pulong. Pero gustong-gusto kong mag-Bible study, dumalo sa mga pulong, at magministeryo. Nabautismuhan ako noong Marso 9, 1972. Pumunta si Ian para makita ang bautismo ko. Pero unti-unti, sinalansang niya ang paglilingkod ko kay Jehova. Noong una, ayaw lang niyang makita ang mga publikasyon natin. Pagkatapos, ayaw na niya akong sumama sa ministeryo. Bandang huli, pinipilit na niya akong sumama sa kaniya sa bar sa lugar namin para dumalo sa Christmas party at birthday party. Kung minsan, sumasama ako sa kaniya para ipakitang iginagalang ko ang pagkaulo niya. Pero nagiging maingat ako na makisali sa mga gawain na inaayawan ni Jehova. b Pumupunta ako sa banyo para paulit-ulit na manalangin kay Jehova na tulungan niya akong manatiling tapat sa kaniya at magkaroon ng malinis na konsensiya. Naramdaman kong lagi akong tinutulungan ni Jehova.
May tatlong anak na lalaki kami ni Ian: Sina Philip, Nigel, at Andrew. Halos wala lagi sa bahay ang asawa ko kasi driver siya ng truck. Sinikap kong maging mabuting asawa sa kaniya habang ginagawa ko ang lahat ng magagawa ko para mapaglingkuran si Jehova. Nagmiministeryo ako kapag wala siya. Pero kapag nasa bahay siya tuwing weekend, hindi ako umaalis para makasama ko siya. Sinisiguro ko rin na wala akong nasasabing negatibo tungkol sa kaniya sa mga anak ko.
Marami akong naging kaibigan sa kongregasyon. Naisasama ko ang ilan sa kanila kapag dinadalaw ko sina Nanay at Tatay. Unti-unti, nagustuhan ng mga magulang ko ang mga bago kong kaibigan. Nang mamatay ang isang brother sa kongregasyon namin, dumalo si Nanay sa pahayag para sa libing sa Kingdom Hall. Di-nagtagal, nag-aral ng Bibliya at nabautismuhan sina Nanay, Tatay, Kuya Stanley, at ang asawa niyang si Averil.
May isang anak na lalaki at isang anak na babae sina Kuya Stanley at Averil. Gustong-gusto namin ng hipag ko na magministeryo kasama ang mga anak namin. Pero pareho kaming walang sasakyan kaya naglalakad kami nang napakalayo. Tulak-tulak namin ang stroller ng mga bata, pero napakasaya namin. Si Andrew ang nasa stroller. Nakaupo naman si Nigel sa ibabaw nito, habang kasama naman naming naglalakad si Philip na nakahawak sa stroller.
Nagka-camping para dumalo ng kombensiyon kasama sina Philip, Nigel, at Tatay
Pagsasanay sa mga Anak Namin
Nagkaroon pa kami ni Ian ng dalawang anak: sina Caroline at Debbie. Gusto kong makilala at mapaglingkuran ng mga anak ko si Jehova, kaya determinado akong sanayin sila. Gusto kong gawin ang lahat ng magagawa ko para masunod ang mga payo ng Bibliya para sa mga magulang. Nag-alay na ako kay Jehova, at gusto kong ipakita sa mga anak ko na pinapahalagahan ko ito. Kaya sinisikap kong mamuhay sa paraang gusto ni Jehova.
Ang isa sa mga unang tekstong nakabisado ko ay ang 1 Corinto 15:33. Sinabi dito: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.” Sa isang asamblea, sinabi ng isang sister na pinapayuhan niya ang mga anak niya na kapag tapos na ang klase, hindi na sila dapat makisama sa mga kaklase nila. Gusto ko ring gawin iyon, pero hindi iyon madali! Kung minsan, patagong umaalis ang mga bata para makipaglaro ng football sa mga kaklase nila. Mababait naman ang mga kaklase nila, pero hindi sila mga lingkod ni Jehova. Kitang-kita iyon sa sinasabi at ginagawa nila.
Kaya minsan, sinabi ko sa mga bata na kung gusto nilang maglaro ng football pagkatapos ng klase, makikipaglaro ako sa kanila. Kaso hindi naman talaga ako naglalaro ng football, kaya hindi sila nag-enjoy. Pero hindi ako sumuko na tulungan silang makita na kailangan nilang pumili ng mabubuting kasama. ’Buti na lang, nakahanap din sila ng libangan na hindi kailangang makisama sa mga di-lingkod ni Jehova.
Isa pang teksto na lagi kong tinatandaan ay ang 1 Juan 2:17. Sinabi dito: “Ang sanlibutan ay lumilipas, pati ang pagnanasa nito, pero ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.” Alam kong lilipas ang mundo ni Satanas, kaya gusto kong tulungan ang mga anak ko na magkaroon ng espirituwal na mga tunguhin para mapasaya nila si Jehova magpakailanman. Kapag may problema, gaano man ito kaliit, nananalangin ako kay Jehova at lagi akong nakakakita ng sagot sa Bibliya. Kapag ipinapakita ko sa mga anak ko ang sinasabi ng Bibliya, nakikita nilang si Jehova ang gumagabay sa kanila, hindi ako. Tinuturuan ko sila sa mga sinasabi ko at ipinapakita kong halimbawa. At naging maganda ang resulta nito. Halimbawa, mula noong mga bata pa sila, nagkaroon na sila ng mga return visit sa ministeryo na talagang nagpatibay at nagpasaya sa kanila.
Alam kong napakahalaga ng pagdalo sa mga pulong. May mga pagkakataon na pagod na ang mga bata kapag midweek meeting. Kaya kapag araw ng pulong, susunduin ko sila sa school, magmemeryenda kami, at iidlip. Kaya hindi na sila pagod sa pulong. Uma-absent lang kami sa pulong kapag may sakit ang isa sa amin. Pero pinag-uusapan namin sa bahay ang mga tatalakayin sa pulong na iyon. Manonood lang kami ng TV pagkatapos nito. Minsan, biglang umuuwi ng bahay si Ian. Kaya magmamadali kaming itago ang mga aklat at bubuksan ang TV.
Sinisigurado rin namin na gawing regular ang family worship namin. Pinag-uusapan namin minsan ang tungkol sa Bethel at kung saang department nila gustong magboluntaryo.
Mula sa kaliwa pakanan: Ang mahal kong mga anak—sina Philip, Caroline, Debbie, Andrew, at Nigel
Goal Naming Magpayunir
Noong 16 na ang panganay kong si Philip, inalukan siyang magtrabaho nang full-time bilang mekaniko. Pero puwede niya ring piliing magtrabaho nang part-time bilang tagalinis ng bintana. Kaso ayaw niya ng part-time. Sinabi niya na kailangan niyang magtrabaho nang full-time para makatulong sa mga gastusin sa bahay. Ipinaliwanag ko sa kaniya na hindi niya iyon responsibilidad kundi sa tatay niya. Sinabi ko sa kaniya na nakakaraos naman kami. Sinabi ko rin na kapag nagtrabaho siya nang part-time, makakapagpayunir siya agad.
Pagka-graduate ni Philip sa school, nag-regular pioneer agad siya, at nag-auxiliary pioneer naman ako. Ganoon din ang ginawa ng pangalawang anak kong si Nigel. Sabay kaming nag-regular pioneer pagka-graduate niya. Naisip ko na kung magpapayunir ako kahit isang taon lang, matutulungan ko ang mga anak ko sa pangangaral at makakapag-aral ako sa pioneer school. Di-nagtagal, sabay kaming nag-aral ni Nigel sa pioneer school.
Mula pa noon, talagang nag-e-enjoy ako sa pagpapayunir. Alam kong nagiging mabuting halimbawa ako sa mga anak ko sa ganitong paraan ng paglilingkod kay Jehova. Sa tulong ni Jehova, 35 taon na akong payunir. Siguradong pipigilan ako ni Ian kapag nalaman niyang payunir ako. Kaya nangangaral ako kapag weekdays habang nasa biyahe siya para magkasama kami pagkauwi niya.
Di-nagtagal, nag-apply at natanggap si Nigel sa Bethel. Naging mature siya doon sa tulong ng mabubuting kaibigan at maraming pagsasanay. Nakapag-aral naman sa Ministerial Training School sina Philip at Andrew. c Kitang-kita ko ang magagandang pagbabago sa kanila pagkatapos nilang mag-aral. (1 Pedro 5:10) Napakalaking tulong talaga sa mga kapatid ang mga paaralan sa organisasyon ni Jehova. Nagpapasalamat ako sa kaniya at sa organisasyon sa pagsasanay sa mga anak ko.
Papunta sa ministeryo
Mahihirap na Sitwasyon
Sa loob ng maraming taon, napaharap ako sa maraming problema. Isa sa mabigat na problemang nangyari sa akin ay nang maging di-tapat ang asawa ko. Pagkalipas ng 33 taon, iniwan niya ako at sumama sa iba. Napakahirap ding makita ang pagtanda ng mga magulang ko. Namatay si Tatay noong Marso 1997. Kaya mag-isa na lang si Nanay at talagang nalulungkot siya. Hindi rin siya marunong magmaneho. Kaya madalas, tinatawagan ko siya para sabihin, “Gusto mo bang ipagmaneho kita at sumama sa mga RV ko?” Pagkalipas ng ilang taon, nagpayunir na rin si Nanay. Dahil doon, bumalik ang sigla niya kasi nakita niyang magagamit pa rin niya ang buhay niya para kay Jehova. Sa loob ng 10 taon, nag-enjoy siya sa pagpapayunir hanggang sa mamatay siya.
Hindi naging madali na palakihin ang limang anak ko sa katotohanan. Alam kong sila ang magdedesisyon kung paglilingkuran nila si Jehova. Hindi ko sila puwedeng pilitin, pero may puwede rin akong gawin. Kaya nagpagabay ako sa Diyos at ginawa ko ang lahat para maturuan ang mga anak ko sa salita at halimbawa ko. Masayang-masaya akong pinili nilang maglingkod sa Diyos. d Talagang tinulungan ako ni Jehova na mapalaki ko sila.
Kasama ang mga anak ko ngayon
a Tingnan ang video na Ano ang Kalagayan ng mga Patay?
b Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 5 na “Mga Kapistahan at Selebrasyon” sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman.
c Pinalitan ito ng School for Kingdom Evangelizers.
d Ngayon, naglilingkod si Philip bilang isang instructor sa mga theocratic school sa Ireland. Naglilingkod naman si Nigel bilang Assembly Hall servant sa England. Elder naman si Andrew at 30 taon nang payunir. Limang taon nang payunir si Caroline, habang nakatira naman si Debbie sa bahay kasama si Carol at sinusuportahan ito sa ministeryo.

