Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Si Jonathan ba ay nawalan ng pagpapala ng Diyos nang siya’y kumain ng pulot-pukyutan pagkatapos na sumpain ni Haring Saul ang sinumang kawal na kakain bago matapos ang pakikipagbaka?
Ang padalus-dalos na panunumpa ni Saul ay naghanay sa Israel para sa pagtanggap ng isang sumpa, ngunit waring si Jonathan ay hindi dumanas ng di pagsang-ayon ni Jehova dahilan sa paglabag sa pinanumpaan.
Ang Unang Samuel 14:24-45 ang naglalahad ng pangyayaring ito. Ang mga Israelita, na naging matapang dahilan sa mga tagumpay ni Jonathan, ay nakikipagbaka sa kaaway na mga Filisteo. Sinabi ni Haring Saul: “Sumpain ang lalaki na kumain ng anumang pagkain bago gumabi at hanggang sa makapaghiganti ako sa aking mga kaaway!” (1 Sam 14 talata 24) Yamang hindi niya nalalaman ang pinanumpaang ito ng kaniyang ama, si Jonathan ay nagpanibagong-lakas sa pamamagitan ng pagkain ng pulot-pukyutan. Ang mga ibang mandirigmang Isaraelita, na hapo na rin, ay nagkasala sapagkat kumatay sila ng baka at kinain nila ang karne na hindi pinatulo ang dugo. Si Saul ay nagtayo ng dambana ukol sa kasalanang iyon, ngunit hindi niya alam ang ginawa ng kaniyang anak.
Nang si Saul ay humingi ng patnubay sa Diyos para maipagpatuloy niya ang pakikipagbaka, si Jehova ay hindi tumugon. Sa pamamagitan ng paggamit ng Thummin (marahil ito’y may kinalaman sa mga sagradong palabunutan), napag-alaman ni Saul na nilabag ng kaniyang anak ang pinanumpaan. Subalit sa talaga’y gaano bang kalaki ang pagkakasala ni Jonathan?
Alalahanin ang saloobin ng hari nang panunumpa niya. Wala siyang hangarin na parangalan ang Diyos sa pamamagitan ng pagtatagumpay sa mga Filisteo. Bagkus, padalus-dalos na sinumpa ni Saul ang sinuman na kakain “hanggang sa hindi ako nakapaghihiganti sa aking mga kaaway!” Oo, ang panunumpang iyon ay bunga ng isang maling pagkakilala sa makaharing kapangyarihan o sa isang di-tunay na sigasig. Ang panunumpang iyon ay hindi sasang-ayunan ng Diyos. Ang panunumpa ay naging sanhi ng pagkakasala ng mga mandirigmang Israelita sa pagkain ng dugo ng hayop. Kung hindi sila napigil ng panunumpang iyon, baka nakahanap sila ng pagkain at sa gayo’y nagkaroon sila ng lakas na habulin ang mga Filisteo hanggang sa sila’y lubusang magtagumpay.
Hindi pinayagan ng Diyos ang paggamit ng Thummin upang alamin kung nilabag ni Jonathan (dahil sa kawalang-alam) ang pinanumpaan ni Saul, ngunit hindi ibig sabihin na Kaniyang sinasang-ayunan ang padalus-dalos na panunumpa. Hindi sinasabi ng anumang ulat na si Jonathan ay nagkasala ayon sa paningin ng Diyos. Ang totoo, bagaman si Jonathan ay handang tumanggap ng parusa dahil sa paglabag sa pinanumpaan ng kaniyang ama, ang mga pangyayari ay humantong sa pagkaligtas ng buhay ni Jonathan. Sinabi ng mga kawal na Israelita na nagtagumpay si Jonathan “sa pamamagitan ng Diyos,” at kanilang pinawalang-sala si Jonathan. Sa sumunod na mga taon, si Jonathan ang patuloy na nagtamo ng pagsang-ayon ni Jehova habang si Saul ay nahuhulog sa sunud-sunod na pagkakamali.
◼ Ilan ang mga hukom, gaya baga ni Samson at ni Gideon?
Sa pagbilang ng mga hukom, kung ilan ito ay depende sa kung paano mo minamalas ang mga ilang Israelita. Subalit matuwid na masasabing 12 katao ang naging mga hukom sa pagitan ni Josue at ni Samuel.
Noong kaarawan ni Moises at ni Josue, ang ilang nakatatandang mga lalaki sa kongregasyon ay mga hukom sa diwa na sila’y pinili upang makinig at magpasiya sa mga legal na kaso. (Exodo 18:21, 22; Josue 8:33; 23:2) Pagkamatay ni Josue, ang Israel ay napahiwalay sa tunay na pagsamba at pinighati ng mga ibang bayan. Ang Hukom 2:16 ay nagsasabi: “Kaya’t nagbangon si Jehova ng mga hukom, na nagligtas sa kanila sa kamay niyaong mga lumuloob sa kanila.” Unang ibinangon ni Jehova ang isang hukom, o ‘tagapagligtas,’ ang lalaking nagngangalang Othoniel. (Hukom 3:9) Pagkatapos ay sinundan ito nina Ehud, Shamgar, Barak, Gideon, Tola, Jair, Jepte, Ibzan, Elon, Abdon, at Samson.
Bukod sa 12 na ito, binabanggit ng Bibliya sina Debora, Eli, at Samuel may kaugnayan sa paghatol. (Hukom 4:4; 1 Samuel 4:16-18; 7:15, 16) Subalit, si Debora ay tinatawag muna na isang propetisa, at siya’y iniugnay kay Hukom Barak na nanguna lalung-lalo na sa pagpapalaya sa bayan buhat sa panlulupig. Si Eli ay unang-una isang mataas na saserdote, hindi isang tagapagligtas na nanguna sa Israel tungo sa kalayaan sa pamamagitan ng pagbabaka. (Nehemias 9:27) Sa gayon, bagama’t si Debora at si Eli ay may bahagi sa paghatol sa Israel, may dahilan na huwag silang isali sa 12 katao na maliwanag at unang-una ‘ibinangon’ bilang mga hukom. Sa Gawa 13:20 ay sinasabi na “mga hukom [ang ibinigay] hanggang kay Samuel na propeta.” Nilalagyan nito ng hangganan ang nakikilala bilang panahon ng mga hukom, at ipinakikita kung bakit si Samuel at ang kaniyang mga anak ay karaniwan nang hindi ibinibilang na kasali sa mga hukom.—1 Samuel 8:1.