Ang Susi sa Tunay na Relihiyon
Ang Susi sa Tunay na Relihiyon
SA IKA-20 siglong ito, lalong marami ang nag-aangkin na sila’y nasa relihiyong Kristiyano. Gayunman ang siglong ito ang naging pinakamaligalig sa kasaysayan ng tao. Bakit nga balintuna niyan?
Unang-una, marami ang hindi gaanong nagpapahalaga sa kanilang relihiyon. Para sa kanila, ang Kristiyanismo ay isa lamang bagay na pahapyaw, hindi siyang nangingibabaw sa kanilang buhay. Isa pa, yaong mga nagsasabi na naniniwala sila sa Bibliya ay sumusunod sa maraming nagkakasalu-salungatang mga paniwala at nagkakaiba-ibang mga pamantayan ng kalinisang-asal. At sila ay baha-bahagi dahil sa pagkakaiba-iba ng kani-kanilang bansa, lahi, at mga kabuhayan. Isa pa, kanilang pinagsamantalahan ang isa’t isa, sila’y nang-uusig, nakikipagdigma, at nagpapatayan. Kaya naman, ang dalawang pinakamalalaking digmaan sa kasaysayan ay naganap sa pagitan ng mga bansang “Kristiyano.”
Ano ang ating mahihinuha buhat dito? Na ang Kristiyanismo ay hindi ang tunay na relihiyon o dili kaya ay may malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga nag-aangkin lamang na Kristiyano at ng talagang mga Kristiyano. Sang-ayon kay Jesu-Kristo, ang pundador ng Kristiyanismo, ang ikalawang konklusyon ang siyang tama. Minsan, binanggit niya ang tungkol sa iba na tumatawag sa kaniya na “Panginoon, Panginoon.” Sa ibang salita, sila’y nag-aangkin na mga Kristiyano, tinatanggap nila si Jesus bilang kanilang Panginoon. At sila’y abalang-abala ng paggawa ng wari ngang mahalagang mga gawa sa kaniyang pangalan. Gayunman ay sinabi sa kanila ni Jesus: “Kailanman ay hindi ko kayo nakikilala! Magsilayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”—Mateo 7:22, 23.
Tunay, wala sa atin ang ibig na mapalagay sa ganiyang kalagayan! Kaya papaano natin matitiyak kung tayo nga ay mga tunay na Kristiyano o hindi? Mayroon bang pinaka-susi sa tunay na relihiyon?
Ang Susi
Oo, mayroon. Kung sa bagay, maraming bagay ang kasangkot sa pagka-Kristiyano. Halimbawa, ang tunay na Krisitiyano ay kailangan na may matibay na pananampalataya sa Diyos, sapagkat “kung walang pananampalataya ay hindi maaaring makalugod na mainam [sa Diyos].” (Hebreo 11:6) Siya rin naman ay kinakailangang gumagawa ng mga gawang matuwid. Ang disipulong si Santiago ay nagbabala na “ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay.” (Santiago 2:26) Isa pa, idiniin ni apostol Pablo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng “tumpak na kaalaman sa kalooban [ng Diyos] sa buong karunungan at espirituwal na kaunawaan.” (Colosas 1:9) Subalit wala sa mga bagay na ito ang nagbibigay ng susi sa pagka-Kristiyano.
Ang totoo ay, baka tayo’y may mahusay na kaalaman sa Bibliya at matibay na pananampalataya at maraming mabubuting gawa, subalit maaari pa rin tayong maging imitasyong mga Kristiyano lamang. Paano nga nagkaganiyan? Si apostol Pablo ay nagpaliwanag: “Kung ako’y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel datapuwat wala akong pag-ibig, ako’y naging para lamang isang kapirasong tanso na tumutunog o pompiyang na tumataginting. At kung magkaroon ako ng kaloob na panghuhula at maalaman kong lahat ng banal na lihim at lahat ng kaalaman, at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya na anupa’t mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking ari-arian upang pakainin ang iba, at kung ibigay ko ang aking katawan, upang maipagmalaki ko, ngunit wala akong pag-ibig, sa akin ay walang anumang pakikinabangin.”—1 Corinto 13:1-3.
Oo, ang susi sa pagkilala sa tunay na relihiyon ay pagkakilala na iyon ay nakasalig sa tunay na pag-ibig. Ang ating pananampalataya, mabubuting gawa, at tumpak na kaalaman ay mahalaga, kailangan. Subalit kung hindi naman natin isinasagawa na taglay ang pag-ibig, kung para sa atin, ay walang gaanong pakinabang. Bakit nga? Ano’t lubhang mahalaga na mayroon tayo ng tunay na pag-ibig?