Nanganganib ang Pag-aasawa

Nanganganib ang Pag-aasawa

Nanganganib ang Pag-aasawa

“Hindi ko na talaga kaya!” May narinig ka na bang nagsabi ng ganiyan tungkol sa kanilang pag-aasawa? Kung may asawa ka na, ganiyan din ba ang nadarama mo kung minsan?

LIBU-LIBONG lalaki’t babae ang nag-asawa bunga ng kanilang matamis na pagtitinginan​—o dahil sa bugso ng damdamin​—at umaasang magiging maligaya sila. “Pero sa panahong kumonsulta sila sa akin, hindi na sila umaasang magiging maligaya pa sila,” ang sabi ng isang tagapayo. “Suko na sila sa kapareha nila, sa pag-aasawa, sa pag-ibig, at kung minsan pati sa buhay.” Para sa mga mag-asawang ito, ang tanging dahilan na lamang kung bakit nagsasama pa sila ay ang kanilang sertipiko ng kasal at bahay na tinitirhan.

Maraming pag-aasawa ang nawawasak dahil sa tumitinding kaigtingan at kabalisahan. Kahit nagmamahalan ang mga mag-asawa, nawawalan na sila ng panahon para tugunan ang emosyonal na pangangailangan ng isa’t isa dahil sa kanilang trabahong nakakapagod, paiba-iba ng iskedyul, at humihiling ng overtime. Maaaring unti-unti ring mawala ang pag-ibig at respeto nila sa isa’t isa dahil sa problema sa pera at sa kalusugan, hamon sa pagpapalaki sa mga anak, paglipat sa ibang bahay, at pagpapalit ng trabaho. Sa maikli, ang mga pagbabago sa buhay sa paglipas ng panahon ay maaaring magdulot ng kabalisahan sa mag-asawa na magtutulak sa kanila palayo sa isa’t isa.

Maraming ina ang parang may dalawang trabaho​—isa sa pinapasukang trabaho, at isa pa sa bahay. Kaya maaaring ang pinagtutuunan na lamang nila ng pansin ay ang kanilang trabaho at ang pag-aalaga sa kanilang mga anak. Dahil sa tensiyon at pagod, halos wala na silang panahon para sa isa’t isa. Nadarama tuloy ng marami na parang unti-unti na silang lumulubog sa kumunoy ng pagkasiphayo at pag-iisa. Bakit napakaraming pag-aasawa ang dumaranas ng gayong mga problema? Ano ang maaari mong gawin upang maging matagumpay at maligaya ang iyong pag-aasawa?