Privacy Settings

Para sa pinakamagandang digital experience, gumagamit kami ng mga cookies at katulad na mga teknolohiya. Ang ilang cookies ay kailangan para gumana ang aming website at hindi puwedeng tanggihan. Puwede mong tanggapin o tanggihan ang iba pang cookies na ginagamit para mas mapaganda ang digital experience mo. Hinding-hindi ipagbibili o gagamitin sa marketing ang alinmang bahagi ng data na ito. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang Global Policy sa Paggamit ng Cookies at Katulad na mga Teknolohiya. Puwede mong baguhin ang settings mo anumang oras. Magpunta sa Privacy Settings.

Puno ba Talaga Iyan?

Puno ba Talaga Iyan?

Puno ba Talaga Iyan?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

PUNGGOK at bilugang puno sa tigang na lupain. Ito ang punong boab ng Australia na tinatawag ding punong bote. Palibhasa’y di-maganda, kakatwa ang hitsura, at walang kadahon-dahon kapag tag-araw, mukha itong halimaw na may mga galamay na inaabot ang kalangitan. Ayon sa isang alamat ng mga Aborigine, isinumpa raw ang punong ito at itiniwarik!

Habang bata pa ang mga punong boab, medyo payat pa ang mga ito at magandang tingnan. Pero habang tumatanda, ang kanilang abuhing mga katawan ay nagiging bilugán, namamaga, at waring may mga pilat. Ang mga boab ay “parang mga punong may sakit,” ang isinulat ng manggagalugad na si George Grey noong 1837. Bakit kakaiba ang boab kumpara sa ibang puno? Bakit pinakikinabangan at gustung-gusto ito ng mga katutubo, pati na ng mga Aborigine?

Mas Maikli, Mas Madali

Likas na nabubuhay ang mga punong boab sa Aprika, Madagascar, at hilagang-kanlurang Australia. Pero bagaman tinatawag itong baobab sa maraming bansa, matagal na itong tinatawag na boab ng mga taga-Australia. Mahilig magpaikli ng pangalan ang mga katutubo sa Australia. Iniisip nila kasi na kung mahaba ang sasabihin nilang pangalan, baka makalunok sila ng langaw, ang pabirong sinabi ng isang tagaroon. Kaya pinaikli nila ang pangalang baobab sa boab, at di-nagtagal, naging bahagi na ito ng kanilang wika.

Ang punong boab ay tinatawag ding punong patay na daga. Bakit ganito ang bansag sa punong ito? Kung titingnan kasi mula sa malayo ang nakabiting mga bunga nito, para itong nakabiting mga daga. Gayundin, kapag nasugatan ang mga bulaklak nito, di-magtatagal at aalingasaw ito gaya ng nabubulok na karne. Pero kapag hindi naman nasira o nasugatan ang mga bulaklak, ang mga ito ay mababango, mapuputi, at malalaki.

Nabubuhay sa Matitinding Lagay ng Panahon

Nabubuhay ang mga boab sa liblib na rehiyon ng Kimberley sa Kanlurang Australia at sa katabi nitong estado na Northern Territory. Dalawang klase lamang ang lagay ng panahon sa lugar na ito: Ang di-gaanong matagal na panahon ng tag-ulan na dulot ng hanging habagat, at pagkatapos ay ang tag-araw.

Kilala ang mga boab na hindi basta-basta namamatay. Kadalasan nang tumatagal ang buhay nito ng maraming siglo. “Kahit na masunog, o kahit pa balatan ang katawan ng punong ito, kadalasan nang hindi ito namamatay, at matapos itong makabawi mula sa pinsalang tinamo, patuloy pa rin ito sa normal na paglaki,” ang sabi ng pisyologo ng mga halaman na si D. A. Hearne. a Idinagdag pa niya: “Dahil matibay ang punong ito, hindi ito basta-basta mamamatay, malibang sasadyain itong patayin.” Sa katunayan, habang hindi pa naibibiyahe sa ibang bansa ang isang punong boab na nasa loob ng kahon na gawa sa kahoy, lumabas ang mga ugat nito sa siwang ng kahon hanggang sa umabot sa lupa!

Mas mataas ang boab kaysa sa katabi nitong mga puno kapag ito ay nasa mababatong sapa, matatarik at mababatong burol, o mabuhanging mga kapatagan. Sa Kimberley Plateau, ang ilang boab ay tumataas nang hanggang 25 metro at halos magkasing sukat ang katawan at taas nito.

Tubig ang sekreto kung bakit malaki ang katawan ng boab. Gaya ng espongha, ang kahoy nito ay malambot, mabunót, at nakapag-iimbak ng maraming likido. Namamaga ang katawan nito matapos masipsip ang tubig ng ulang dulot ng hanging habagat. Pero kapag dumating na ang tag-araw, unti-unting bumabalik ang katawan nito sa dating sukat.

Nakatatagal ang ilang puno sa panahon ng matinding taglamig dahil nalalagas ang mga dahon nito. Pero nalalagas ang mga dahon ng boab sa mahabang panahon ng tag-araw. At kapag patapos na ang tag-araw, namumulaklak ito at mabilis na nagkakaroon ng dahon. Kaya naman nalalaman ng mga tagaroon na malapit na ang tag-ulan. Ito ang dahilan kung bakit tinatawag nila ito minsan na halamang kalendaryo.

Sa gabi namumukadkad ang mga bulaklak nito na tumatagal lamang nang ilang oras. Pagsikat ng araw, nagsisimula nang malanta ang mga ito. Kapag gumulang at lumaki na ang supot ng buto na nasa mga bulaklak, malalaglag ang mga ito sa lupa, mabibiyak, at kakalat ang mga buto.

Punungkahoy ng Buhay

Matagal nang pinagkukunan ng pagkain ng mga Aborigine sa Kimberley ang mga buto, dahon, dagta, at ugat ng boab. Bago matuyo ang mga bunga, may malambot na puting lamukot ang mga buto nito na masarap kainin. Kapag tagtuyot, nginunguya ng mga Aborigine ang mabunót na kahoy at ugat nito para hindi matuyo ang kanilang lalamunan. Sa panahon naman ng matinding tag-ulan, nakakakuha ang mga katutubo ng tubig mula sa mga butas ng puno at sa dugtungan ng mga sanga at katawan nito.

Noong 1856, nagkaroon ng sakit na scurvy ang mga tauhan ni Augustus Gregory habang nasa ekspedisyon patungong Kimberley Plateau. Inilaga nila ang laman ng mga bunga ng boab para makagawa ng “masarap na jam.” Dahil mayaman sa bitamina C ang bunga ng boab, gumaling ang mga lalaking ito.

Punong Nagsasabi ng Nakaraan

Noong nakalipas na mga panahon, ang mga boab ay nagsilbing sulatan kapuwa ng mga Aborigine at Europeo. Noong 1820, para makumpuni ang barkong Mermaid, dumaong ito sa baybayin ng Kimberley. Ipinag-utos ng hukbong pandagat ng Britanya na dapat mag-iwan ang mga marinero ng tiyak na palatandaang magpapatunay na nagpunta sila sa dakong iyon. Kaya iniukit ni Captain Phillip Parker King ang “HMC Mermaid 1820” sa isang malaking punong boab.

Noong panahong iyon, ang katawan ng Mermaid Tree, na naging tawag sa punong ito, ay may sukat na 8.8 metro. Sa ngayon, ang katawan nito ay may sukat nang mahigit 12.2 metro. Bagaman hindi na ganoon kalinaw ang nasabing inskripsiyon, nagsisilbi pa rin itong alaala ng mga unang manggagalugad na iyon. Mababasa pa rin ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng daigdig ang mga mensaheng nakaukit nang malalim sa ilang matatandang boab.

Nang dumating ang nandayuhang mga Europeo sa Kimberley Plateau, ang malalaking boab ay nagsilbing mga karatula, tagpuan, at dakong pinagkakampuhan ng mga taong di-pamilyar sa lugar na iyon. Pinagpapahinga ng mga naglalakbay na tagapag-alaga ng baka ang kanilang mga hayop sa ilalim ng mga boab na may mga pangalang nakatatawag-pansin, gaya ng Oriental Hotel, Club Hotel, o Royal Hotel.

Nang nakawin ng masasamang Aborigine ang bangka ng nandayuhang Aleman na si August Lucanus noong 1886, naglakbay siya at ang mga kasama niya nang 100 kilometro patungo sa bayan ng Wyndham. Dumaan sila sa mga sapa at ilog na pinamamahayan ng mga buwaya. Nang maglaon, isinulat ni Lucanus na napag-alaman niya at ng kaniyang mga kasama mula sa isang talaarawan ng isang naunang manggagalugad “kung saan nito ibinaon ang ilang kagamitan ng karpintero malapit sa Pitt Springs, sa ilalim ng malaking punong boab, na doon nakaukit ang inisyal nito.” At natagpuan nga nila ang punong iyon pati na ang mga kagamitan! Pagkatapos, sila ay “pumutol ng isang malaki-laking punong boab,” at gumawa ng isang bangka sa loob ng limang araw. Lumutang ito, at nakauwi silang lahat nang ligtas.

Dalawa sa pinakakilalang punong boab ay ang Derby at Wyndham Prison Tree, na parehong isinunod sa pangalan ng kalapit na mga bayan. Ayon sa sabi-sabi, ang hungkag at malaking mga punong ito, na parehong may sapat na espasyo para magkasya ang ilang tao, ay naging bilangguan noong ika-19 na siglo. Pero pinagdududahan ito ng ilang makabagong istoryador. Gayunpaman, ang mga punong ito ay kahanga-hangang tingnan at dinarayo ng mga turista.

Sining sa Boab

Dati-rati, umuukit ng mga larawan at mensahe ang mga tao sa punong boab. Pero ngayon, hindi na ito ginagawa ng mga katutubo. Sa halip ay umuukit na lamang sila sa hugis-itlog na mga bunga nito, na mga 25 sentimetro ang haba at 15 sentimetro ang diyametro.

Matapos pumitas ng isang angkop na bunga, iuukit ng isang mang-uukit ang kaniyang detalyadong sining sa kulay-kapeng balat nito gamit ang isang maliit na kutsilyo. Karaniwan nang disenyo ng mga sining na ito ang larawan ng mga katutubong hayop, pangangaso ng mga Aborigine, at mga mukha at katawan ng tao. Ang mga likhang sining na ito ay kadalasan nang binibili ng mga nangongolekta nito. Binibili rin ito ng mga turista at may-ari ng mga tindahan doon.

Totoo, ang boab ay hindi kasinlaki, ni kasingganda ng mga punong alam natin. Pero dahil sa kahanga-hangang mga katangian nito​—ang pagiging matibay at matagal ang buhay​—mahalaga ito para sa mga katutubo. At bagaman maaaring katawa-tawa ang hitsura nito kung ihahambing sa ibang mga puno, isa itong papuri sa Maylalang at marahil, pahiwatig din na isa siyang masayahing Diyos.

[Talababa]

a Ang isang puno ay binabalatan o tinatanggalan ng balat paikot sa isang bahagi ng katawan nito upang hadlangan ang suplay ng dagta. Karaniwan nang namamatay ang mga puno sa ganitong paraan.

[Larawan sa pahina 17]

Namumukadkad ang mga bulaklak sa gabi at nalalanta na pagkalipas ng ilang oras

[Larawan sa pahina 18]

Bunga ng “boab” na may inukit na larawan ng isang uri ng bayawak