Sinaunang mga Manuskrito—Pagtaya sa Petsa ng mga Ito
Sinaunang mga Manuskrito—Pagtaya sa Petsa ng mga Ito
NOONG 1844, dinalaw ng iskolar ng Bibliya na si Konstantin von Tischendorf ang monasteryo ng St. Catherine na nasa paanan ng Bundok Sinai sa Ehipto. Habang sinusuyod niya ang mga aklatan nito, nasumpungan niya ang ilang mahalagang pergamino. Palibhasa’y nag-aral si Tischendorf ng paleograpiya, a nakilala niya na ang mga pergaminong iyon ay mga pilyego mula sa Septuagint, isang salin ng Hebreong Kasulatan, o “Matandang Tipan,” sa wikang Griego. “Ang mga pahinang ito na nasumpungan sa Sinai ang pinakamatandang manuskrito na nakita ko,” ang isinulat niya.
Ang mga pergaminong iyon na tinatayang isinulat noong ikaapat na siglo C.E. ay naging bahagi ng tinatawag ngayong Sinaitic Manuscript (Codex Sinaiticus). Isa lamang ito sa libu-libong sinaunang manuskrito ng Hebreo at Griegong Kasulatan na maaaring pag-aralan ng mga iskolar.
Kasaysayan ng Paleograpiyang Griego
Si Bernard de Montfaucon (1655-1741), isang mongheng Benedictine, ang naglatag ng pundasyon para sa sistematikong pag-aaral ng mga manuskritong Griego. Nang maglaon, inilathala rin ng ibang mga iskolar ang resulta ng kanilang mga pag-aaral. Si Tischendorf naman ang matiyagang gumawa ng talaan ng sinaunang Griegong mga manuskrito ng Bibliya na matatagpuan sa mga aklatan sa Europa. Nagpabalik-balik din siya sa Gitnang Silangan, pinag-aralan ang daan-daang dokumento, at inilathala ang kaniyang mga natuklasan.
Noong ika-20 siglo, nadagdagan ang mga pantulong na magagamit ng mga paleograpo sa kanilang pag-aaral. Isa na rito ang talaang ginawa ni Marcel Richard. May mga 900 katalogo ang talaang ito na nagbibigay ng detalye tungkol sa 55,000 manuskrito ng Bibliya at sekular na dokumento sa wikang Griego na nasa 820 aklatan o pagmamay-ari ng mga indibiduwal. Ang napakaraming impormasyong ito ay nakatutulong sa mga tagapagsalin. Dahil din sa mga ito, nagiging mas tumpak ang pagtaya ng mga paleograpo kung kailan isinulat ang mga manuskrito.
Pagtaya sa Petsa ng mga Manuskrito
Ipagpalagay na naglilinis ka ng bodega ng isang lumang bahay at may nakita kang isang sulat-kamay na liham na walang petsa at naninilaw na sa kalumaan. ‘Kailan pa kaya ito isinulat?’ ang tanong mo. Pagkatapos, nakakita ka ng isa pang lumang liham. Napansin mong magkapareho ang istilo, sulat, bantas, at iba pang katangian ng dalawang liham. Pero may petsa ang ikalawang liham. Wala
mang petsa ang unang liham, may batayan ka na ngayon para matantiya kung kailan iyon isinulat.Karamihan sa sinaunang mga eskriba ay hindi naglalagay ng petsa sa isinulat nilang mga kopya ng manuskrito ng Bibliya. Kaya para matantiya ng mga iskolar ang petsa kung kailan iyon isinulat, inihahambing nila ang mga manuskrito sa ibang mga akda na may petsa, kasali na ang sekular na mga dokumento. Ginagamit nilang batayan ang istilo ng sulat-kamay, bantas, pagdadaglat, at iba pa. Pero marami rin namang nasumpungang manuskrito na may nakasaad na petsa. Isinulat ang mga iyon sa wikang Griego sa pagitan ng mga 510 C.E. hanggang 1593 C.E.
Pagtaya sa Petsa Batay sa Istilo ng Sulat-Kamay
May dalawang pangunahing kategorya ang mga paleograpo para sa sinaunang mga istilo ng sulat-kamay sa wikang Griego—ang book hand, na elegante at pormal, at ang cursive, isang uri ng kabit-kabit na pagsulat na ginagamit sa karaniwang mga dokumento. Ang mga eskribang Griego ay may iba’t ibang istilo rin sa pagsulat ng mga letra: malalaking titik, uncial (isang uri ng malalaking titik), cursive, at minuscule. Isang uri ng book hand gamit ang letrang uncial ang karaniwan mula noong ikaapat na siglo B.C.E. hanggang ikawalo o ikasiyam na siglo C.E. Isang uri naman ng book hand
gamit ang letrang minuscule ang makikita sa mga akda na isinulat mula ika-8 o ika-9 na siglo C.E. hanggang sa kalagitnaan ng ika-15 siglo, kung kailan nagsimula sa Europa ang paglilimbag gamit ang isahang tipong letra. Yamang maliliit ang mga letrang minuscule, mas mabilis itong isulat at mas matipid sa pergamino.May kani-kaniyang paraan ang mga paleograpo sa pagtaya sa petsa ng mga manuskrito. Karaniwan nang tinitingnan muna nila ang kabuuan ng manuskrito at saka nila sinusuring mabuti ang bawat letra. Pero yamang halos hindi naman nagbabago ang istilo ng sulat-kamay sa loob ng mahabang panahon, suriin man nila ang bawat letra, medyo mahirap pa ring matantiya ang petsa ng pagsulat sa manuskrito.
Mabuti na lamang, may iba pang paraan upang maging mas espesipiko ang pagtaya sa petsa. Kasama na rito ang pag-alam kung kailan nagsimula ang isang partikular na istilo ng pagsusulat. Halimbawa, naging kaugalian ng mga eskriba ang paggamit ng ligadura (pagdirikit ng dalawa o higit pang letra) sa mga manuskritong Griego pagkatapos ng taóng 900 C.E. Gayundin, ang mga eskriba ay nagsimulang gumamit ng mga gabay sa pagbigkas at ng partikular na mga letrang isinusulat sa ibaba ng mga letra.
Karaniwan nang hindi nagbabago ang sulat ng isang tao. Kaya kadalasang mga 50 taon ang saklaw ng tinatayang petsa ng isang manuskrito. Bukod diyan, tinutularan din ng mga eskriba ang istilo ng pagsulat na ginamit sa mas naunang mga manuskrito kaya nagmumukhang mas matanda ang manuskrito kaysa sa aktuwal na petsa nito. Ngunit sa kabila ng maraming hamon, natantiya ng mga iskolar ang petsa ng mahahalagang manuskrito ng Bibliya.
Pagtaya sa Petsa ng Mahahalagang Manuskrito ng Bibliya sa Wikang Griego
Ang Alexandrine Manuscript (Codex Alexandrinus), na nasa British Library ngayon, ang kauna-unahan sa mahahalagang manuskrito ng Bibliya na pinag-aralan ng mga iskolar. Kopya ito ng halos buong Bibliya sa wikang Griego gamit ang letrang uncial. Isinulat ito sa vellum, isang napakanipis na balat ng hayop. Tinatayang ginawa ito noong b
unang mga taon ng ikalimang siglo C.E. kung kailan nagkaroon ng pagbabago sa pagsulat ng letrang uncial sa pagitan ng ikalima at ikaanim na siglo, gaya ng makikita sa isang dokumentong may petsa, ang Dioscorides of Vienna.Ang pangalawang mahalagang manuskrito na pinag-aralan ng mga iskolar ay ang Sinaitic Manuscript (Codex Sinaiticus) na nasumpungan ni Tischendorf sa monasteryo ng St. Catherine. Isinulat ito sa pergamino gamit ang letrang uncial sa wikang Griego. Kopya ito ng ilang bahagi ng Hebreong Kasulatan mula sa bersiyon ng Griegong Septuagint, pati na ng buong Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang 43 pilyego ng codex na ito ay nasa Leipzig, sa Alemanya; 347 pilyego naman ang nasa British Library sa London; at mga piraso ng 3 pilyego ang nasa St. Petersburg, sa Russia. Tinatayang isinulat ang manuskritong ito noong huling mga taon ng ikaapat na siglo C.E. Isa sa mga batayan ng petsang ito ay ang mga talaan na makikita sa mga Ebanghelyo. Ang talaang iyon ay sinasabing ginawa ng istoryador na si Eusebius na taga-Cesarea noong ikaapat na siglo. c
Ang ikatlong mahalagang akda na pinag-aralan ng mga iskolar ay ang Vatican Manuscript No. 1209 (Codex Vaticanus) na dating naglalaman ng buong Bibliya sa wikang Griego. Una itong lumabas sa katalogo ng Vatican Library noong 1475. Isinulat ito sa wikang Griego gamit ang letrang uncial sa 759 na pilyegong gawa sa manipis na balat ng hayop. Kopya ito ng karamihan sa mga aklat ng Bibliya maliban lamang sa kalakhang bahagi ng Genesis, bahagi ng Mga Awit, at ilang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ayon sa mga iskolar, isinulat ang manuskritong ito noong unang mga taon ng ikaapat na siglo C.E. Paano nila natantiya ang petsang ito? Ang sulat ng manuskritong ito ay katulad ng sa Sinaitic Manuscript, na ginawa rin noong ikaapat na siglo. Gayunman, ipinalalagay na mas nauna nang kaunti ang Vaticanus at ang isang dahilan ay wala itong talaan ng kaugnay na mga reperensiyang ginawa ni Eusebius.
Yaman sa Bunton ng mga Basura
Noong 1920, ang John Rylands Library sa Manchester, Inglatera ay nakakuha ng pagkarami-raming papiro na nahukay sa bunton ng mga basura sa sinaunang Ehipto. Habang sinusuri ang mga papiro, kabilang na ang mga liham, resibo, at dokumento ng sensus, nakita ng iskolar na si Colin Roberts ang isang bahagi ng dokumento na may nakasulat na tekstong pamilyar sa kaniya—ilang talata mula sa Juan kabanata 18. Ito ang pinakamatandang Kristiyanong Griegong teksto na natagpuan noong panahong iyon.
Tinawag ang dokumentong ito na John Rylands Papyrus 457, na may internasyonal na simbolo na P52. Isinulat ito sa wikang Griego gamit ang letrang uncial at tinatayang ginawa noong unang mga taon ng ikalawang siglo C.E.—ilang dekada lamang mula nang isulat ang orihinal na Ebanghelyo ni Juan! Kapansin-pansin, halos walang ipinagbago ang nilalaman ng mas bagong mga manuskrito kung ikukumpara rito.
Sinauna Pero Tumpak!
Sa kaniyang aklat na The Bible and Archæology, ganito ang isinulat ng Britanong manunuri ng teksto na si Sir Frederic Kenyon tungkol sa Kristiyanong Griegong Kasulatan: “Kapuwa ang pagiging tunay at ang pangkalahatang integridad ng mga aklat ng Bagong Tipan ay maituturing na ganap nang napatunayan.” Ganito rin naman ang sinabi ng iskolar na si William H. Green tungkol sa integridad ng Hebreong Kasulatan: “Hindi kalabisang sabihin na walang ibang sinaunang akda ang naitawid sa atin nang may gayong katumpakan.”
Ang gayong mga komento ay nagpapaalaala sa atin sa mga salita ni apostol Pedro: “Ang lahat ng laman ay tulad ng damo, at ang lahat ng kaluwalhatian nito ay tulad ng bulaklak ng damo; ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay nalalagas, ngunit ang pananalita ni Jehova ay namamalagi magpakailanman.”—1 Pedro 1:24, 25.
[Mga talababa]
a “Ang paleograpiya . . . ay ang pag-aaral ng mga istilo ng sulat-kamay na ginamit sa mga akda noong sinaunang panahon at Edad Medya. Ang pangunahing pinag-aaralan ay ang sulat-kamay sa nasisirang mga materyales, gaya ng papiro, pergamino, o papel.”—The World Book Encyclopedia.
b Ang Dioscorides of Vienna ay isinulat para kay Juliana Anicia, na namatay noong 527 o 528 C.E. Ang dokumentong ito ang “pinakamatandang halimbawa ng akdang isinulat sa vellum gamit ang letrang uncial na natantiya ang petsa.”—An Introduction to Greek and Latin Palaeography, ni E. M. Thompson.
c Ang tinatawag na kanon ni Eusebius ay mga talaan ng kaugnay na mga reperensiya na “nagpapakita kung aling teksto sa Ebanghelyo ang magkakatulad.”—Manuscripts of the Greek Bible, ni Bruce M. Metzger.
[Blurb sa pahina 21]
Sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa mga manuskritong may petsa, natatantiya ng mga paleograpo kung kailan isinulat ang mga akdang walang petsa
[Kahon sa pahina 20]
Pagtaya sa Petsa ng Dead Sea Scroll ni Isaias
Natuklasan ang kauna-unahang Dead Sea Scroll ng aklat ng Bibliya na Isaias noong 1947. Nakasulat ito sa katad gamit ang Hebreong istilo ng pagsulat bago ang panahon ng mga Masorete. Tinatayang ginawa ito noong mga huling bahagi ng ikalawang siglo B.C.E. Paano nataya ng mga iskolar ang petsang ito? Inihambing nila ang balumbon sa ibang Hebreong mga teksto at inskripsiyon. Batay sa sulat-kamay na ginamit sa balumbon, tinatayang nasa pagitan ito ng 125 B.C.E. at 100 B.C.E. Nakatulong din ang paggamit ng carbon 14 sa pagtaya ng petsa.
Kapansin-pansin, nang ihambing ang mga Dead Sea Scroll sa mga manuskritong ginawa ng mga eskribang tinatawag na Masorete, walang nakitang pagbabago sa doktrina kahit na maraming siglo ang pagitan ng mga iyon. d May pagkakaiba lamang sa pagbaybay at balarila. Isa pang bagay na kapansin-pansin sa balumbong ito ni Isaias ay ang madalas na paggamit nito ng Tetragrammaton—ang apat na Hebreong titik na bumubuo sa banal na pangalang Jehova.
[Talababa]
d Ang mga Masorete ay metikulosong mga tagakopyang Judio noong mga 500 C.E. hanggang 1,000 C.E.
[Chart/Mga larawan sa pahina 20, 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Griegong Sulat-Kamay
Book hand (uncial)
Mula ika-4 na siglo B.C.E. hanggang ika-8 o ika-9 na siglo C.E.
Book hand (minuscule)
Mula ika-8 o ika-9 na siglo C.E. hanggang ika-15 siglo C.E.
Mahahalagang Manuskrito
400
200
Dead Sea Scroll
Huling mga taon ng ika-2 siglo B.C.E.
B.C.E.
C.E.
100
John Rylands Papyrus 457
125 C.E.
300
Vatican Manuscript No. 1209
Unang mga taon ng ika-4 na siglo
Sinaitic Manuscript
Ika-4 na siglo
400
Alexandrine Manuscript
Unang mga taon ng ika-5 siglo
500
700
800
[Mga larawan sa pahina 19]
Itaas: Konstantin von Tischendorf
Kanan: Bernard de Montfaucon
[Credit Line]
© Réunion des Musées Nationaux/ Art Resource, NY
[Picture Credit Line sa pahina 20]
Dead Sea Scroll: Shrine of the Book, Israel Museum, Jerusalem
[Picture Credit Lines sa pahina 21]
Typographical facsimile of Vatican Manuscript No. 1209: From the book Bibliorum Sacrorum Graecus Codex Vaticanus, 1868; Reproduction of Sinaitic Manuscript: 1 Timothy 3:16, as it appears in the Codex Sinaiticus, 4th century C.E.; Alexandrine Manuscript: From The Codex Alexandrinus in Reduced Photographic Facsimile, 1909, by permission of the British Library