Makinig at Matuto

Makinig at Matuto

Makinig at Matuto

“ANG 85 porsiyento ng ating nalalaman ay natututuhan natin sa pamamagitan ng pakikinig,” sabi ng isang ulat sa pahayagang Toronto Star. Bagaman ginugugol natin ang karamihan ng ating panahon sa pakikinig, tayo ay nagagambala o naaabala o nakalilimot sa 75 porsiyento ng ating naririnig. Itinatampok ng kapansin-pansing estadistikang ito ang pangangailangan na linangin ang ating kakayahang makinig.

“Ang mahinang mga kasanayan sa pakikinig ang ugat ng maraming problema sa lipunan,” ayon sa ulat. Naniniwala si Rebecca Shafir, isang speech pathologist at dalubhasa sa komunikasyon, na ito ay karaniwang isang salik sa mga pagpapatiwakal, karahasan sa paaralan, pagkawasak ng pamilya, at pag-abuso sa droga.

Napansin ng mga siyentipikong panlipunan na ang mga tao ay may iba’t ibang istilo sa pakikinig. Ang ilan ay interesado sa pakikinig sa mga bagay tungkol sa mga tao at gustong marinig ang lahat ng kawili-wiling mga detalye na lubhang nauugnay sa isang kuwento. Ang iba naman ay interesado sa mga pangyayaring nauugnay sa ulat at nagnanais na gawin ng tagapagsalita na maikli at deretso sa punto ang ulat. “Kaya, sa isang pag-uusap sa pagitan ng isa na interesado sa mga tao at ng isa na interesado sa mga pangyayari, nariyan ang posibilidad na hindi magkaroon ng pag-uusap,” ang sabi ng Star.

May mabuting dahilan, idiniin ni Jesus ang pangangailangang ‘magbigay-pansin sa kung paano kayo nakikinig.’ (Lucas 8:18) Ang mahusay na pakikinig ay nagpapakita ng mabuting asal. Mahalagang bahagi ito ng mabisang pag-uusap. Kasali sa praktikal na mga mungkahi kung paano makikinig sa panahon ng isang pag-uusap ang hindi pagpansin sa mga panggambala, bahagyang pagkiling sa unahan, at pagtingin sa mata ng kausap at pagtango bilang pagsang-ayon. Yamang ang karamihan ng ating natututuhan ay depende sa mabisang pakikinig, ang pagbibigay-pansin ay isang bagay na dapat na patuloy nating pagsikapang lahat.