Post-traumatic Stress—Ano ba Ito?

Post-traumatic Stress—Ano ba Ito?

Post-traumatic Stress​—Ano ba Ito?

SA MGA taóng nagdaan, karaniwang tinatawag ang post-traumatic stress disorder (PTSD) na pagkasindak dala ng digmaan o pagkapagod dahil sa pagbabaka at pinag-aralan ito pangunahin nang may kaugnayan sa mga beterano ng militar. a Marami na ang ipinagbago sa ngayon. Hindi mo kailangang maging sundalo upang masuri na may PTSD. Kailangan mo lamang maging isang nakaligtas sa ilang traumatikong pangyayari.

Ang pangyayari ay maaaring anumang bagay mula sa isang digmaan tungo sa isang tangkang panghahalay hanggang sa isang aksidente sa kotse. Ganito ang sabi rito ng isang dokumentong nagbibigay ng impormasyon mula sa National Center for PTSD, sa Estados Unidos: “Ang isang indibiduwal ay kailangang nahantad sa isang traumatikong pangyayari upang masuri na siya’y may PTSD.” At ang pangyayaring ito ay “kinasasangkutan ng ilang uri ng aktuwal o bantang PISIKAL na pinsala o pagsalakay.”

Ganito ang salaysay ni Jane na nabanggit sa naunang artikulo: “Nalaman ko na ang biglang pagkasindak ay dagling nagpapataas at nagpaparami sa ilang uri ng hormon, at pinapangyari ng mga hormon na ito ang mga pandamdam na maging labis-labis na alisto sa panganib. Karaniwan na, ang mga antas ng hormon ay bumabalik sa normal pagkalipas ng panganib, subalit sa kaso ng mga nakararanas ng PTSD, ang mga ito ay nananatiling mataas.” Ang pangyayari ay nakalipas na, subalit ang pagkasindak na dulot ng mga pangyayaring iyon ay waring ayaw maalis sa isip ni Jane, gaya ng isang inaayawang nangungupahan na winawalang-bahala ang babala ng pagpapaalis.

Kung nakaligtas ka sa isang trauma at nakararanas ng katulad na mga resulta, mahalagang matanto na hindi ka nag-iisa. Sa isang aklat na isinulat niya tungkol sa panghahalay, ang awtor na si Linda E. Ledray ay nagpapaliwanag na ang PTSD “ay isang normal na reaksiyong nakikita sa normal na mga tao na nakaranas ng isang kakila-kilabot na situwasyon kung saan hindi nila masupil ang nangyayari.”

Gayunman, hindi nangangahulugan na magkakaroon nito ang bawat nakaligtas sa trauma dahil lamang sa itinuring ang PTSD na normal. Ganito ang sabi ni Ledray: “Natuklasan sa isang pag-aaral noong 1992 na, isang linggo pagkatapos ng panghahalay, 94 na porsiyento sa mga nakaligtas na sinuri ay nakaranas ng PTSD at sa ikalabindalawang linggo ang 47 porsiyento ay patuloy na nakararanas nito. Ang limampung porsiyento ng mga babaing sinuri sa Sexual Assault Resource Service sa Minneapolis noong 1993 ay nakaranas ng PTSD isang taon pagkatapos mahalay.”

Isinisiwalat ng gayong estadistika na karaniwan ang PTSD, mas karaniwan kaysa natatanto ng karamihan. At ang lahat ng uri ng tao ay pinahihirapan nito, pagkatapos maganap ang marami at iba’t ibang pangyayari. Ang mga awtor na sina Alexander C. McFarlane at Lars Weisaeth ay nagsabi: “Ipinakikita ng mga pagsusuri kamakailan na ang traumatikong mga pangyayari ay kadalasang nangyayari sa mga sibilyan sa panahong walang digmaan, gayundin sa mga sundalo at mga biktima ng digmaan, at na nagkakaroon ng PTSD ang maraming nakaligtas sa gayong kadalas na mga pangyayari.” Kahit na ang mga pamamaraan sa paggamot o mga atake sa puso ay pinagmulan ng PTSD sa ilang indibiduwal.

“Ang PTSD ay naging isang lubhang pangkaraniwang sakit,” paliwanag ng nabanggit na mga awtor. Ang sabi pa nila: “Ipinakikita ng isang pasumalang (random) surbey sa 1,245 tin-edyer na mga Amerikano na 23% ang naging mga biktima ng pisikal o seksuwal na pagsalakay, at nakasaksi rin ng karahasan laban sa iba. Isa sa limang tin-edyer na nahantad ang nakaranas ng PTSD. Ipinahihiwatig nito na humigit-kumulang 1.07 milyong tin-edyer sa Estados Unidos ang kasalukuyang pinahihirapan ng PTSD.”

Kung tumpak ang estadistika, nangangahulugan iyan na maraming tin-edyer ang nagdurusa sa isang bansa lamang! Ano ang maaaring gawin sa gayong mga tao, gayundin sa milyun-milyong iba pa na pinahihirapan sa buong daigdig?

Ano ang Maaaring Gawin?

Kung naniniwala ka na ikaw o ang isa na kilala mo ay pinahihirapan ng PTSD, ang sumusunod ay ilan sa mga mungkahi.

Pagsikapang mapanatili ang isang espirituwal na programa. “Lagi akong dumadalo sa mga pagpupulong sa aming lokal na Kingdom Hall,” ang sabi ni Jane. “Kahit na hindi ako makapagtuon ng isip sa sinasabi, alam ko na gusto ng Diyos na Jehova na naroroon ako. Yaong mga nasa kongregasyon ay lubhang maibigin at nakapagpapatibay-loob, at nakatulong nang malaki sa akin ang pag-ibig at personal na interes na ipinakita sa buong panahon ng kakila-kilabot na karanasan.” Sabi pa ni Jane: “Nakatulong din sa akin kapag nagbabasa ako ng mga awit. Sa paano man ang mga panalangin ng mga napipighati ay waring nagpapahayag ng aking nararamdaman. Kapag hindi ko masabi ang gusto kong sabihin sa panalangin, ang nasasabi ko na lamang ay ‘Amen.’ ”

Huwag mong ipagkait ang pampatibay-loob sa nagdurusa. Kung mayroon kang mahal sa buhay na nakakaharap ang kakila-kilabot na alaala ng ilang traumatikong pangyayari, unawain na hindi siya kumikilos nang labis o sinasadya man ang pagiging mahirap intindihin. Dahil sa pagkamanhid ng damdamin, kabalisahan, o galit, maaaring hindi siya tumugon na gaya ng gusto mo sa mga pagsisikap na ginagawa mo upang tumulong. Subalit huwag kang susuko! Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”​—Kawikaan 17:17.

Kailangang unawain at iwasan ng pinahihirapan nito ang mga pamamaraan para madaig ang suliranin na magdudulot ng higit na pinsala. Kasali rito ang paggamit ng ipinagbabawal na droga at pagpapakalabis sa mga inuming may alkohol. Bagaman ang alak at mga droga ay maaaring magdulot ng pansamantalang ginhawa, di-magtatagal ay lalo lamang mapalalalâ nito ang mga bagay-bagay. Ang mga ito’y karaniwang nagpapangyari ng paglayo sa mga tao, pagtanggi sa mga taong gustong tumulong, labis-labis na pagtatrabaho, di-masupil na galit, di-mapigil o labis na pagpipigil sa pagkain, o iba pang paggawi na pumipinsala sa sarili.

Sumangguni sa isang mahusay na propesyonal sa kalusugan. Baka matuklasan na wala naman palang PTSD ang nagdurusa, subalit kung mayroon man siya nito, may epektibong mga terapi. b Kung ikaw ay tumatanggap ng tulong mula sa mga propesyonal, maging tapat sa taong iyon at humingi ng tulong upang mapagtagumpayan ang alinman sa nabanggit na mga paggawi.

Tandaan: Ang mga sugat sa katawan ay kadalasang siyang unang gumagaling, subalit ang mga taong pinahihirapan ng PTSD ay maaaring masugatan sa maraming paraan sa katawan, isipan, at espiritu. Tatalakayin pa nang higit ng susunod na artikulo ang mga paraan kung paano magkakaroon ng bahagi ang maysakit at yaong mga nakapaligid sa kaniya sa proseso ng paggaling at tatalakayin din ang pag-asa para sa lahat na nakararanas ng post-traumatic shock.

[Mga talababa]

a Tingnan ang mga artikulong “Sila ba’y Nagbabalik na Gaya ng Dati?” at “Nagbalik Siyang Isang Estranghero,” sa Gumising! ng Enero 8, 1983.

b Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi opisyal na nagtataguyod o nagrerekomenda ng anumang espesipikong anyo ng terapi, ito man ay medikal o psychiatric.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Mga Sintomas ng Post-traumatic Stress

Nasusumpungan ng maraming nakaligtas sa trauma na muling nagbabalik sa kanilang isipan ang trauma. Karaniwang hindi ito masupil o mapahintong mangyari ng mga nakaligtas. Maaaring kabilang sa mga resulta ang:

• Mga pagbabalik-gunita​—ang pagkadama na nangyayaring muli ang trauma

• Masasamang panaginip at mga bangungot

• Ang pagiging labis na magugulatin sa malalakas na ingay o sa isa na di-inaasahang manggagaling mula sa likuran

• Panginginig at pagpapawis

• Pagkabog ng dibdib o nahihirapan sa paghinga

• Pagkabalisa kapag nagugunita ang trauma sa pamamagitan ng isang bagay na nakita, narinig, nahipo, naamoy, o nalasahan

• Pagkabalisa o takot​—ang pagkadama ng pagiging nasa panganib muli

• Nahihirapang masupil ang mga emosyon dahil sa mga alaala na humahantong sa biglang pagkabalisa, galit, o pagkaligalig

• Nahihirapang magtuon ng pansin o mag-isip nang malinaw

• Nahihirapang makatulog o manatiling tulog

• Kaligaligan at palaging nagbabantay sa panganib

• Kawalan ng pakiramdam o pagkamanhid ng damdamin

• Nahihirapang makadama ng pagmamahal o makadama ng anumang matinding damdamin

• Ang pagkadama na ang kapaligiran ay kakatwa o hindi totoo

• Kawalan ng interes sa mga bagay na dati’y kasiya-siya

• Nahihirapang matandaan ang mahahalagang bahagi ng nangyari noong panahon ng trauma

• Ang pagkadama na wala nang kaugnayan sa daigdig na nakapalibot sa kanila at sa mga bagay na nangyayari sa kanila

[Larawan sa pahina 5]

Ang iba’t ibang traumatikong pangyayari ay maaaring pagmulan ng PTSD