Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

“Mahigit sa kalahati ng mga Ruso ang naniniwala na ang panunuhol sa mga opisyal ang pinakamahusay na paraan para ‘malutas ang mga problema.’”​—REUTERS NEWS SERVICE, RUSSIA.

“Ayon sa isang surbey, 17.5 porsiyento ng mga adultong Tsino ang may sakit sa isip . . . Ang mga babae ay mas malamang na magkaroon ng mga mood disorder at anxiety disorder kaysa sa mga lalaki.”​—CHINA DAILY, TSINA.

“Di-bababa sa 28% ng lahat ng banggaan ng mga sasakyan sa E.U.A.​—o 1.6 milyong banggaan taun-taon​—ay dahil sa mga drayber na tumatawag o nagtetext gamit ang kanilang cellphone, ayon sa bagong pagtaya ng National Safety Council.”​—UC BERKELEY WELLNESS LETTER, E.U.A.

“Isang Nakakahiyang Kasaysayan”

“Isinisiwalat ng Report of the Commission to Inquire Into Child Abuse ang isang nakakahiyang kasaysayan ng Ireland,” ang sabi ng The Irish Times. Ayon sa pahayagan, ibinunyag ng report na ito ang isang kasaysayan na nabahiran ng pang-aabuso ng mga institusyong Katoliko sa mga bata, mula sa “pambubugbog sa mga bata na ang tanging krimen ay ang pagkakaroon ng mga kuto” hanggang sa seksuwal na pang-aabuso sa loob ng mahabang panahon. Sinabi ng pahayagan na hinayaan ang pang-aabusong ito dahil sa maling katapatan sa “ganap na awtoridad ng Simbahang Katoliko.” “Nakakahiya Kayo, Gobyerno at Simbahan,” ayon sa isang ulo ng balita sa Times. Sinipi ito sa sinabi ng isang babaing nakikisimpatiya sa mga biktima.

Tubig sa Buwan

Sinasabi ng mga siyentipikong nagpabagsak ng rocket sa ibabaw ng buwan na nakadetek sila ng tubig sa pumailanlang na alikabok. Sinuri ang makapal na alikabok na ito gamit ang mga spectrometer​—instrumentong nagsusuri sa komposisyon ng mga materyal sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga wavelength ng liwanag na tinatanggap o inilalabas ng mga ito. “Tinutuklas namin ang mga misteryo ng ating pinakamalapit na kapitbahay, at pati na rin ng sistema solar,” ang sabi ni Michael Wargo, chief lunar scientist sa punong-tanggapan ng NASA sa Washington, D.C. Kamakailan lang, sa pamamagitan ng isang moon probe, natuklasan na may milyun-milyong tonelada ng tubig sa polong hilaga ng buwan.

Ginto Mula sa Vending Machine

Sa ilang lugar sa daigdig, kasama na ang mga bara ng ginto sa maraming bagay na puwedeng bilhin sa mga vending machine. Halimbawa, isang hotel sa Abu Dhabi, United Arab Emirates, ang may ganitong makina na naglalabas ng 320 paninda, kasama na ang mga bara ng ginto na may timbang na hanggang 10 gramo at mga pasadyang baryang ginto. Ang mga presyo ng ginto ay ina-update tuwing sampung minuto gamit ang computerized link sa pandaigdig na pamilihan. Noong una, lokal na pera lang ang tinatanggap ng makina, pero ngayon, plano na ring gawing posible ang mga transaksiyon gamit ang credit card. Pinili ang lugar na ito para sa ganitong mga vending machine “dahil marami ang gustong bumili ng ginto sa rehiyong ito,” ang sabi ng Reuters.