Anong Uri ng Bituin ang Umakay sa “mga Pantas na Lalaki” Patungo kay Jesus?

Anong Uri ng Bituin ang Umakay sa “mga Pantas na Lalaki” Patungo kay Jesus?

Anong Uri ng Bituin ang Umakay sa “mga Pantas na Lalaki” Patungo kay Jesus?

Ipinakikita ng mga kuwento tungkol sa Pasko na ang bituin ay isang mabuting tanda mula sa langit. Totoo ba ito?

◼ Isang kakaibang bituin ang nakita ng “mga Pantas na lalaki” mula sa Silangan na nang dakong huli ay umakay sa kanila papunta sa batang si Jesus, ang sabi ni Mateo, isang manunulat sa Bibliya. (Mateo 2:1-12, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Ipinakikita ng mga kuwento tungkol sa Pasko na ang bituin ay isang mabuting tanda mula sa langit. Ayon sa isang reperensiya, ang bituin ay bahagi ng “kaayusan ng Diyos kung saan . . . ang batang si Jesus ay pinarangalan at kinilala ng Ama bilang kaniyang minamahal na Anak.” Pinararangalan maging ng mga awiting Pamasko ang bituing ito. Ano ba ang bituing ito?

Para sa ilan, ito ay isang likas na penomeno sa langit. Ipinapalagay ng ilang iskolar na ito ay nagkatabi-tabing mga planeta. Pero ayon sa The New Bible Dictionary, “ang gayong penomeno ay imposibleng maging ‘isang bituin.’” Kahit magkatabi-tabi pa ang maraming planeta, hindi pa rin ito magmumukhang isang bituin. Halata pa ring magkakaiba ang liwanag ng mga ito. Sinasabi naman ng iba na ito raw ay bunga ng iba pang mga penomeno sa langit, gaya ng kometa o supernova. Pero walang isa man sa mga penomenong ito ang may kakayahang kumilos patungo sa isang lunsod at huminto sa isang partikular na bahay para gabayan ang mga lalaking iyon.

Posible kayang ang bituing ito ay bunga ng likas na pangyayari o mula sa Diyos? Pansinin ito: Hindi naman mga iskolar ang “mga Pantas na lalaki” na ito; ni mga hari man sila. Gaya ng sinasabi ng karamihan ng Bibliyang isinalin sa makabagong Ingles, sila’y “mga astrologo.” Gumagawa sila ng mga bagay na labag sa Banal na Kasulatan. (Deuteronomio 18:10-12) Pansinin na tanging ang mga astrologong ito ang nagsabing “nakita” nila ang bituin. Kung talagang isa itong tunay na bituin, tiyak na nakita rin sana ito ng maraming tao. Pero maging si Haring Herodes ay nagtanong tungkol sa paglitaw nito. Ginabayan muna ng bituing ito ang mga astrologo patungong Jerusalem, na kinaroroonan ni Herodes, mortal na kaaway ng inihulang Mesiyas. Gusto niyang patayin ang batang si Jesus. Pagkatapos, inakay ng bituin ang mga astrologo patimog, sa Betlehem, ang kinaroroonan noon ni Jesus. Nanganib tuloy ang buhay ni Jesus.

Ang lahat ng ito ay katibayan na hindi nagmula sa Diyos ang bituin, kundi kay Satanas na Diyablo, na inilalarawan ng Bibliya na gumagamit ng “kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan.” (2 Tesalonica 2:9) Kaya hindi dapat ikagulat ng mga tunay na Kristiyano na kaya ni Satanas na pangyarihing mga astrologo lang ang makakita ng tulad-bituing bagay na ito. Kaya rin niyang pakilusin ang “bituin” na ito para gabayan sila papunta sa Anak ng Diyos, na gusto niyang patayin. Siyempre pa, walang makahahadlang sa plano ng Diyos na Jehova. Kaya hindi kataka-takang nauwi sa wala ang plano ng Diyablo na patayin si Jesus habang bata pa ito.

Pero kapansin-pansin na inihayag ng Diyos sa makahimalang paraan ang kapanganakan ni Jesus. Nang gabing ipanganak si Jesus, isang anghel ang nagpakita sa isang grupo ng mga pastol at sinabi niyang ipinanganak na ang “Tagapagligtas.” Nagbigay din ng direksiyon ang anghel kung saan madadalaw ng mga pastol si Jesus. Pagkatapos, isang karamihan ng mga anghel ang nagpakita at pumuri sa Diyos. (Lucas 2:8-14) Ang mga anghel na ito ang ginamit ng Diyos at hindi ang bituin para ipaalam na ipinanganak si Jesus.