Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ “Siyam sa bawat sampung kalamidad ay may kaugnayan ngayon sa pagbabago ng klima. Nadoble ang bilang ng napaulat na mga kalamidad—mula 200 taun-taon hanggang sa mahigit 400 taun-taon nitong nakalipas na dalawang dekada.”—JOHN HOLMES, UNITED NATIONS UNDER-SECRETARY-GENERAL FOR HUMANITARIAN AFFAIRS AND EMERGENCY RELIEF COORDINATOR.
Karapatang Pantao Para sa mga Katutubo
Ang United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples, na nilagdaan noong 2007, ay naisalin na sa Maya at Nahuatl, mga wikang ginagamit ng karamihan sa mga katutubo sa Mexico. “Di-kukulangin sa 10 milyong tao [sa Mexico] ang hindi nakaaalam ng kanilang mga karapatan,” ang sabi ng pahayagang El Universal. “Kaya madalas na wala silang kamalay-malay na inaabuso na sila.” Sinasabing makatutulong ang mga saling ito para igalang ang karapatang pantao ng mga katutubong iyon.
Ibinebentang Pagkabirhen
Ayon sa ulat ng magasing Newsweek Polska, gulát na gulát ang mga sosyologo sa mga kabataang Polako na handang magbenta ng kanilang pagkabirhen. “Saanmang lugar, ito ang natututuhan ng mga kabataan: kahit ano, puwedeng ibenta,” ang sabi ng sikologong si Jacek Kurzępa, ng University of Zielona Góra. Parami nang parami ang nagbebenta pa nga ng kanilang pagkabirhen sa Internet. Pero luging-lugi ang mga kabataan sa desisyon nilang ito. “Ang desisyong ito ay may malaking epekto sa buhay [ng isa] at sa relasyon niya sa kaniyang magiging kapareha,” ang sabi ni Kurzępa.
Dating Matao ang Amazon
Ang malalawak na lugar sa timugang Amazonia na sinasabing mga virgin forest ay malamang na dating matataong komunidad na “napalilibutan ng malalaking pader.” Ito ang naging konklusyon ng mga antropologong nasa Mato Grosso, Brazil. Sa lawak na mga 30,000 kilometro kuwadrado, natagpuan nila ang “magkakatabing bayan at maliliit na nayon na napapaderan,” pero ngayo’y gubat na. Ang ilan sa mga bayang ito ay may lawak na 60 ektarya. Ayon sa ulat ng University of Florida, natuklasan ng kanilang mga antropologo na ang mga komunidad na ito ay umiral “noong mga taóng 1250 hanggang 1650, kung kailan halos naubos ang mga naninirahan doon dahil sa pananakop ng mga Europeo at sa dala nitong mga sakit.”
Nakatutulong ang mga Halaman sa Paggaling Matapos ang Operasyon
Noon pa man, pinaniniwalaan nang ang kalikasan ay nakapagpapagaan ng pakiramdam, at nakababawas ng stress at kirot. Pinatunayan ng mga bagong pananaliksik ang paniniwalang ito. “Pagkatapos maoperahan, ang ilang pasyente ay inilagay sa mga kuwartong may halaman, at ang iba naman ay sa mga kuwartong walang halaman,” paliwanag ng Science Daily. Ang mga pasyenteng may mga halaman sa kuwarto ay di-gaanong nakaramdam ng kirot, di-gaanong nangailangan ng gamot sa kirot, mas maganda ang tibok ng puso at presyon ng dugo, at mas masaya sa kanilang kuwarto kaysa roon sa mga walang halaman. Mga 93 porsiyento ng mga may halaman ang nagsabi na ang “pinakagusto” nila sa kanilang kuwarto ay ang mga halaman.