Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Inaabuso ang Inyong Anak

Kapag Inaabuso ang Inyong Anak

Kapag Inaabuso ang Inyong Anak

UPANG mapigil ang pang-aabuso, kailangang alam mo ito kung makikita mo. Sa maraming aklat tungkol sa paksa, itinala ng mga eksperto ang di-mabilang na mga sinasabing palatandaan na ang bata’y inabuso na siyang maaaring bantayan ng mga magulang. Kasali rito ang: mga pagdaing ng sakit kapag umiihi o dumudumi, mga impeksiyon sa sangkap ng pag-aanak, mga galos o pinsala sa paligid ng sangkap sa pag-aanak, ang di-inaasahang pag-ihi sa kama, pagkawala ng gana o iba pang problema sa pagkain, adelantadong paggawi may kinalaman sa sekso, di-inaasahang pagkatakot sa mga lugar na gaya ng paaralan o mga lugar sa bahay, pana-panahong pagkasindak, matinding pagkatakot na maghubad, pagkatakot na makasama ang isang kilala nang sila lamang dalawa, at pananakit sa sarili.

Gayunpaman, mag-ingat sa padalus-dalos na pagpapalagay. Ang marami sa mga sintoma na ito ay hindi laging nangangahulugan mismo na ang isang bata ay aktuwal na hinalay. Bawat isa ay maaaring magpahiwatig ng iba pang suliranin. Subalit kapag may nakita kang nakababalisang mga sintoma, unti-unti mong buksan ang paksa, marahil sa pamamagitan ng ganitong pagsasabi: “Kung may sinumang humipo sa iyo na hindi mo nagustuhan, ibig kong malaman mo na lagi akong makikinig sa sasabihin mo, at gagawin ko ang lahat upang maingatan ka. May nangyari na bang ganiyan sa iyo?”​—Kawikaan 20:5.

Kapag isiniwalat ng iyong anak na siya’y hinalay, tiyak na mabibigla ka. Ngunit tandaan: Malaki ang magagawa ng iyong reaksiyon sa paggaling ng bata. Napakabigat na ng dinadalang pasanin ng iyong anak at kailangan ka niya, ang iyong lakas bilang nakatatanda, upang mag-alis nito mula sa kaniyang balikat. Purihin ang bata dahil sa lakas ng kaniyang loob na sabihin sa iyo ang nangyari. Paulit-ulit na tiyakin sa bata na gagawin mo ang lahat upang maglaan ng proteksiyon; na ang pang-aabuso ay kasalanan ng mang-aabúso, hindi ng bata; na ang bata ay hindi “masama”; na mahal mo ang bata.

Ang ilang eksperto sa batas ay nagpapayo na ireport ang pang-aabuso sa mga maykapangyarihan sa lalong madaling panahon. Sa ibang lupain ay maaaring kailanganin ito ng batas. Ngunit sa ibang lugar ang batas ay maaaring nagbibigay lamang ng kaunting pag-asa sa isang matagumpay na pag-uusig.

Subalit, ano kaya kung ang mang-aabúso ay ang sariling minamahal na asawa? Nakalulungkot sabihin, maraming kababaihan ang nananahimik na lamang. Mangyari pa, hindi kailanman madaling tanggapin ang pangit na katotohanang ang isang asawa ay isang mang-aabuso ng bata. Ang emosyonal na ugnayan, at maging ang pagsandig sa pinansiyal, ay totoong napakatindi. Maaaring isipin din ng pinagkasanlang asawang babae na ang paggawa ng hakbang ay maaaring maging kapalit ng pamilya, trabaho, dangal ng kaniyang asawa. a Ngunit, ang masakit na katotohanan ay na inaani lamang niya ang kaniyang itinanim. (Galacia 6:7) Sa kabilang dako naman, mas malaki ang mawawala sa walang-malay na mga bata kung hindi sila paniniwalaan at iingatan. Nakataya ang lahat ng kanilang kinabukasan. Wala silang kakayahan na taglay ng mga nakatatanda. Ang pangit na karanasan ay nagiging pilat at nagdudulot ng masamang epekto sa kanila habambuhay. Sila ang nangangailangan at karapat-dapat pagpakitaan ng pagmamahal.​—Ihambing ang Genesis 33:13, 14.

Dapat kung gayon na gawin ng mga magulang ang lahat ng makatuwirang pagsisikap na maingatan ang kanilang mga anak! Maraming responsableng mga magulang ang lumalapit sa mga propesyonal upang humingi ng tulong para sa inabusong bata. Gaya ng sa isang doktor sa medisina, tiyakin na igagalang ng sinumang propesyonal na iyon ang inyong relihiyosong pangmalas. b Tulungan ang inyong anak na buuing muli ang nawasak na karangalan sa pamamagitan ng patuluyang pagbubuhos ng pag-ibig bilang mga magulang.

[Mga talababa]

a Sa katunayan, ang mang-aabúso ay may problema na at kailangang-kailangan ang tulong. Kahit na sabihin pa ng gumawa ng masama na nagsisisi siya, maaaring isaalang-alang ng pinagkasanlang asawa: Bakit hindi siya nagtapat bago ibunyag ng kaniyang biktima?

b Halimbawa, kapag ang mga Saksi ni Jehova ay napapaharap sa mga isyu may kinalaman sa pagsasalin ng dugo, tinitiyak nila na iginagalang ng doktor ang kanilang relihiyosong mga paniniwala.