Ang Ilog na Hulog ng Langit
Ang Ilog na Hulog ng Langit
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Venezuela
SA GAWI pa roon ng katimugang maningning na kabisera ng Venezuela, ang Caracas, naroon ang kakatwang lupain, ang Guiana Highlands. Ito ang misteryosong lugar na ginamit ni Sir Arthur Conan Doyle bilang tagpo sa kaniyang nobelang science-fiction na The Lost World, kung saan isinulat niya ang tungkol sa nabubukod na talampas kung saan gumagala-gala pa rin ang mga dinusauro.
Wala, walang mga dinusauro roon. Ngunit sa luntiang mga talampas ang pagkatataas, patag sa tuktok na mga bundok ay parang pagkalalaking kuta. Ang matatarik-gilid, patag-tuktok na mga bundok na ito ay tinatawag na tepuís.
Ang pinakamalaki at isa sa pinakamataas na tepuís, na tumataas ng mga 8,000 piye (2,400 m), ay natuklasan noon ng lokal na mga Indian. Tinawag nila itong Auyán Tepuí, nangangahulugang “Bundok ng Diyablo.” Inaakala ng mga Indian na ito ay tirahan ng Diyablo dahilan sa matinding mga lagay ng panahon, ang buhawing-lakas na mga hangin at mga bagyo, at ang makapal na ulap na karaniwang tumatakip sa tuktok ng tepuí.
Mula sa malalaking bato ng Bundok ng Diyablo isang pailalim na ilog, ang Churún, ay tumatalon sa distansiya na
gumagawa ritong ang pinakamataas na talón na nakilala at isa sa pinakamaganda. Ang maharlikang talón ay kilala bilang Churún-Merú ng mga Indian na Kamaracotos, Salto Angel ng mga taga-Venezuela, at Angel Falls ng mga nagsasalita ng Ingles.“Nakasumpong Ako ng Isang Talón!”
Maaga sa dantaong ito, noong 1910, ginalugad ni Ernesto Sánchez La Cruz, isang manggagalugad na taga-Venezuela na naghahanap ng ginto at goma ang paliku-likong libis ng Ilog Churún at nasumpungan ang kagila-gilalas na talón. Bumulalas siya na nakakita siya ng isang ilog na para bang ‘nahuhulog mula sa langit!’
Nang malaunan tinawag itong Angel Falls dahil kay Jimmy Angel, isang abenturerong pilotong Amerikano at naghahanap ng ginto. Si Angel ay sumulat sa kaniyang talaarawan ng pagpapalipad (na may petsang Nobyembre 16, l933) nang unang magdaan ang kaniyang eroplano sa talón, “Nakasumpong ako ng isang talón!” Nang magbalik siya noong 1937 at sinikap na palapagin ang kaniyang monoplane sa Auyán Tepuí, bumagsak siya sa halip sa patag na tuktok. Pagkaraan ng labing-isang araw siya at ang kaniyang mga pasahero, kasama na ang kaniyang asawa ay nagpunyaging bumaba mula sa patag na tuktok. Ang resultang publisidad ay tumawag ng pansin sa kasindak-sindak na tanawin. Nang malaunan, mga pagsukat ay nagpatunay na ang talón ay 3,212 piye (979 m) ang taas—mahigit sa kalahati ng isang milya!
Ngayon, madaling sabihing 3,212 piye ang taas, ngunit isip-isipin—na iyan ay higit na dalawang beses ang taas sa Empire State Building sa Lunsod ng New York, dalawang ulit ang taas sa Ribbon Falls sa Yosemite National Park, California, o mahigit na tatlong ulit ang taas sa Skykje Falls sa Norway, Staubbach Falls sa Switzerland, o Candelas Falls sa Colombia!
Siyanga pala, walang lawa sa patag na tuktok.
Sa panahon ng bagyo kung tag-ulan, malakas na agos ng tubig ang nahuhulog mula sa langit, nagtitipon sa malalim na mga bitak, bangin, at mga libis, at nagtutungo sa pailalim na Ilog Churún.Nakukubli pa rin ba ang Angel Falls?
Mapapasyalan ba ang natatagong kababalaghang ito ng paglalang? Oo, dalawang paraan, kapuwa mahirap. Mula sa Puerto Ordaz, maaari mong kunin ang dalawang linggong paglalakbay sakay ng kanoa (canoe).
O maaari kang sumakay sa eroplano patungo sa Angel Falls, mula sa Caracas o Puerto Ordaz. Dadalhin ka ng maliit na eroplano sa palikulikong mga libis ng Ilog Churún na may matataas na mga bundok sa magkabilang tabi at ililipad ka sa ibaba sa mga gilid ng bundok. Napakaraming mga talón anupa’t ito’y nakalilito. Ngunit pagka nakita mo sa wakas ang Angel Falls na bumubulusok sa dalisdis, naglalaho ang lahat ng pag-aalinlangan. Yamang ang pagsulyap ay napakabilis, sa ilalim ng mabuting mga kalagayan ang piloto ay daraan nang makalawa sa kapakanan ng naglalakbay.
Gayunman, yamang ang lagay ng panahon ay di-mahulaan, walang garantiya na makita o malitratuhan ang Angel Falls. Maraming mga talón ang hindi makita sapagkat pawang nakukubli ng ulan, fog, o makapal na ulap. Ito ay nakalulungkot kung ikaw ay gumugol ng panahon at salapi sa pag-asam-asam na makita ang maharlikang tanawin. Ngunit para sa marami ang nakapangingilig na paglipad ng eroplano pababa sa kumikipot na dulo ng libis ay sulit sa halaga at pagsisikap.
Gayunman ay mayroon pang huling pagkakataon. Pinagpapatuloy ang iyong paglalakbay, di magtatagal at darating ka sa malarosas na buhanginan ng Canaima. Dito ay maisasaayos mo na magtungo sa paanan ng Angel Falls kasama ng isang giya. Kukuha ito ng dalawa o tatlong araw papunta, sakay ng isang kanoa, sa mga ilog ng Carrao at Churún at saka daraan sa kagubatan paakyat sa posisyon de bentaha. Doon ay maghihintay kayo hanggang sa makisama, maghiwalay at umangat ang mga ulap. Saka nahahayag ang Angel Falls sa kumikinang, kagila-gilalas na talón nito sa ibaba ng labi ng Auyán Tepuí.
‘Ano kaya ang nasa patag na tuktok?’ maitatanong mo. Ang ilan na nanggalugad sa tuktok ay tiniis ang lamig doon; ang temperatura ay maaaring bumaba sa halos 32 digri Fahrenheit (0° C.) sa gabi. Ang ibabaw nito ay mga bitak at mga bangin na may kakatwang mga bato na sinlaki ng pagkatataas na mga gusali.
Minsan pang minamasdan ang maulap na pinilakang lagaslasan o kaskada, mapahahalagahan natin na malayo sa pagkakaroon ng anumang kaugnayan sa tirahan ng Diyablo, ang Angel Falls ay isang kahanga-hangang kapahayagan ng gawang-kamay ng Isa na lumikha ng napakagandang mga talón, kapuwa sa kaniyang kasiyahan at sa kaluguran ng mga tao.
[Larawan sa pahina 13]
Kadalasan ang talón ay hindi makikita dahilan sa fog o ulap